Lagi nang iniuugnay ng mga mamamayang Tsino sa kultura ng sangkatauhan ang mga kuweba at mga bagay na natural na sumibol sa loob ng mga kuweba. Ang mga stalactites at stalagmites ay pinapangalanan kaugnay ng mga tradisyonal na alamat at likhang kuwento ng Tsina. Sa malaking kuweba ng Jingdong ay maraming matulaing pook na gaya ng pinangalanang "Guanyin Buddist Does the Swallow a Favor" o "Gumagawa ang Budistang Guanyin ng Kagandahang loob sa Langay-langayan", "Penglai Fairyland" o "Lupa ng Enkanto ng Penglai" at "Granted Blessing by the God of Longlife" o "Biyayang Ipinagkaloob ng Diyos ng Mahabang Buhay". Mahigit sa 30 matulaing pook na may gayong kataka-takang pangalan ang nakapaloob sa malaking kuwebang ito. Gayunman, huwag ninyong isipin na kulang ang inyong imahinasyon, dahil lamang sa hindi ninyo ganap na maunawaan ang koneksiyon ng pangalan ng ganitong matulaing pook at tunay na hitsura nito. Kayo mismo ay puwede ring magbigay ng pangalan.
Sa pagpasok sa kuweba, tumatahimik ang buong kapaligiran, sa pagpipinid ng pinto sa likuran. Biglang bumababa sa 18 sentigrado ang temperatura sa loob ng kuweba, kaya dali-dali namang naglalabas ang mga bumibisitang turista ng mga panlamig na sadya nilang inihanda. Ang unang 40 metrong daanan papunta sa unang matulaing pook ay pinangalanang "Banal na Kasulatan ng Dragon". Ang daanang ito ay parang isang bomb shelter.
Ito'y higit na katulad ng Nine-dragon Wall sa Beihai Park. Ang ilang bahagi ng dragon ay halos humiwalay na sa pagkakaalsa sa high-relief na pader ng kuweba. Mai-iwanag ang hitsura ng bawat dragon at may eksaheradong ayos na parang lumilipad sa himpapawid. Gayunman, hindi makakakita doon ng ni isa mang titik Tsino.
Ang malaking bilang ng mga stalactite na nakahilig sa lupa ay isa sa mga pinakakagila-gilalas na tanawin sa kuweba. Bunga iyon ng paggalaw ng balat ng lupa. Talagang kabigha-bighaning tanawin ang daan-daang stalactite na nakahilig sa iisang direksyon at lumilikha ng anggulong tulad ng sa lupa.
Walang dudang ang kuweba, ito ay di-kukulangin sa 1.5 bilyong taon na. Gayon pa man, marami pang stalactite na nasa kamusmusang gulang pa lamang. Humahaba pa ang mga ito, mabagal nga lang.
Nadaragdagan ng isang sentimetro ang haba bawat 40 hanggang 100 taon. Dahil dito, maari rin itong tawaging matandang kuweba na nasa kalagayan ng pag-unlad.
Naglagay din ng mga baitang sa kuweba datapuwa't makikitid, matatarik, basa at madulas. Sa ilang parte ng kuweba, ang mga pader ay magkahugpong sa bandang itaas, kaya bawat isa ay kinakailangang yumuko nang todo-todo.
Ang hugis ng mga stalagmite ay katulad ng mga pagoda sa Tsina, oktagonal ang mga medya-agua, magaganda ang palamuti sa bandang itaas at solidong-solido ang mga pedestal.
May isang batong kambing na nakatayo sa isang maliit na kuweba sa pader. Hindi na kailangang gumamit kayo ng imahinasyon para makilala ang balbas at ang buntot ng kambing. Nakatingala ito at nakaangat ang kanang paa sa unahan, bahagyang nakabuka ang bibig na wari baga'y umaangal.
|