Napag-alamang sapul pa noong 1990s, mahigit 500 milyong Yuan o mahigit 62 milyong dolyares na ang nailaan ng Pamahalaang Tsino para matulungan ang mga bansang Asean sa pagtatanim ng pananim kapalit ng opium poppy.
Tulad ng alam ninyo, ang Golden Triangle na matatagpuan sa lugar na pinaghahanggahan ng Thailand, Myanmar at Laos ay kilala bilang pangunahing pinanggagalingan ng droga at apektado rin ang Yunnan, lalawigan sa dakong timog-kanluran ng Tsina, na kahangga ng naturang trianggulo.
Upang masugpo ang pagkalat ng droga, pagpasok ng 1990s, nagpasiya ang Pamahalaang Tsino na samantalahin ang lokasyon ng Lalawigang Yunnan para matulungan ang Golden Triangle sa pagtatanim ng mga pananim na pamalit sa opium poppy. Kaugnay nito, isinalaysay ni Shen Xu, dalubhasang Tsino sa mga isyu ng Asean, na:
"Noong 1990, iminungkahi ng Lalawigang Yunnan na isagawa ang substitute planting sa dakong hilaga ng Laos at Myanmar ayon sa pagkakasunod at nakipagsanggunian dito ang Yunnan sa mga may kinalamang panig ng naturang mga bansang Asean. Ang layon ng naturang desisyon ng Yunnan ay lutasin ang isyu ng pagkain ng mga magsasakang nagtatanim ng opium poppy."
Sa katotohanan, sa kabila ng malaking kita sa pangangalakal ng droga, labis na marukha iyong mga nagtatanim ng opium dahil kulang na kulang sila sa pagkaing-butil.
Ang substitute planting ay nangangahulugang nag-aalok ang Lalawigang Yunnan ng teknolohiya, makinarya at punla para matulungan ang mga kapitbansang Asean sa pagtatanim ng goma, palay, tubo, kamoteng-kahoy, pakwan, kastor, mga tropikal na prutas at iba pa kapalit ng opium poppy.
Kaugnay ng ibinibigay na tulong ng panig Tsino, isinalaysay pa ni Shen na:
"Ang opium poppy ay isang uri ng halaman na hindi kailangang alagaan nang husto at bunga nito, hindi alam ng mga magsasakang lokal kung papaanong nagtanim ng iba pang mga pananim. Upang mabago ang naturang situwasyon, maraming isinasagawa ang panig Tsino na tulad ng pagpapadala ng teknisyan, paglalaan ng espesyal na pondo, pag-aabuloy ng mga buto at makinarya at pag-oorganisa ng mga pagsasanay. Salamat sa mahigit 10 taong pagsisikap ng panig Tsino, matagumpay nang isinasagawa ang substitute planting sa mga kapitbansang Asean."
Ayon sa mga may kinalamang estadistika, nitong mahigit sampung taong nakalipas, mahigit 100 toneladang buto at ilang daang libong punla ang naibigay ng panig Tsino sa mga may kinalamang bansang Asean, mahigit 3000 person-time na dalubhasa at teknisyan ang naipadala, mahigit 500 milyong Yuan o mahigit 62 milyong dolyares ang nailaan at lumampas sa 46 na libong hektarya ang saklaw ng mga itinatanim na pamalit na pananim.
Gawin nating halimbawa ang substitute planting sa dakong hilaga ng Laos. Kaugnay nito, isinalaysay ni Zhao Xianming, isang pulis ng Yunnan, na hanggang sa kasalukuyan, mahigit 18 bahay-kalakal na Tsino ang natulungan nila para mapasulong ang substitute planting sa mga lokalidad na dayuhan. Bago mag-1999, halos umabot sa 20 libong hektarya ang saklaw ng itinatanim na opium poppy, pero, sa kasalukuyan naman, bahagyang makikita ang malaking saklaw ng halamang ito. Naisakatuparan na ang estratehikong plano ng Laos na may kinalaman sa pagbabawal sa pagtatanim ng opium poppy mula sa taong 2001 hanggang 2005. Sinabi ni Pulis Zhao na:
"Sa Lalawigang Phongsali sa dakong hilaga ng Laos, sapul nang magsimulang magtanim ng tubo ang mga magsasakang lokal kapalit ng poppy, lumalampas na sa 20 libong Yuan RMB o 2.5 libong dolyares ang pinakamakaling taunang kita ng isang pamilya. Sa kasalukuyan, kaya nilang bumili ng motorsiklo, traktora at maliit na van. Bukod dito, nagiba na rin ang mga kubo at sa halip, maraming bahay na yari sa ladrilyo ang naitayo at makikita rin ang mga magandang pagkakagawang bilya."
Napag-alamang binabalangkas ngayon ng Lalawigang Yunnan ng Tsina ang Plano ng Pagpapaunlad ng Substitute Planting sa Golden Triangle. Ang layon nito ay tulungan ang naturang rehiyon sa pagsasakatuparan ng sustenableng pag-unlad sa pamamagitan ng substitute planting at mga may kinalamang industriya.
|