Ipininid kamakailan dito sa Beijing ang Ika-8 Kapistahang Pansining ng Asya. Nagtipun-tipon sa Beijing ang mga alagad ng sining na galing sa 10 bansang ASEAN, Tsina, Hapon, Timog Korea at iba pang bansa para idaos ang mga aktibidad na kinabibilangan ng palabas, pagsasanay ng human resources at iba pa, sa gayon, ito ay nagsilbing isang mahalagang plataporma para sa pagpapalitang pansining.
Ang Asia Arts Festival ay isang rehiyonal na kapistahang pansining na pandaigdig na itinaguyod ng Tsina. Naglalayong mapag-ibayo ang paguunawaan, mapahigpit ang pagkakaibigan, makalikha ng bagong progreso at komong pag-unlad, ang naturang kapistahan ay pinapurihan ng mga pamahalaan at alagad ng sining ng iba't ibang bansang Asyano. Sa kapistahang ito, itinanghal ang walang katumbas na halagang tradisyonal na sining at kultura ng iba't ibang bansang ASEAN, kaya unti-unting nabuo ang isang makulay na kaleidoscope ng sining ng Asiya.
Ang China Arts and Entertainment Group ang nagsilbing punong-abala ng naturang kapistahan. Ipinalalagay ni Ginoong Zhang Yv, tagapangasiwa ng kompanyang ito na kung ihahambing sa dating pitong kapistahan, natunghayan sa kapistahan ngayong taon ang mga bagong tunguhin pagdating sa saklaw at nilalaman. Sinabi niya:
"Ang pagtatanghal na pansining ay mahalagang nilalaman ng mga nakaraang Asia Arts Festival, ngunit sa kasalukuyan, ang kapistahang ito ay kinabibilangan ng porum, plano ng pagsasanay at iba pa, kaya napapasulong sa isang napakataas na antas ang pagtutulungan at pagpapalitang pansining ng Tsina at mga bansang Asyano, partikular na sa mga bansang ASEAN."
Sa pagpapalitang pangkultura at diyalogo ng iba't ibang sibilisasyon, ang pagpapalalim sa pagkakaunawa ng mga mamamayan ng Asya at daigdig sa kultura ng isa't isa ay ang nagsisilbing palagiang target ng pagsisikap ng Asia Arts Festival. Ang taong ito ay ika-15 anibersaryo ng pagtatatag ng relasyong pangdiyalogo ng Tsina at ASEAN, napatingkad ng "ASEAN Culture Week" ang mahalagang papel sa naturang kapistahan sa taong ito, at ito ay naging pinakamagandang plataporma para sa pagtatanghal ng iba't ibang bansang ASEAN ng kanilang makulay na kultura at mayamang pamana.
Sa seremonya ng pagbubukas, itinanghal ng mga artista ng Brunei, Laos at iba pang bansa ang instrumento ng nasyon na may espesyal na katangian. Nagtanghal din ang mga mang-aawit at mananayaw ng Thailand at Cambodia ng mga katutubong awitin at sayaw. Sinabi ni Chhim Naline, isang Cambodian artist na:
"Napakaganda ng aktibidad na ito. Nagpatingkad ang Tsina ng namumunong papel, at tinipon ang lahat ng mga alagad ng sining ng mga bansang Asyano para sa pagpapalitan at pagtutulungan."
Pinalaki ng kapistahang ito ang proporsiyon ng makabagong sining sa palabas, at may pagkakataon ang mga manonood at alagad ng sining ng iba't ibang bansa para maunawaan ang bagong tunguhin ng sining ng iba't ibang bansang ASEAN. Dumalo sa kapistahang naturan ang pinakapopular na ballet group ng Pilipinas. Sinabi ni Ginoong Geraldo Francisco, isang mananayaw na Pilipino na:
"Natutuwa akong magtanghal sa harap ng mga manonood na Tsino. Sa ngalan ng Pilipinas, nagsasagawa kami ng pakikipagpalitan sa ibang bansa, at sa gayo'y humihigpit ang aming pagkakaibigan."
Bukod sa magagandang palabas sa kapistahang ito, nakatawag din ng malaking pansin ang kauna-unahang Asian Art Museum Directors' Forum. Nagtipun-tipon ang mga direktor ng Art Museum ng 15 bansang kinabibilangan ng 10 bansang ASEAN, Tsina, Hapon, Timog Korea, India at Bangladesh at mga direktor ng Art Museum ng ilang lalawigan at lunsod ng Tsina at ng HK, Macao at Taiwan, at nagkaroon sila ng malawak at malalim na pagpapalitan. Sinabi ni Fan Di'an, direktor ng China Art Museum na ang pagdaraos ng naturang porum ay naging isang simbolo at pagkakataon para sa pagtutulungan ng sirkulo ng sining ng Asya. Sinabi niya:
"Sa palagay ko, kasunod ng pagdaraos ng porum na ito, lalawak ang pagtutulungan at pagpapalitan ng iba't ibang bansang Asyano sa larangan ng sining, at makapagtatamasa ng yamang-sining ng Asya ang mga mamamayan ng iba't ibang bansang Asyano, at ito ang talagang inaasahan naming resulta."
|