May isang alamat sa sinaunang Tsina hinggil sa isang hukay na hindi matarok ang lalim sa silangan ng Beihai kung saan ang katubigan ng lahat ng mga ilog sa daigdig ay inaasahang magtagpo. Sa katubigang ito ay may tatlong bundok na pinaninirahan ng mga diyos-diyosan. Sa kanilang paghahanap ng mortalidad ang maraming emperador sa kasaysayang Tsino ay nagpatayo ng mga lawa at islang-burol sa likod ng kani-kanilang palasyo kung saan umaasa silang mabubuhay nang walang hanggan na katulad ng mga diyos-diyosan. Ang Beihai park, isang imperial garden sa likod ng Forbidden City sa Beijing, ay sadyang itinayo para rito.
Ang halos kalahati ng parke ay sakop na lawa. At sa gitna ng lawang ito ay matatagpuan ang Jade Islet, isang islang-burol na pina-iibabawan ng kahanga-hangang White Dagoba na naging isang tanda ng Beihai Park. Sa simula, may tatlong maliliit na isla pero sa bandang huli, unti-unting idinugtong ang dalawang iba pa sa kalapit na lupa.
Ang Beihai Park ay may kasaysayang 800 taon. Kahit na napili ang lugar na ito bilang isang pook-libangan, hindi ito ginawang harding imperyal ng isang emperador ng Jin Dynasty (1115-1234) bago mag-1179. Noong ika-13 siglo, sinakop ng mga Mongols ang Jin at itinatag nila ang Yuan Dynasty (1279-1368). Ginawa ng Yuan ang Beijing na kabisera nito. Si Kublai Khan, ang unang emperador ng Yuan, ay nagsasagawa ng malawakang rekonstruksyon ng harding ito. Ang isa sa pinakakahanga-hangang nagawa niya ay ang pagpapalaki ng Guanghan Palace sa Jade Islet. Isa itong maringal na edipisyo na may 40 metro mula sa silangan sa kanluran, 20 metro mula sa timog hanggang sa hilaga at 16 na metro ang taas. Ito ay isang palasyong libangan ng pamilyang imperial at lugar din para sa maringal na seremony at bangkete. Nang dumalaw sa Beijing si Marco Polo sa kanyang biyahe sa Tsina sa pagtatapos ng ika-13 siglo, lubos na pinuri niya ang harding imperyal na ito ng mga pinuno ng Yuan at inihambing niya ito sa paraiso. Sa kasamaang-palad, labis itong nayanig ng isang lindol at tuluyang nagiba pagkaraan ng 300 taon. Noong 1651, ang White Dagoba, isang tore na may istilong Tibetano at itinayo sa guho nito nang alinsunod sa mungkahi ng isang kilalang Tibetan lama priest na si Nomhan. Inaprobahan ni Emperador Shunzhi ng Qing Dynasty ang proyektong ito bilang tanda ng kanyang debosyon sa pananampalatayang Budista at hangaring mapag-isa ang iba't ibang nasyonalidad ng Tsina. Itinuring din niya ang matayog na istrukturang ito, na siyang magiging pinakamataas na gusali sa kabisera sa darating na maraming taon, bilang isang lugar na pagkakakitaan ng lahat, may kahalagahang militar ito. Pag may panganib, itataas ang mga watawat at sisindihan ang mga parol upang ipadala ang mga hukbong imperyal sa labanan.
Ang isang kanyong bakal ay inilagay doon upang mapasuko ang mga sumasalakay na puwersa pero kinalas ito nang wala man lang napaputok. Ang White Dagoba na nakikita natin ngayon ay muling ipinatayo noong 1741 ni Emperador Qianlong. Gumugol siya ng malaking halaga at nagpakilos ng maraming tao upang muling isaayos ang buong hardin. Ang isang diskripsyon ng tanawin at proseso ng rekonstruksyon ay inukit sa isang matigas na bato na inilagay sa isang pavilion sa paanan ng burol.
|