Ang Lijiang County na tahanan ng mga mamamayang Naxi ay nasa lugar na may 580 kilometro ang layo sa hilagang kanluran ng Kunming, punong lunsod ng Lalawigan ng Yunnan sa dakong timog kanluran ng Tsina. Ang minoryang Naxi ay isa sa mga natitira pang lipunang matriarkal o lipunanang napakalinaw na tubig ng mga lawa sa Lijiang County at kung paanong makakapaglakad sa nakalululang malalalim na bangin at magkakandalito sa masusukal na kagubatan sa bundok, gayon din nila madarama ang kasaganaan at kaibuturan ng mga mamamayang Naxi at ang kanilang kulturang Dongba. Walang kapaligiran saan man ang buong katumpakang makapaglalarawan sa kultura ng mga mamamayan nito.
Ang Yulong o Jade Dragon Snow Mountain na nasa kahabaan ng Ilog Jinsha ay mas malapit sa Equator kaysa ibang hanay ng bundok sa Northern Hemisphere. Ang dramatikong pagbabago ng klima mula sa paanan ng bundok hanggang sa taluktok ay ang sanhi ng kapansin-pansing topograpiya rito. Ang mga bundok ay natatakpan ng yelo, talon, matatandang gubat, matataas na damuhan at malalagong halaman. Ipinagmamalaki ng Yulong ang iba't ibang klase ng ligaw na halaman at hayop nito sa hanay ng kabundukan ng Hengduan. Mayroon itong 2988 species ng halaman at 86 na species ng hayop. Kilala ang Yulong sa mga lokal na residente bilang "kaban-yaman ng halamang gamot", "natural na zoo" at "hardin ng alipino".
Punta tayo ngayon sa Hutiao Gorge. Ang Ilog Jinsha ay dumadaloy sa pagitan ng mga bundok Yulong at bundok Haba para mabuo ang Banging Hutiao na siyang pinakamapanganib na bangin sa mundo. Ang Hutiao ay nangangahulugan ng tumatalong tigre. Ang banging ito na may 17 kilometro ang haba ay nahahati sa tatlong bahagi: ang upper Hutiao, middle Hutiao at lower Hutiao. Mayroon doong 18 banlik at tatlong malalaking talon na may lalim na 210 metro ang lapad. Ang entrada sa upper Hutiao ay naaagapayanan ng matatarik na dalisdis. Ang Ilog Jinsha ay umuugong sa kahabaan ng bangin hanggang sa kabila ng Mantianxing Shoal na may 2 kilometro ang haba at lumilikha ng pagkalalakas na tilamsik ng tubig. Ang tunog ay maririnig mga ilang kilometro ang layo. Ang middle Hutiao ang siyang pinakanakakanerbiyos dahil sa matatarik na dalisdis nito. Sabi nga ng mga tagaroon: "sa middle Hutiao ay may 10 libong kabayong kumakaripas ng takbo sa dalisdis na may 10 libong metro ang taas." Samantala, bumabagal ang agos ng ilog pagsapit sa lower Hutiao.
Ang Lugu Lake naman ang pagmasdan natin ngayon. Akala mo tunay na jade ang napakalinaw na tubig ng Lugu Lake. Isa ito sa mga pinakamalinaw na lawa sa Tsina. Ito ay transparent mula 12 hanggang 14 na metro pababa. May tumutubong pambihirang halaman sa mga bundok sa paligid ng lawang ito.
Pinananatili ng mga 20 libong mamamayang nakatira sa paligid ng lawa ang kanilang matandang lipunang Matriarkal. "Kaharian ng kababaihan" ang tawag nila sa gayong lipunan. Pinaiiral nila ang tinatawag na "walking marriage", ang malayang paghahanap ng katalik nang wala namang tiyak na kabiyak. Ipinagdiriwang nila taun-taon ang kapistahang Zhuanshan na ang ibig sabihi'y paglalakad sa paligid ng bundok at nagdaraos sila ng seremonya para sa mga may sapat na gulang.
Dumako naman tayo ngayon sa Baoshan Stone City. Ang lunsod na ito ay nasa kahabaan ng Ilog Jinsha na parang isang kabuting nakaupo sa ibabaw ng isang malaking bato at napapaligiran ng matatarik na dalisdis. Iisa lamang ang daanan papunta sa matanda't mahiwagang lunsod ng Baoshan at ito ay nasa dulong timog ng lunsod.
Ang lunsod ng Baoshan ay itinayo sa pagitan ng 1277 at 1294 noong panahon ng Dinastiyang Yuan. Kabilang ito sa mga pinakaunang lugar na pinananahanan ng mga mamamayang Naxi. Hanggang ngayo'y mayroon pang mga 100 pamilyang Naxi na naninirahan sa Lunsod ng Baoshan. Ang tubig sa batis ay pinadadaloy sa mga batong paagusan mula sa bundok at pinaabot sa inumang pampubliko. May mga bahay na yari sa bato sa mga dalisdis ng kabundukan. Maraming kagamitan sa bahay na yari sa bato ang nagpasalin-salin sa maraming henerasyon at dahil sa kuskos ng kamay sa loob ng mahabang panahon ay nananatiling makintab.
Ang mga magkakapitbahay ay namumuhay sa magandang pagsasamahan at laging nagtutulungan sa isa't isa. Wala ni isa man sa kanila ang nagsasara ng pinto kung gabi.
|