Itinanong ko minsan sa kaibigan kong banyaga kung mayroon siyang "gongfu". Inakala niyang si Jackie Chan o mga mongheng bigla na lamang lilipad mula sa kung saan ang kahulugan nito. Sa katunayan, mayroon talaga siyang "gongfu", sa kabila ng kawalan niya ng kaalaman sa martial arts. Itinanong ko lamang sa kanya kung may libreng oras siya upang uminom ng tsaa kasama ko. Isa itong tradisyonal na seremonya ng tsaa mula sa lalawigan ng Guangdong at Fujian.
Pumunnta kami sa isang teahouse. Napakatahimik sa loob, tila nasa mundo kami ng aming panaginip. Dito, ang tanging layunin ay palipasin ang oras.
Namangha ang kaibigan ko nang makita niya ang nasa mesa. Naroon ang tasang may iba't ibang laki, mga panipit, panalok, panala at pitsel. Syempre, hindi mawawala ang gongfu tea, ang oolong na nangangahulugang "itim na dragon".
Aamuy-amuyin muna ang mga tuyong dahon ng tsaa habang inilulubog ang mga tasa sa kumukulu-kulo pang tubig gamit ang panipit. Oras na malinis na ang mga kagamitan, ilalagay na ang mga dahon sa palayok na para lamang sa tsaa. Bubuhusan ito ng mainit na tubig at habayaang mababad nang kaunti ang mga dahon. Itatapon ang tubig ng unang babad, tinatawag ito "paghuuhgas sa tsaa", na kailangan upang mabawasan ang tapang ng dahon ng oolong bago inumin. Sa ikalawang pagkakataon, ibubuhos nang may paulit-ulit na pababa at pataas na aksyon ang kumukulong tubig sa dahon ng tsaa. Tinatawag itong "tatlong beses na pagtango ng phoenix". Pagkatapos, magiging paikot ang aksyon hanggang umapaw ang tubig. Mabilis lamang ang pagbabad sa dahon at sasalain na ito sa isang pitsel upang maiwasan ang pagsama ng dahon sa pag-inom.
Gayuman, bago matikman ang tsaa, kailangan munang maging tama ang gamit at hawak sa tsaa. Ang pahabang tasa ay ang "amuyang tasa". Matapos amuyin ang tsaa, isang nakakatakot na hamon ang naghihintay. Kailangang mailipat ang mainit na tsaa mula sa pahabang tasa patungo sa higit na maliit na tasa, ang "tikimang tasa". Dapat walang matitira. Ang pinakamagandang paraan ng pagsasagawa nito ay nangangailangan ng kaunting acrobatics at tiwala sa sarili, na magiging kaaya-ayang tingnan kung mapapangibabawan ang takot. Itataob ang "tikimang tasa" sa ibabaw ng "amuyang tasa" na magmumukhang kabute. Ilalagay ang tasa sa pagitan ng hintuturo at hinlalato habang nakapatong sa ibabaw ng nakataob na tasa ang hinlalaki. Sa mabilis na kilos ng kamay, babaliktarin ang mga tasa.
Isa itong nakakakabang sandali, ngunit oras na nasa ilalim na ang "tikimang tasa", maaari nang dahan-dahang angatin nang paikot ang amuyang tasa hanggang kabagyang amoy na lamang ang maiiwan dito.
Tulad ng inaasahan, magkaiba ang paraan ng paghawal ng babae at lalaki sa tasa. Tatlong daliri ang gamit ng mga babae sa paghawak ng tasa kung saan pinalalantik pa ang hintuturo na tila malalantik na kalingkingan ng mga babae sa Victorian tea parties. Inaasahan namang may kakayahan ang mga kalalakihang maiangat ang tasa gamit lamang ang dalawang daliri: nasa gilid ng tasa ang hintuturo at sinusuportahan ng hinlalato ang ilalim ng tasa.
May ritwal din sa mismong pag-inom ng tsaa. Mainam na inumin ito sa tatlong higop. Inihahanda ng unang higop ang iyong panlasa, ang ikalawa ay nakatuon sa lasa mismo at ang ikatlong ay nag-iiwan ng aftertaste. Bagaman maaaring makapuno ng anim na tasa ang isang batch ng dahon ng oolong, ang ikatlong tasa ang maituturing na pinakamalinamnam at pinakanalalasap.
Kailangan talagang lasapin ang sandali dahil pagkalipas ng seremonyang ito, babalik na muli sa totoong mundo at mararanasan na naman ang kaguluhan at kabilisan ng buhay. Kung minsan, masarap talagang matakasan ang modernong panahon. Maupo sa isang sulok kasama ng mga kaibigan at palipasin ang mahahalagang oras habang umiinom ng tsaa.
Iyon ay kung mayroon kang "gongfu".
|