Ang mga nakaraang dinastiya ay nag-iwan sa lunsod ng Shenyang ng mayamang relikyang pangkultura na gaya ng mga palasyo, pader ng muog sa lunsod, pagoda, templo at mga kinalulugaran ng bayan.
Ang pinakabantog sa mga ito ay ang Palasyong Imperyal ng Shenyang. Ang palasyo na itinayo noong 1625, ay siya na lamang nananatiling integradong kabuuan ng arkitekturang imperyal sa Tsina bukod sa Forbidden City sa Beijing.
Ito ay may lawak na 67 libong metro kuwadrado at naging palasyong imperyal ni Nurhachi (1559-1626), ang tagapagtatag ng Later Jin at sinundan ng Dinastiyang Qing at ni Huang Taiji.
Ang palasyo'y pinangalanang "the accompanying capital" noong 1644 nang ilipat ng puno ng Qing na si Shunzhi ang kabisera sa Beijing.
Nakakalat sa apat na sulok ng lunsod ang apat na pagodang Budistang estilong Tibetano na itinayo noong 1643, na ang naiibang pagkakaayos ay bihirang makita sa bansa.
Taglay ang ukit na Sanskrit at mga disenyong hayop sa labas, ang 4 na pagoda ay dating ipinalalagay na simbulo ng mabuting panahon at kapayapaan.
Ang stupa ng Shenyang, na isang pagoda para sa mga relikyang Budista ay itinayo noong 1044 sa panahon ng Dinastiyang Liao(916-1125) at isa iyon sa pinakamatandang nananatili pang gusali ng lunsod.
Ang stupa'y nagtataglay ng napakalaking kahalagahang pangkasaysayan at artistiko, dahil kinakanlong nito ang tansong budista iskultura ni Sakyamuni na tubog-sa-ginto, apat na miyural na maganda ang pagkakahilera at ilang niches ng Buddha, porselana, altar, telang sutla at mga banal na kasultan.
Gayunman, maraming relikyang pangkasaysayan sa lunsod ang nasa masamang kalagayan dahil sa makabagong konstruksyon.
Alinsunod sa Batas ng Pangangalaga sa mga Relikyang Pangkasaysayan ng lunsod na nagkabisa noong 1992, ang konstruksyon sa paligid ng mga relikyang pangkasaysayan ay dapat mahigpit na suriin para matiyak na hindi iyon makapipinsala sa anumang relikya. Ang taas, panlabas at estilong arkitektural ng mga bagong gusali ay dapat ding umugma sa mga kalapit na relikya.
Gayunman, ang mga batas ay lagi nang nilalabag sa malaking pagsisikap na mamodernisa ang ekonomiya. Maraming naitayong gusali ang nagdulot ng napakalaking kapinsalaan sa mga relikyang pangkasaysayan. May ilang kaso na basta na lamang winasak ang bahagi ng mga relikya.
Nabigo maisama sa Listahan ng Pamanang Pandaigdig ang Shenyang Imperial Palace, Beiling Park at Dongling Park na pawang may malaking kahalagang pangkasaysayan, dahil sa ma ilegal na mga estruktura sa paligid ng mga ito.
|