Nitong mahabang panahong nakalipas, ang family financial planning ay parang isang salitang banyaga para sa mga mamamayang Tsino. Ngunit, sa kasalukuyan, kung ikaw ay maglilibot sa mga lunsod ng Tsina, makikita mo ang mga katagang ito sa mga anunsiyo. Kasunod ng pag-unlad ng lipunan at pagtaas ng pribadong kita, naging popular sa mga mamamayang Tsino ang pagsasaalang-alang sa isyung kung papaanong hahawakan ang kanilang mga ari-arian.
Isang financial planning class ang binuksan kamakailan dito sa Beijing ng All-China Women's Federation at isang bangkong Tsino. Maraming kababaihan ang lumahok sa klaseng ito, at si ginang Zhu Yujing ay isa sa kanila.
Sinabi ni Zhu sa mamamahayag na sa loob ng nagdaang mahabang panahon, hindi niya pinaplano ang kanyang gastusin at hindi siya naglilista ng mga binibili. Ngunit, minsan, kasama ng kanyang biyenang babae, pumunta siya sa isang pamilihan at natuklasan niyang isinusulat ng kanyang biyenan ang mga aytem na binibili nito sa maliit na kuwaderno. Pagkaraan nito, noong magpunta siyang mag-isa sa pamilihan, ginaya niya ang kanyang biyenan at sa pamamagitan ng paraang ito, natuklasan niya ang mga bagay na hindi kinakailangang bilhin at naging mas matalino siya sa paggasta.
Ipinalalagay ni Zhu na hindi sapat ang kanyang kaalaman sa financial planning, kaya, lumahok siya sa nasabing klase para magkaroon ng mas maraming kaalaman hinggil dito. Sinabi niya na:
"Iyong mga simpleng bagay lamang ang alam ko hinggil sa financial planning at ang mga ito ay nakuha ko lamang sa personal na karanasan. Umaasa akong makakakuha ng mas propesyonal na kalaman hinggil dito sa pamamagitan ng klaseng ito at makakatulong ito sa aking pamumuhay."
Ipinahayag ng mga dalubhasa na ang pangangailangan sa financial planning ay bunga ng pag-unlad ng lipunan ng Tsina. Noong panahon ng planned economy, ang pamahalaan ang namamahala sa lahat ng mga suliranin ng mga mamamayan na tulad ng kalusugan, endowment at iba pa. Ngunit, simula noong ika-9 na dekada ng nagdaang siglo, kasunod ng pag-unlad ng market economy, unti-unti nang isinalipunan ang nasabing mga isyu at nagkakaloob lamang ang estado ng mga saligang garantiya para sa mga ito. Kung gusto mong magkaroon ng mas magandang pamumuhay sa mga susunod na yugto ng iyong buhay, dapat gumawa ka ng financial planning sa lalong madaling panahon. Bukod dito, dahil sa pag-unlad ng lipunan, lalong lumaki ang pangangailangan ng mga mamamayan kapuwa sa mga bagay na ispirituwal at materiyal. Kaya, naging popular na popular ang financial planning sa Tsina.
Kaugnay ng isyung ito, sinabi ni Liu Yanbin, pangkalahatang kalihim ng lupon ng mga propesyonal na financial planners ng Tsina na:
"Makakaapekto sa kalidad ng pamumuhay mo ang financial planning, mahalagang mahalaga ito para sa bawat tao."
Bilang dalubhasa sa larangang ito, ipinalalagay ni Liu na datapuwa't naging popular ang family financial planning sa Tsina, dahil hindi pa mataas ang lebel ng mga tao sa aspektong ito, ilang pamilya ang kapos sa tumpak na plano ng paghawak sa kanilang kita, naging di-malusog ang kanilang kalagayang pinansiyal. Para rito, sinabi ni Liu na nagsasagawa ang kanyang lupon ng maraming klase hinggil sa financial planning para tulungan ang mga mamamyang tumpak na hawakan ang kanilang kita.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa rin ang mga organong pinansiyal ng Tsina ng mga aktibidad hinggil sa pagbibigay-tulong sa mga tao sa kanilang financial planning at nag-aalok din sila ng iba't ibang serbisyo na may kinalaman sa financial planning para sa mga mamamayan sa iba't ibang antas ayon sa kanilang kita. At mainit na tinatanggap ng mga mamamayang Tsino ang mga ito.
Sa iba pang development, ang pangangailangan sa financial planning ng mga mamamayang Tsino ay lumilikha rin ng isang bagong trabaho--financial planner. Napag-alamang sa kasalukuyan, umaabot sa mga 10 milyon ang bilang ng mga pamilyang Tsino na may mahigit 500 libong Yuan RMB na taunang kita. Ayon sa pagtaya, ang isang financial planner ay makapagbibigay lamang ng serbisyo sa 100 pamilya, kaya, kapos ng di-kukulangin sa 100 libong financial planer ang Tsina.
|