Noong 1517, pinasimulan ng mga Portuges sa dagundong ng kanyon ang pananalakay nila sa Tsina. Noong bandang huli, nang matuklasan ng pamahalaan ng Ming Dynasty ang maitim na motibo ng mga Portuges na sakupin ang teritoryo ng Tsina, ipinapatay ng emperador Tsino ang kinauukulang Portuges at ipinakulong ang iba. Ngunit, noong 1523, nilooban ng mga mananakop na Portuges ang Xicao Wan sa Xinhui ng Canton. Binigyan-dagok sila ng hukbong dagat ng Ming Dynasty. Pinalubog ang kanilang mga bapor at ang kanyon nila ay sinamsam din ng sundalong Tsino. Sa bandang huli, niligalig ng mga Portuges ang mga purok sa baybaying dagat sa Fujian at Zhejiang. Ngunit, pinatakas silang muli ng hukbo ng Ming. Mula noon, upang maiwasan ang pagbabalik ng mga Portuges, nag-isyu ang pamahalaang Tsino ng kautusang ipagbawal ang lahat ng maritime trade sa mga bansang dayuhan.
Para mapalawak ang kanilang piracy trade sa far east, ginawa ng mga mananakop na Portuges ang lahat ng makakaya nila upang maitayo ang isang strong hold sa baybay-dagat sa Tsina. Noong 1535, sa pamamagitan ng pagsuhol, sinimulan nilang makipagkalakalan sa Hao Jing na kasalukuyang Macao. Noong 1553, pinag-ibayo pa nila ang panunuhol sa mga kinauukulang opisyal, at nagdahilan silang inatake ang kanilang bapor ng malakas na bagyo, kaya kailangan nilang magbilad ng mga karga sa Macao. Palihim na pinahintulutan ng mga sinuhulang opisyal ng Ming Dynasty ang kahilingan nila. Noong simula, may iilang Portuges lamang na nanatili sa Macao at nagtayo sila ng mga cottage. Pero sa bandang huli, nagsimulang dumagsa rito ang mga Portuges. Sa loob ng di-lalampas sa 10 taon, umabot na sila sa 10,000 katao, at nagtayo pa sila ng maraming malalaking gusali. Sa simula, nasa pamahalaang lokal ng Canton pa ang kapangyarihan sa administrasyon, hustisya at taxation ng Macao, ngunit noong bandang huli, inalis din sa Tsina ang mga kapangyarihang ito. Nagpagawa rito ang mga Portuges ng pader sa paligid ng lunsod at battery, naglagay ng mga organong administratibo, humirang ng mga opisyal at minopolisa ang kalakalan sa pagitan ng Macao at ibang mga bansa't rehiyon sa Europa at Asya.
Kasabay ng paglipas ng panahon at pagyabong ng kalakalan, lalong naging mapagmataas ang mga Portuges sa Macao. Simula noong 1560, sinimulan ng mga opisyal ng Canton na humanap ng paraan upang harapin ang mga di-kawelkam-welkam na taong ito, pero naharap noong panahong iyon ang Tsina sa malaking kaligaligan at hindi naisaalang-alang nang buong kaseryosohan ng pamahalaan ang isyung ito. Samantala, upang mapatatag ang katayuan nila sa Macao, patuloy na sinuhulan naman ng mga Portuges ang mataas na opisyal na Tsino na namamahala sa mga suliraning pandagat sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng 500 liang o 25 kilogram silver. Noong 1572, nang maghandog ang mga Portuges sa opisyal na iyon ng taunang suhol na 500 liang silver, sa dahilang may iba pang opisyal na Tsino na nasa pokasyon ding iyon, ang tagapagsaling Portuges ay walang magagawa kundi magpaliwanag na ang ini-abot ng mga Portuges ay "land rent", sa gayon, inulit din ng opisyal na Tsino na rent money ang tinanggap niya at isusumite niya ito sa national treasury. Mula noon, naging rent ang suhol. At ang Macao naman ay naging kauna-unahang leased territory ng mga mananakop na Europeo sa Tsina.
|