Dear Kuya Ramon,
Tama ang sabi ng isang short-wave listener, ang giyera ay walang kasimpait na ka alaran. 30 Filipino OCWs ang dapat ilikas mula sa Lebanon dahil sa giyera ng Lebanon at Israel. Pansamantalang istambay muna ang mga kawawang kababayan. Hindi ko na rin matandaan ang bilang ng mga inosenteng sibilyang Lebanes at Israeli na naipit sa labanang ito. Apektado rin ang presyo ng krudo kaya ang presyo ng pangunahing bilihin ay tiyak na tataas din. Saan ba talaga tayo patungo? Hindi ba, Kuya, may kasabihan na kung makukuha mo nang paupo, huwag nang tumayo? Puwedeng daanin ito sa mabuting usapan at di na kinakailangan pang magputukan. Ang mga lider lang nila ang may gusto nito at iyong ang negosyo ay may kinalaman sa armas at bala. Subukin mong tanungin ang mga pangkaraniwang mamamayan ng dalawang bansa, siguradong iiling. Ayaw nila ng giyera, eh. Alam kasi nila na sa digmaan walang panalo. Lahat ay talo. Pero ang talagang talung-talo ay ang mga walang kalaban-labang sibilyan. Pasensiya ka na, Kuya, kung nadadala ako ng aking emosyon. Hindi ako dapat sumulat ng ganito. Di bale, next time masaya naman ang sulat ko. By the way, natanggap ko na ang CD ng Chinese traditional music at CD ng Chinese modern songs. Honestly, paulit-ulit kong pinakikinggan. Maaring hindi ko naiintindihan ang lyrics pero maganda ang melody. Sana okey kayong lahat diyan sa Serbisyo Filipino. Hanggang sa susunod uli.
Glenda Payumo, Dasmarinas, Cavite Philippines
|