Magkakasamang ipinatalastas kahapon dito sa Beijing ng mga panig tagapag-organisa na sisimulan na ang Biyahang Pangkooperasyon ng Tsina't Asean na nasa pagtataguyod ng China Radio International o CRI, Kawanihan ng Guangxi sa Radyo, Pelikula at Telebisyon at Hongkong Phoenix TV.
Napag-alamang naka-iskedyul na lumisan ng Tsina sa ika-24 ng buwang ito ang grupo ng naturang bihaye na binubuo ng mahigit 40 miyembro. Magkakasunod na dadaan sila sa 35 lunsod ng Biyetnam, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, Malaysiya, Indonesiya, Singapore, Brunei at Pilipinas at kapapanayamin at mag-uulat hinggil sa katutubong tanawin at pamumuhay ng mga mamamayan ng naturang mga bansang Asean.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Wang Gengnian, Puno ng CRI, na ang nasabing biyahe ay isa pa ring aktibidad na inilunsad ng CRI, pagkaraan ng matagumpay na pagdaos ng Biyaheng Pangkaibigan ng Tsina't Rusya noong isang taon. Sinabi pa niya na:
"Ang Tsina't mga bansang Asean ay hindi lamang matalik na magkapitbansa, kundi maging mahalagang estratehikong partner na pangkooperasyon. Umaasa kaming masasamatala ng Tsina't Asean ang aktibidad na ito para mapasulong ang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang panig sa pamamagitan ng pagkatig ng mga media."
Sinabi naman ni Shen Beihai, mataas na opisyal mula sa Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, na ang kanyang rehiyon ay nagsisilbing mahalagang pusod na nag-uugnay ng pamilihang Tsino at pamilihang Asean at labis na makabuluhan ang transnasyonal na aktibidad na ito. Sinabi pa niya na:
"Sa pamamagitan ng biyaheng ito, mag-uulat kami sa buong Tsina, mga bansang Asean at iba pang mga bansang dayuhan hinggil sa pagtutulungang pangkaibigan ng Tsina't Asean sa proseso ng pagtatatag ng CAFTA, malayang sonang pangkalakalan ng dalawang panig."
Sinabi naman ni Liu Changle, Pangulo at CEO ng HK Phoenix TV, na:
"Sa biyaheng ito, magtutuon kami ng pansin sa ugnayang pangkabuhayan, ugnayang pantao at ugnayang heograpikal ng rehiyon."
Bukod sa mga media sa loob ng Tsina, ang aktibidad na ito ay nakatawag din ng pansin ng mga media sa labas ng bansa. Kaugnay nito, sinabi ni Nguyen Xuan Chinh, mamamahayag mula sa Vietnam News Agency, na:
"Iminungkahi ng panig Biyetnames na pasulungin ang mainam at mabilis na pag-unlad ng relasyon ng Tsina at mga bansang Asean sa pamamagitan ng gaganaping Biyaheng Pangkooperasyon ng Tsina't Asean."
Lipos ng pananalig din ang mga kalahak na opisyal Asean sa pagiging matagumpay ng gaganaping biyahe. Sinabi ni Nor Khuzaimah Supar, opisyal ng Embahada sa Tsina ng Malaysiya na:
"Umaasa kaming mapapahigpit pa ng gaganaping biyahe ang relasyong Sino-Asean."
|