• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2007-02-15 19:01:29    
Bundok ng Huangshan at mga bantog na tauhan

CRI
Ang Bundok ng Huangshan ay isa sa mga sikat na matulaing pook sa Tsina at napabantog ito sa kanyang kagila-gilalas na ituktok na bato, malalagong puno ng pino, malakristal na batis sa bundok at suson-susong ulap. Inihalintulad ng romantikong makatang Tsino si Li Bai ng ika-8 siglo ang Bundok ng Huangshan sa magandang ginintuang gumamela. Sinabi naman ng kilalang manlalakbay at heograpong si Xu Xiake ng huling dako ng ika-16 na siglo na ang Bundok ng Huangshan ang pambato sa mga kilalang bundok sa Tsina. Inilarawan din ng kontemporaryong makata, ang nasirang Guo Moruo, ang napakagandang tanawin sa Bundok ng Huangshan na "pinakakagila-gilalas sa ilalim ng langit".

Ang Bundok ng Huangshan na nasa Lalawigan ng Anhui sa silangang Tsina ay humahati sa Ilog Yangtze at Ilog Qiantang. Sa paglalakbay sa kabundukan ng Huangshan, isang sigsag ang daraanan ng mga sasakyang pnaturista hanggang makarating sa Hotel ng Huangshan. Ang hotel ay parang sinaunang palasyong Tsino na may makikintab na berdeng tisa at medya-agwa at mapupulang haligi. Nakatalikod ito sa matarik na taluktok ng Lilang Ulap at nakaharap sa matayog na taluktok ng bulaklak ng milokoton na balot ng malalabay na puno. Mabilis na bumubulusok sa harap ng hotel ang batis ng bulaklak ng milokoton. Kung tag-sibol, na panahon ng pamumulaklak ng mga puno ng milokoton sa ituktok na may gayong pangalan, mahalimuyak ang paligid at magandang tingnan ang batis na nalalaglagan ng mga talulot ng bulaklak na tinatangay ng tubig.

Magandang pahingahan ang Hotel ng Huangshan na katatanawan ng kahanga-hangang tanawin. Sa paanan ng Taluktok ng Bulaklak ng Milokoton, sa dakong kanan, may nakatirik na pabilyong tanawan ng talon. Kung titingnan mula sa malayo, parang nakalutang na sinturong pilak ang talon. Sa pagbagtas sa itaas na bahagi ng batis patawid sa Tulay ng Putting Dragon, mararating mo ang Batis ng Cinnabar. Ayon sa isang alamat, may ilang libong taon na ang nakararaan, isang lalaking nagngangalang Fu Chukong ang nagluluto ng halamang gamot sa paanan ng Taluktok ng Cinnabar nang samahan siya sa pagluluto ng kaibigan niyang Emperador Huangdi na siyang naghahari noon. Mula noo'y isinunod sa apelyido ng emperador ang bundok at nagingang Huangshan. Makikita pa magpahanggang ngayon sa Batis ng Cinnabar ang almires na pandikdik ng halamang gamot. Sa dako pa roo'y may makikitid na lambak at matatarik na taluktok na tadtad ng mga kakatwang hugis ng bato. Sa malalalim na lambak, maririnig ang malambing na pagbukal ng mga sapa sa bundok na dumadaloy pababa mula sa mga bitak ng mga batong mahigpit sa sampung metro ang taas.

Ayon sa mga tao sa lokalidad, pasakalye lamang ng paglalakbay sa Bundok ng Huangshan ang mga tanawin sa paligid ng hotel. Nasa ituktod ng bundok ang higit na kaakit-akit. Sinasabi ng mga nakapaglakbay na sa Huangshan na kapag hindi ka nakarating sa Monasteryong Wenshu, hindi mo makikita ang kabuuan ng bundok. Kapag hindi ka nakaakyat sa Taluktok ng Tiandu, na nangangahulugang Kapital ng Langit, bale wala ang inyong paglalakbay.

Dahil kay raming lugar sa Bundok ng Huangshan na dapat puntahan, upang iwaksi ang kapaguran, kinakailangang magpahinga muna sa hotel sa gabi pagkaraan ng paglalakbay sa paligid ng hotel at ipagpatuloy ang paglalakbay sa susunod na araw.

Makaraang magpahinga nang husto, maaari nang ipagpatuloy ang paglalakbay sa susunod na araw. Sa pag-akyat sa hagdanang bato at pagkaraan sa Pabilyong Tingtao at Bulwagang Tsikuang, aabot kayo sa Monasteryo ng Kalahatian ng bundok. 1300 metro ang taas nito mula sa pantay-dagat at talagang nasa kalahatian ng Taluktok ng Tiandu. Makaiinom dito ng tsaa at makapagpapahinga.