Tinalakay kamakailan sa Wenzhou, isang lunsod ng Lalawigang Zhejiang sa dakong timog-silangan ng Tsina, ng mahigit 30 pribadong bahay-kalakal na Tsino at mga kinatawan ng 500 nangungunang multinasyonal na kompanya sa daigdig ang hinggil sa kanilang pagtutulungan sa hinaharap.
Nitong 27 taong nakalipas sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma't pagbubukas sa labas noong 1978, napanatili na nito ang 9.6% karaniwang taunang paglaki ng GDP, bagay na nagkakaloob ng magandang pagkakataon para sa mga bahay-kalakal sa loob at labas ng bansa. Sinabi ni Shi Guangsheng, Puno ng China Association of Enterprises with Foreign Investment (CAEFI), na ang mga pribadong bahay-kalakal at mga bahay-kalakal na may puhunang dayuhan ay dalawang mahalagang puwersang nagpapasulong ng pag-unlad ng pambansang kabuhayan ng Tsina. Inilahad niya ang mga datos bilang suporta sa kanyang paninindigan. Sinabi pa niya na:
"Hanggang nitong nakaraang Setyembre, lumampas sa 660 bilyong dolyares ang halaga ng kabuuang pamumuhunang dayuhan na halos nagmumula sa 200 bansa't rehiyon. Lampas sa 50% ang halaga ng pagluluwas ng mga bahay-kalakal na may puhunang dayuhan sa kabuuang halaga ng pagluluwas ng buong Tsina. Pagdating sa mga pribadong bahay-kalakal, hanggang katapusan ng taong 2005, katumbas ng 50% ang GDP na nilikha ng mga pribadong bahay-kalakal na lokal sa kabuuang GDP ng bansa."
Ayon sa salaysay, noong simulan ng Tsina ang pagsasagawa ng reporma't pagbubukas sa labas, ang karamihan sa mga pribadong bahay-kalakal na Tsino ay small and medium-sized enterprises (SMEs) at kapos sila sa pondo at teknolohiya, samantala, para naman sa mga multinasyonal na bahay-kalakal, kahit mayroon silang sapat na pondo at teknolohiya, hindi sila pamiliar sa pamilihang Tsino. Ipinalalagay ni Thomas Gorrie, Pangalawang Presidente ng Johnson & Johnson, na dahil sa kani-kaniyang katangian, kung magtutulungan ang mga pribadong bahay-kalakal na Tsino at mga dayuhang kompanya, maisasakatuparan nila ang komong pag-unlad. Sinabi pa niya na: "Maganda ang pagkakataon para sa dalawang panig. Ang mga multinasyonal na kompanya ay maaaring magkaloob ng tulong na pondo at teknolohiya sa mga pribadong bahay-kalakal na Tsino at maaari rin silang tumulong sa mga kompanyang Tsino na palakasin ang kanilang kakayahan sa pangangasiwa. Samantala, ang mga pribadong bahay-kalakal na Tsino ay maaaring makalikha ng pagkakataon para sa mga bahay-kalakal na dayuhan. "
Upang masamantala ang pagkakataong dulot ng pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina, maraming bahay-kalakal mula sa ibayong dagat ang nagsimulang makipagtulungan sa mga pribadong bahay-kalakal na Tsino noong nakaraang panahon at ang Coca Cola ay isa sa mga ito.
Pagkaraan ng mahigit 20 taong pag-unlad hanggang sa kasalukuyan, 9% ng mga pribadong bahay-kalakal na Tsino ang may partnership sa mga kompanyang dayuhan. Ipinalalagay ni Bao Yujun, Tagapangulo ng China Society for Private Economy Studies, na:
"Kung gustong mapalalim ng mga pribadong bahay-kalakal na Tsino ang kanilang pakikipagtulungan sa mga multinasyonal na kompanya, dapat silang mabihasa sa mga pandaigdig na norma at dapat din silang mabihasa sa mga ugali, regulasyon at batas ng mga bansang dayuhan kung gusto nilang mamuhunan doon."
Ipinalalagay ni Gao Tianle, Pangulo ng Tengen Group, isang pribadong bahay-kalakal sa Wenzhou ng Zhejiang, na maraming natututuhan ang kaniyang kompanya sa proseso ng pakikipagtulungan sa mga multinasyonal na bahay-kalakal. Sinabi niya na:
"Natututuhan namin ang mga sumusunod: una at pinakamahalaga: makakita ng mga kinakailangang talento at sila ang magsisilbing bentahe ng kompanya sa marketing at expansion; ikalawa, paraan ng pangangasiwa at pagiging transparent ng pangangasiwa ng kompanya."
|