Noong Disyembre limang taon na ang nakaraan, sumapi ang Tsina sa World Trade Organization o WTO. Sapul noon, pumasok na ang Tsina sa bagong yugto ng pag-unlad at sa kasalukuyan, nagsisilbi itong ika-apat na pinakamalaking economy ng daigdig at malaki ang ibinibigay nitong ambag sa kabuhayang pandaigdig.
Kaugnay nito, sinabi ni David Dollar, Punong Kinatawan ng World Bank sa Tsina, na:
"Nitong limang taong nakalipas sapul nang sumapi ang Tsina sa WTO, 20% ng paglaki ng kalakalang pandaigdig ay nagmumula sa Tsina. Ang Tsina ay hindi lamang isang malaking bansa sa pagluluwas, mabilis din ang pagtaas ng pag-aangkat nito na umaabot sa 25% ang karaniwang taunang paglaki. Ang Tsina ay nagsisilbing malaking pamilihan hindi lamang sa Asya kundi sa daigdig."
Nitong limang taong nakalipas, bilang pagtupad sa mga pangako nito bilang kasapi ng WTO, naisaayos na ng Tsina ang lahat ng mga may kinalamang patakaran at mekanismo. Halimbawa, sa aspekto ng pagbubukas ng kalakalan sa paninda, noong isang taon, nabawasan na sa 9.9% ang karaniwang taripa mula sa 15.3% limang taon na ang nakalipas. Unti-unting nagbubukas din ang kalakalan sa serbisyo. Kasabay nito, sa kabuuan, mahigit 2000 batas at regulasyon na tulad ng Batas sa Puhunang Dayuhan at Batas sa Kalakalang Panlabas ang nabalangkas, nasusugan o napawalang-bisa.
Ipinalalagay ni Gao Ruibin, Pangulo ng Motorola China, na bilang kasapi ng WTO, maraming isinasagawa ang Tsina para makisama sa pamilihang pandaigdig. Sinabi niya na:
"Isinasaayos ng pamahalaan sa iba't ibang antas ng Tsina ang kanilang function at nang sa gayon, napataas ang kalidad ng serbisyo sa mga mamumuhunan at nagawang mas transparent ang mga batas at regulasyon, bagay na nagpapaganda ng kapaligirang pampamumuhunan ng bansa."
Ipinalalagay naman ni Bo Xilai, Ministro ng Komersyo ng Tsina, na nitong limang taong nakalipas, nakapagtamo ang Tsina ng malaking progreso pagdating sa konstruksyon ng market economy system at pagsasaayos ng estrukturang pangkabuhayan, pero, aniya, higit sa lahat, ang pagbabago ng ideolohiya ng mga mamamayan na kinabibilangan ng kanilang kamulatan sa batas, palagay hinggil sa hanap-buhay, kamulatan sa IPR, kamulatan sa inobasyon at kaunlaran.
Ang mga karaniwang mamamayang Tsino ay nakikinabang din sa pagbaba ng taripa at pagtaas ng productivity. Halimbawa, bumaba ang presyo ng mga home appliance na tulad ng TV, fridge, washing machine at digital camera at gayundin ng kotse. Nagsisilbi ring bagong tampok sa konsumo ang pabahay, turismo at edukasyon.
Ipinalalagay ni Pascal Lamy, Pangkalahatang Direktor ng WTO, na nitong limang taong nakalipas, nagsisilbing magandang huwaran ang Tsina para sa mga bagong kasapi ng organisasyon. Sinabi niya na:
"Sapul nang sumapi ito sa WTO, maganda ang pakita ng Tsina at nakapagtatamo ito ng marka mula 90 hanggang 100 puntos. Iilang kasapi lamang ng WTO ang may ganito kataas na marka."
Noong ika-11 ng buwang ito, pormal na natapos na ang limang-taong transisyon ng Tsina bilang kasapi ng WTO. Sinabi ni Ministro Bo na sa hinaharap, ibayo pang isasagawa ng Tsina ang reporma't pagbubukas sa labas bilang kasapi ng WTO. Sinang-ayunan ito ni Zhang Xiangchen, isang opisyal ng Ministri ng Komersyo, na ang pagtatapos ng transisyon ay nagdudulot hindi lamang ng hamon kundi maging pagkakataon. Sinabi niya na:
"Sa hinaharap, mahaharap ang Tsina sa mas bukas na pamilihang pandaigdig kung saan ang mga panindang Tsino ay makikipagkompetisyon sa mga produkto at serbisyong dayuhan, ibig sabihin, mahaharap kami sa mga isyung hindi kami pamilyar noong araw."
Ipinalalagay naman ni Li Xiangyang, Dalubhasa ng Chinese Academy of Social Sciences, na sa hinaharap, bibigat ang isasabalikat na tungkulin ng Tsina bilang kasapi ng WTO at lalaki rin ang ibibigay na ambag nito sa kabuhayang pandaigdig. Sinabi niya na:
"Pagkaraan ng limang taong transisyon, masasabing lubusang nakikisama sa globalisasyong pangkabuhayan ang Tsina at nasa interaktibong yugto ang kabuhayang Tsino at kabuhayang pandaigdig. Ang pakikipagkoordina ng sistemang pangkabuhayan ng Tsina sa komunidad ng daigdig ay magsisilbing bagong isyu ng bansa sa malapit na hinaharap."
|