Ang mga hutong ng Beijing ay nagsisilbing isa sa mga katangiang arkitektural ng lunsod na ito. Tulad din naman ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo ng tao, sala-salabat ang mga hutong sa Beijing. May isang kasabihan na "kung hindi daw mabibisita ang mga hutong sa Beijing, hindi lubos ang kaalaman hinggil sa Beijing; kung hindi makakapasok sa mga hutong, parang hindi rin nakabisita sa Beijing." Kaya, kung gusto ninyong malaman ang tradisyonal na kultura at pamumuhay sa Beijing, dapat itong mga hutong ang una ninyong pasyalan.
Sinasabi, noong ika-13 siglo, ang Beijing ay naging kabisera ng Yuan Dynasty na itinatag ng etnikong Mongol. Ang katagang "hutong" ay nagmula sa salitang huto ng wikang Monggolian, na nangangahulugang "balon". Noong panahong iyon, ipinalalagay ng mga tao na dapat may balon sa lahat ng eskinita, kaya, ang mga eskinitang ginawa noon ay nababatay sa kinaroroonan ng mga balon. Pagkatapos ng ilang daang taon, ang "huto" o hutong ay naging isa nang terminong arkitektural ng Tsina na espesyal na ginagamit bilang pagtukoy sa mga maliit na kalye sa mga lunsod sa kahilagaan ng Tsina. Hindi masyadong malawak ang mga hutong, ang lapad nito ay karaniwang 9 na metro, at may mga quadrangle sa magkabilang tabi ng kalye.
"Ang karirinig ninyo ay sigaw ng mga tidero na naglalako sa mga hutong ng Beijing. Pamilyar na pamilyar ang mga tunog na ito sa mga matagal nang naninirahan sa Beijing. Ayon sa sigaw ng mga bendor, alam na ng mga tao kung ano ang inilalako nila. Makakatagpo kayo ng gayong manlalako sa mga hutong buong taon at makakabili ng kahit anong gusto ninyo. Masasabing, ang mga hutong ay hindi lamang nagsisilbing daanan na ng mga tao sa paglabas-pasok nila sa kanilang bahay, kundi isa ring museo ng tradisyonal na kultara ng Beijing."
Ang dami talagang mga hutong sa Beijing, minsan umabot daw sa mahigit 6000. Bawat hutong ay may kani-kaniyang sariling anektoda. Sinabi ni Ginoong Li Mingde, dalubhasa sa pag-aaral ng mga folklore na ang pangalan ng mga hutong ay nagpapakita ng magkakaibang background ng pamumuhay ng mga taga-Beijing. Sinabi niyang,
"May isang hutong na tinatawag na 'baihuashenchu' na isang lugar na kinalalayan ng iba't ibang marikit na bulaklak. Maganda ang pangalan sa padinig."
Sinabi pa niyang may mga hutong na pinangalanan ayon sa kanilang hitsura o function. Halimbawa, ang isang hutong ay tinatawag na "hutong ng patpat ng kawayan", dahil ang hugis nito ay tulad ng sa isang bamboo stick; ang isa naman ay tinatawag na "hutong ng pipa" dahil may mga tindahan ng pipa (isang instrumentong musical ng Tsina) doon.
Ang mga hutong ngayon ay isa nang bagay na cultural na nakakahikayat ng mga tao sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng mapanggayumang katangian. Si Ginoong Kuang Han, isang pintor na kilala sa pagpipinta ng mga hutong ay taga-Timog Tsina, pero, nabighani siya ng mga hutong ng Beijing. Sinabi niyang,
"May ilang daang taon na ang kasaysayan ng hutong culture at ito ay isang sining na may sariling kakanyahan."
Ang mga hutong na malapit sa Shishahai Lake ng Beijing ay ang dapat na mabisita ng mga turista, dahil ang mga ito ang lubos na nagpapakita ng katangian ng mga hutong. Ang Shishahai ay nasa kalunsuran at binubuo ng 3 maliit na lawa. Maraming mga hutong sa paligid nito at gayundin ng mga quadrangle na kinabibilangan ng mga dating tirahan ng mga kilalang personahe at palasyo ng mga prinsipe.
Kasabay ng walang humpay na pag-unlad ng urban construction ng Beijing, dumarami nang dumarami ang matataas na gusali at dumadalang nang dumadalang ang mga hutong. Bumalangkas ang pamahalaan ng Beijing ng mga patakaran upang mapangalagaan ang mga hutong na may tradisyonal na katangian ng Beijing. Para maipaalam sa mga turista ang pamumuhay ng mga old-timers sa Beijing, nagpopromote ang departamentong panturista ng Beijing ng alley tour project. Makakapamasyal kayo sakay ng de-pedal na pedicab sa mga "hutong" o sa quadrangle, at makkaring ng mga kuwento hinggil sa nakaraang Beijing kasabay ng pag-inom ng tsaa.
Sinabi ni Ginoong Gunter Wein, isang turistang galing sa Alemaniya na maginhawa ang paglalakbay sa mga hutong ng Beijing sakay ng pedicab. Sinabi niyang,
"Magaling ang sasakyang ito at maihahatid kayo sa anumang sulok na gusto ninyong puntahan. Hindi ito maikukumpara sa taksi. Kung ihahambing sa mga mataas na gusali ang hutong, ang huli ay mas gusto ko."
Ang pamamasyal sa mga hutong ng Shishahai sakay ng pedicab ay ang pinakagusto-gusto ng mga turista sa Beijing.
|