Tulad ng alam ninyo, sinimulan kamakalawa ang Biyahang Pangkooperasyon ng Tsina't Asean, isang transnasyonal na aktibidad na naglalayong mag-ulat hinggil sa tanawin at pamumuhay ng 10 bansang Asean para mapasulong ang pag-uunawaan ng mga mamamayan ng Tsina at mga bansang Asean.
Sa Biyetnam, unang hinto ng biyahe, kinapanayam kahapon ng hapon (local time) ng mga mamamahayag si Pangulong Nguyen Minh Triet ng bansa. Sinabi ni Pangulong Nguyen na patuloy na aktibong pasusulungin ng kanyang bansa ang relasyong pangkaibigan, pangkooperasyon at pangkapitbansa nila ng Tsina at magsisilbi rin itong tulay sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Asean.
Sinabi pa niya na makabuluhan ang biyaheng pangkooperasyon ng Tsina't Asean at upang mapasulong ang pagtutulungan ng Tsina't mga bansang Asean, maraming iniharap na proposal ang dalawang panig. Sinabi niya na:
"Mainit na tinatanggap ng Biyetnam ang nasabing mga proposal at ipinalalagay rin naming dapat ding talakayin at tupdin ang lahat ng mga konstruktibong proposal. Nakahanda ang aming bansa na magsilbing tulay sa pagtutulungan ng Tsina't Asean. Sa palagay namin, malaki ang potensyal ng pagtutulungang Sino-Biyetnames at gayundin ng pagtutulungang Sino-Asean."
Kaugnay ng pagtutulungang Sino-Asean, binanggit, sa partikular, ni Pangulong Nguyen ang taunang China-Asean Expo o CAEXPO na idinaraos sa Nanning, Punong Lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog-kanluran ng Tsina, batay sa proposal ni Premyer Wen Jiabao. Sinabi niya na:
"Noong taong 2006, lumahok sa CAEXPO si Punong Ministro Nguyen Tan Tung ng Biyetnam at ipinahayag niya ang mataas na papuri rito. Nagsisilbing magandang plataporma para sa pagtutulungang Sino-Asean ang ekspong ito. Puspusang nagsasagawa kami ng mga konkretong hakbangin para mapasulong ang pagtutulungan ng Tsina't mga bansang Asean."
Napag-alamang ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN. Sinabi ni Pangulong Nguyen na lumalakas ang pambansang puwersa ng Biyetnam at higit na kapansin-pansin na sumapi ito sa World Trade Organization o WTO noong unang dako ng taong ito, bagay na naglatag ng magandang pundasyon para sa pagtingkad ng papel nito sa pagtutulungang panrehiyon. Ipinahayag din niya ang kanyang mainit na pagtanggap sa pamumuhunan ng Tsina. Sinabi niya na:
"Marami kaming natututuhan mula sa Tsina at pinasasalamatan namin ang Tsina sa mga ibinibigay na tulong nito. Mainit na tinatangkap namin ang pamumuhunan sa Biyetnam ng mga mangangalakal na Tsino. Magkatulad ang Tsina't Biyetnam sa maraming aspekto. Nakikita nating maraming bahay-kalakal na Tsino ang nakapagtatamo ng tagumpay sa Biyetnam."
Sinabi rin ng pangulong Biyetnames na naka-iskedyul na bumisita siya sa Tsina sa susunod na Mayo at lipos siya ng pananabik dito. Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapasulong ng kanyang gagawing pagdalaw ang relasyong Sino-Biyetnames.
Napag-alamang kinagigiliwan din ni Pangulong Nguyen ang kulturang Tsino. Aniya, magkatulad ang kultura ng Tsina't Biyetnam at sa kasalukuyan, mainit na tinatanggap ng mga mamamayang Biyetnames ang pelikula, TV drama at babasahin ng Tsina.
Tinanggap din ni Pangulong Nguyen ang alaala mula sa delegasyon ng mga mamamahayag na Tsino at ipinahayag din niya ang kanyang bendisyon na magiging matagumpay ang Biyaheng Pangkooperasyon ng Tsina't Asean.
|