Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2007.
Ang darating na Mayo Uno ay Pandaigdig na Araw ng Paggawa. Layon ng pagdiriwang na bigyan ng espesyal na pagpapahalaga ang mga manggagawa.
Taun-taon naging pokus na ng mga pagdiriwang ang usapin ng mga manggagawa na kinabibilangan ng kondisyon sa trabaho, tamang pasahod, banepisyo na tulad ng health care at social security, tamang haba ng oras ng pagtatrabaho at iba pa.
Ang pagdaraos ng rally ng labor groups sa iba't ibang sulok ng mundo tuwing sasapit ang Mayo Uno ay palatandaan na hindi nasisiyahan ang mga manggagawa sa kanilang kalagayan. Ang maagap na pagtugon ng mga kinauukulan sa karaingan ng mga manggagawa ay makakatulong nang malaki sa ikagaganda ng relasyon ng labor at capital. Ang karanasan na rin natin mismo ang magsasabi na ang ganitong relasyon ang kailangan para sa masaganang produksiyon.
Maraming tagapakinig ang tumawag, sumulat, at nag-SMS para ibahagi ang kanilang palagay hinggil sa isyung may kinalaman sa manggagawa. Pinapupurihan nila ang mga manggagawa dahil anila ang sektor na ito ng lipunan ang nagsisilbing gulugod ng pambansang kabuhayan.
Ang isa sa mga tagapakinig na ito ay si Romulo de Mesa ng Marinduque...
Siguro alam na nating lahat na ang ipinadadala ng OFW's na foreign currency sa Pilipinas ay nagsisilbing malaking bahagi ng foreing currency reserve ng bansa at ang salaping dayuhan na ito ay gumaganap ng malaki at hindi matatawarang papel sa pagliligtas sa pambansang kabuhayan kung ito ay nalalagay sa bingit ng peligro.
Sabi ni Romulo kung ang OFW's daw natin ay itinuturing ng mga embahador natin sa iba't ibang bansa na "ambassadors of goodwill", itinuturing naman daw niya ang mga itong "mga buhay na bayani".
Sinabi ni Romulo na marahil ang Tsina ay isa sa iilang bansa na kung saan ang mga manggagawa ay nagtatamasa ng maraming benepisyo dahil aniya ang social structure ng China ay iyong tinatawag na maka-masa at isa pa pinaiiral din ng pamahalaan ang patakarang bayan muna...
Iyan ang long-distance voice natin sa gabing ito--tinig ni Romulo de Mesa ng Marinduque.
Oras na naman para sa pagbabasa ng liham ng tagapakinig dito sa Dear Seksiyong Filipino. Ang liham na bibigyang-daan natin ngayong gabi ay padala ni Manny Esguerra ng Sta. Cruz, Manila. Sabi ng kaniyang liham:
Dear Filipino Service,
Kumusta na kayo at si loving DJ?
Lagi akong nakasubaybay sa inyong Gabi ng Musika kung weekend kaya bukambibig ko na ang loving DJ.
Salamat sa pagsasahimpapawid ninyo ng sulat at mga SMS ko. Sumusulat uli ako para marinig ko na naman ang pangalan ko. Ipaalam lang ninyo kung kailan ninyo babasahin para masabihan ko ang mga kaibigan ko.
Sana maraming nakikinig na OCW's. Gusto ko silang saluduhan sa Labor Day. Alam ko kung paano sila nangungulila at alam ko na hindi biro ang mga problema nila sa trabaho.
Minsan may program si Ramon tungkol sa isang lugar sa Tsina na sabi niya ay dapat naming bisitahin. Sana maulit pa ang ganung programa kasi gusto kong makarinig ng tungkol sa iba't ibang lugar ng Tsina lalo na iyong para sa pagtu-tour. Interesado ako sa Tibet, Shanghai at Macao.
Okay din sa akin ang inyong Chinese Culture kasi meron din kung minsang mga interesting places sa China at mga pook na maganda para sa cultural visits at research lalo na sa China's past.
Sa pakikinig ko lang sa inyong Dear Seksiyong Filipino nadadagdagan na ang experience ko kasi maraming ibinabahagi ang inyong matatalinong tagapakinig.
Ipinagdarasal ko ang pagyabong ng inyong mga programa at pagiging kilala ng Serbisyo Filipino.
Always behind you, Manny Esguerra Binondo, Sta. Cruz Manila
Maraming-maraming salamat, Manny sa iyong liham. Makinig ka lang lagi sa lahat ng mga programa namin sa Serbisyo Filipino at marami kang malalaman tungkol sa China.
Hanggang diyan na lang ang oras natin para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|