Kung pag-uusapan ang Lalawigang Sichuan, isang lalawigang nasa gawing kanluran ng Tsina, hindi maaaring hindi mabanggit ang mga kilalang bundok at istatuwa ng Buddha nito. Bukod dito, ang mga lutuing Sichuan ay nagsisilbi ring katangian nitong magbigay ng malalim na impresyon sa mga turista. Ang lutuing Sichuan ang isa sa 8 uri ng mga kilalang lutong Tsino (Chinese dishes), na may 2000 taon nang kasaysayan.
Maanghang at medyo nakakapagpamanhid ng dila ang pangunahing katangian ng mga lutuing Sichuan. Dahil nasa basin ang lalawigang Sichuan at may pagka-umido ang klima, at dahil malaki ang nagagawa ng sili sa pagdi-dehumidify ng katawan ng tao, hanggang ngayon, nananatili pa ring ugali ng mga mamamayang lokal ang pagkain ng sili.
Sinabi ni Ginoong Liu Huaichun, chef ng mga pagkaing Sichuan sa isang hotel na,
"Ang lutuing Sichuan ay pangunahin na, maanghang at masarap at may kakaibang katangian na parang namamanhid ang dila pag-sayad ng pagkain dito at ito ay masasabing nasa unang puwesto sa 8 kilalang local Chinese dishes. Maraming lutuing Sichuan ang nagugustuhan ng mga mamamayan, na gaya ng 'Kung Pao Chicken', 'Ma Po's bean curd' at 'Twice Cooked Spicy Pork Slices o Hui Guo Rou' at iba pa."
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 4000 ang bilang ng iba't ibang uri ng mga lutuing Sichuan. Maanghang sa panlasa ay nagsisilbing pangunahing katangian ng mga lutuing Sichuan. Posibleng tanungin ng mga manlalakabay kung anu-ano ang mga lutuin na lubusang nagpapakita ng katangiang Sichuan? Kung kakain kayo sa isang Sichuan restaurant sa Tsina, dapat ninyong matikman ang mga sumusunod: "Shui Zhu Beef", "Ma Po's bean curd", "Dong Po Pork" at "Kung Pao Chichen", ang lahat ng mga ito ay lutuing Sichuan na may matagal nang kasaysayan.
Ang mga green chili, mani at manok ang ginagamit, pangunahin na, sa pagluluto ng "Kung Pao Chichen" na iginigisa sa mantika. May isang kuwento hinggil dito. Noong nagdaang 100 taon, si Ding Baozhen, isang opisyal sa pagtatapos ng panahon ng Qing Dynasty, ay madalas magsilbi ng "fried chicken" sa kaniyang mga panauhin na nagugustuhan naman ng mga ito. Noong panahong iyon, ang kaniyang posisyon sa pamahalaan ng Qing Dynasty ay tinatawag na "Kung Pao", sa gayon, ang nasabing "fried chicken" ay tinatawag na "Kung Pao Chicken" nang lumaon at ito ay unti-unting nagsilbing isa sa mga kilalang lutuing Sichuan. Mayroon naming kuwento hinggil sa kasaysayan ng lutuing "Ma Po's bean curd". Ang "Ma" sa wikang Tsino ay nangangahulugang "pockmark" sa mukha ng tao at ang "Po" ay nangangahulugan ng matandang babae. Sinasabing may isang matandang babae raw na nagtitinda ng bean curd. Noong araw daw na matumal ang benta, maraming bean curd ang hindi nabili. May isang malapit na kapitbahay ang nasabing matandang babae, at ito ay nagtitinda ng karne ng baka. Madalas na binibigyan nito ng karne ng baka ang matandang babae. Nag araw na iyon, nang mabigyan ng karne, tinadtad ng babae at ipiniprito ito sa mantika, kasama ng bean curd. At dahil sa may mga pockmark siya sa mukha, ang lutuing ito ay tinawag na "Ma Po's bean curd".
Kung magpupunta ang mga manlalakbay sa lalawigang Sichuan, matitikman nila ang mga orihinal na pagkaing Sichuan. Bukod dito, matitikman din nila ang masasarap na lutuing Sichuan sa iba't ibang lugar ng buong bansa. Ang mga pagkaing Sichuan ay niluluto nang naaayon sa panlasa at kaugalian ng mga mamamayan sa iba't ibang lugar. Sinabi ng chef na si Ginoong Liu, na,
"Sa iba't ibang lunsod, lubos na tinatanggap ang lutuing Sichuan. Samantala, magkakaiba ang ideya at porma ng mga restawran sa pagpapatakbo, at napapahalo ang kultura ng Sichuan sa kanilang mga lutuin."
Tulad ng sinabi ni Ginoong Liu, lubos na tinanggap ang lutuing Sichuan sa iba't ibang lunsod ng Tsina at ito ay nagugustuhan ng maraming tao, lalo na ng mga talagang mahilig na mahilig sa lutuing Sichuan. Sinabi ni Ginoong Zhou Yihu, isa sa mga mahilig sa pagkaing Sichuan, kung paano at bakit niya nagustuhan ito.
"Minsan kumain ako ng 'Chicken with red hot chili'. Naku, pulang-pula ang mga sili sa ibabaw ng karne ng manok. Magandang tingnan at masarap ang lasa, at simula noon, nagustuhan ko na ang pagkaing Sichuan. Tumutugon ito sa aking panlasa."
Kasabay ng pagtaas ng pamantayan ng pamumuhay ng mga mamamayang Tsino, tumataas din ang kahilingan ng panlasa ng mga tao sa lutuing Sichuan at ang mga tradisyonal na lutuin ay hindi na nakakatugon sa panlasa ng mga parokyano. Kaya, lumitaw ang mga "bagong lutuing Sichuan", na gaya ng "chuanchuan xiang" bilang isang halimbawang kumakatawan sa mga ito. Tinutuhog ng bamboo stick ang iba't ibang uri ng karne o mga lutong gulay na gaya ng patato, mushroom tapos inilalagay sa hot pot at pinakukuluan sandali bago kainin. Si Madam Li Mingzhu, empleado ng isang kompanya ay laging kumakain ng "chuanchuan xiang", kasama ng kaniyang mga kaibigan. Bukod dito, may nagugustuhan pa siyang lutuing Sichuan na tinatawag na "Beef and Coriander Soup". Sinabi niyang,
"Hindi itong katulad ng 'Beef and cabbage in spicy soup'. Ang mga pangunahing ingredient nito ay salted chili, coriander, bamboo shoots at cucumber. Masarap ito."
Hindi maanghang ang lahat ng mga lutuin ng Sichuan, halimbawa'y Dongpo Pork, Sliced Pork in Garlic Sauce at iba pa. Kung makakapunta kayo sa Tsina, dapat ninyong tikman ang mga lutuing Sichuan at makikita ninyo mismo kung anong pang-akit mayroon ang pagkaing ito.
|