Sa kasalukuyang buwan, sinimulang gamitin ng Tsina ang English version ng Genuine Leather Mark o GLM at kinauukulang certificate sa mga produktong balat. Ipinalalagay ng mga tagaloob ng industriya ng balat na ang naturang aksyon ng Pamahalaang Tsino ay makakatulong sa mga produktong katad para maging kompetetibo sa pamilihang pandaigdig.
Noong 1994, inirehistro ng China Leather Industry Association ang Chinese version ng GLM sa Administrasyon ng Estado ng Industriya at Komersyo o SAIC ng Tsina. Hanggang katapusan ng taong 2006, umabot sa 450 uri ang mga produktong katad ng Tsina na may GLM na tulad ng sapatos, damit, maleta at handbag.
Sinabi ni Chen Zhanguang, pangalawang direktor ng Tanggapan ng GLM ng China Leather Industry Association, na ang mga dekalidad na produkto lamang ang mabibigyan ng GLM. Sinabi niya na:
"Hindi mabibigyan ng GLM ang mga produkto, hangga't hindi nito natutugunan ang 3 sumusunod na kondisyon: una, dapat itong gumamit ng tunay na balat o balahibo; ikalawa, dapat ito maging dekalidad; ikatlo, dapat may mahusay na after-sale service."
Ayon sa salaysay, nitong ilang taong nakalipas, ilang bahay-kalakal ng industriya ng balat ng Tsina ay nagsimula nang magdebelop sa pamilihan sa ibayong dagat, pero, mahihirapan at matatagalan kung umaasa lamang sa iilang tatak pagdating sa pagpasok at pangunguna sa pamilihang pandaigdig. Upang mapasulong ang internasyonalisasyon ng mga produktong katad ng Tsina, sinimulang gamitin ng nabanggit na samahang Tsino ang GLM sa wikang Ingles. Ginagamit ang markang ito sa mga iniluluwas na produktong balat ng Tsina.
Kaugnay ng layunin ng paggamit ng naturang marka, isinalaysay ni Su Chaoying, Pangkalatahang Kalihim ng naturang samahan na:
"Ipinakikita ng markang ito ang kredibilidad ng Samahan ng Industriya ng Balat ng Tsina. Ito ay tatak ng dekalidad na panindang balat ng Tsina at makakatulong ito sa pagiging kompetetibo ng mga produktong Tsino sa pamilihang pandaigdig."
Ang GLM ay hugis bilog. Itim ito na may puting underpainting at sa gitna nito ay may pulang malaking titik na GLP, daglat ng Genuine Leather Product.
Upang maipromote ang genuine leather mark, isang serye ng katugong hakbangin ang nabalangkas na ng nasabing samahang Tsino. Halimbawa, itatanghal nito ang mga produktong balat na may ganitong marka sa isang kinauukulang eksibisyon ng Asya-Pasipiko na idaraos sa Hongkong sa susunod na Marso at gayundin sa isang pandaigdig na eksibisyon sa Moscow sa kalagitnaan ng taong ito ayon sa pagkakasunod. Bukod dito, ipopromote ang marka sa pamamagitan ng media, mga embahada ng Tsina sa ibayong dagat at mga pasuguang dayuhan sa Tsina.
Sa kasalukuyan, ang Tsina ay ang pinakamalaking bansa na nagpoprodyus ng mga produktong balat at ang produksyon ng sapatos na balat ng Tsina ay bumubuo ng 55% market share ng buong daigdig.
Kaugnay ng prospek ng industriya ng balat ng Tsina, lipos ng pananalig dito si Gg. Zhang Shuhua, Pangalawang Puno ng nasabing samahang Tsino. Sinabi niya na:
"Matibay ang aking kompiyensa sa pag-unlad ng industriyang ito. Malaki ang potensyal ng Tsina sa industriyang ito. Sa palagay ko, ang industriya ng balat ay isang industriya na palagiang nananatiling masigla."
Napag-alamang bukod sa Tsina, inirehistro rin ng China Leather Industry Association ang GLM sa iba pang 14 na bansa't rehiyon. Sa hinaharap, upang mapabilis ang pagiging kompetetibo sa daigdig ng mga bahay-kalakal na Tsino, irerehistro ng nasabing samahan ang GLM sa mas maraming bansang dayuhan at kasabay nito, tutulungan nito ang mga bahay-kalakal na Tsino na mapasulong ang kanilang episyensiya at kalidad ng mga produkto.
|