Sa proseso ng pag-unlad ng industriya at komersiyo ng Tsina, may grupong bahay-kalakal na Tsino na mahaba ang kasaysayan at halos 500 taong gulang na ang pinakamatanda. Bilang mga saksi at survivor sa pag-unlad ng industriya at komersiyo ng Tsina, gumanap sila ng kahanga-hangang papel sa pagpapasulong sa pambansang industriya, pagpapalaganap ng kulturang Tsino at pagtataguyod sa pakikipagpalitan sa mga bansang dayuhan. Tinaguriang time-honored brand na Tsino ang naturang mga bahay-kalakal dahil simbolo sila ng mahabang kasaysayan, magandang reputasyon, dekalidad na produkto, katangi-tanging handicrafts at malaking impluwensiya. Sa kasalukuyang lipunang komersyal na kung saan ang pagiging kilala ay ang nagsisilbing nukleo ng isang tatak, ang naturang mga bahay-kalakal na Tsino ay nangangahulugan ng malaking pagkakataong komersyal. Kaugnay nito, sinabi ni Yang Chunxue, mananaliksik ng Chinese Academy of Social Sciences, na:
"Makikita sa kanilang intangible assets ang halagang komersyal ng mga time-honored brand, ibig sabihin, ipinakikita ng mga ito ang diwa ng tradisyonal na komersiyo ng Tsina na nagtatampok sa katapatan at kredibilidad. Napakalaki ng praktikal na katuturan ng pagpapasulong sa naturang mga bahay-kalakal."
May mahigit 5000 ganitong bahay-kalakal ang Tsina. Pero, sa harap ng tumitinding kompetetibong pamilihan, marami sa kanila ang nakakaranas ng mga kahirapan na tulad ng kakulangan sa inobasyon, kakulangan ng kakayahan sa pangangalaga sa sariling IPR, pagmamay-ari ng likhang-isip, at pagiging mahina sa pagdedebelop ng pamilihan. At ang masama pa, meron ding mga tradisyonal na bahay-kalakal na Tsino na nabangkarote na.
Sinabi ng dalubhasang Tsino na kung gustong mapaunlad ang sarili sa ilalim ng matinding kompetisyon, dapat palakasin ng mga matandang bahay-kalakal na Tsino ang kanilang kakayahan sa inobasyon at dapat din nilang repormahin ang kanilang estruktura ng pagmamay-ari. Sinabi pa ng dalubhasang Tsino na:
"Kung buong husay na uunlad o hindi ang mga time-honored brand na Tsino ay lubusang depende sa kung papaanong makakatugon ang mga ito sa kompetisyong dulot ng pamilihan. Pagdating sa reporma sa estruktura ng pagmamay-ari ng naturang mga tatak, maaring gawing reperensiya ang karanasan ng mga bahay-kalakal na ari ng estado na matagumpay sa reestruktura."
Sa katotohanan, upang mapangalagaan at mapaunlad ang naturang mga matandang tatak na Tsino, aktibong umaaksyon ngayon ang pamahalaan sa iba't ibang antas at mga organisasyong di-pampamahalaan ng Tsina. Halimbawa, inilakip na sa agenda ng Pamahalaang Munisipal ng Beijing ang programa ng pagliligtas at pagpapaahon ng mga matandang tatak ng kabisera. Sa Hangzhou naman, isang lunsod sa baybaying-dagat ng dakong silangan ng Tsina, isinapubliko ng may kinalamang panig ang isang proposal na humihiling na bumalangkas ng batas para mapangalagaan at mapaunlad ang mga time-honored brand na lokal at siya ring kauna-unahang ganitong proposal sa buong Tsina.
Isinapubliko rin kamakailan ng Ministri ng Komersya ng Tsina ang patalastas na may kinalaman sa pagsasagawa ng pambansang proyekto ng muling pagpapasigla sa mga matandang tatak. Sa ilalim ng proyektong ito, bibigyan ng patnubay ang mga matandang tatak hinggil sa kung papaanong makapagpapasalin-salin at makapagpapaunlad ng kanilang tradisyonal na handicraft at kultura, magagawang inobatibo ang paraan ng pangangasiwa at maisakatuparan ang bagong kaunlaran sa pagsasamantala sa bentaheng dulot ng tatak.
Sinabi ni Zhang Zhigang, Pangalawang Ministro ng Komersya ng Tsina, na kung gustong maisakatuparan ang rehabilitasyon ng mga matandang tatak, ang kailangang-kailangan nilang gawin ay repormahin ang kanilang estruktura. Sinabi pa niya na:
"Humihiling kami sa lahat ng mga time-honored brand na repormahin ang kanilang estruktura ng pagmamay-ari at gawing makabagong bahay-kalakal ang mga matandang tatak. Tutulungan sila ng pamahalaan sa iba't ibang antas sa pagsasagawa ng inobasyon at pagpoprodyus ng mga istandard na produkto at serbisyo at iba pa. Nananalig akong magiging maluwalhati ang prospek ng mga matandang tatak na Tsino."
|