Naniniwala ang mga ninunong Tsino na ang ika-7, ika-8 at ika-9 na lunar month ay saklaw ng panahon ng taglagas. Kaya, pumapatak ang Mid-Autumn Festival sa ika-15 araw ng ika-8 lunar month.
Ang selebrasyon ng Mid-Autumn Festival ay nagsimula noong mahigit sa 2000 taon na ang nakalipas. Noong panahong piyudal, nagdarasal sa langit ang mga emperador ng Tsina para sa isang masaganang taon. Ang umaga ng ika-15 araw ng ika-2 lunar month ang pinili nila para sambahin ang Haring Araw at ang gabi naman ng ika-15 araw ng ika-8 lunar month para magdaos ng seremonya sa karangalan ng buwan. Sa kanlurang distrito ng Beijing makikita ang Yuetan Part na noo'y tinatawag na Temple of Moon. Taun-taon, pumupunta rito ang emperador upang maghandog ng sakripisyo sa Buwan.
Sa kalagitnaan ng tagalagas o Mid-autumn nagtatapos ang pag-ani ng mga magsasaka. Kung masagana ang ani, masaya ang mga magsasaka kasabay ng pagkaramdam nila ng ginhawa pagkatapos ng isang taong hirap sa pagtatrabaho. Kaya, unti-unting naging isang pestibal na ipinagdiriwang nang malawakan ang ika-15 araw ng ika-8 lunar month para sa mga karaniwang tao.
Pagdating ng gabi, ang lupa ay naliligo sa mala-pilak na liwanag ng buwan. Nagtitipun-tipon ang buong pamilya sa bakuran o sa balkonahe para magkuwentuhan at pagsaluhan ang mga handog nila sa buwan. Magkakasamang kinagigiliwan nila ang kaakit-akit na gabi.
Sa loob ng magandang libu-libong taon, iniuugnay ng mga tao ang malaking pagbabago sa buhay nila sa pagpapalit ng hugis ng buwan habang ito ay lumalaki at lumiliit: ang kasayahan at kalungkutan, ang paghihiwalay at muling pagsasama. Sa dahilang sinasagisag ng kabilugan ng buwan ang muling pagsasama-sama, ang Mid-Autumn Festival ay kilala rin bilang isang pista ng reunyon. Sinisikap ng lahat ng myembro ng isang pamilya na magkasama-sama sa espesyal na araw na ito. Iyon namang hindi makakauwi ay pinagmamasdan na lang ang maliwanag na buwan habang pinananabikan ang mga mahal nila sa buhay.
Sa kasalukuyan, maraming aktibidad ang umiinog sa Mid-Autumn Festival. Pagkatapos ng reunion dinner ng buong pamilya, kinasisiyahan ng maraming tao ang pagdalo sa mga espesyal na palabas na idinaraos sa mga parke o sa mga plasang publiko.
|