Mahigit 60% ng populasyon ng Tsina ay taga-nayon. Nitong ilang taong nakalipas, upang matulungan ang mga magsasakang Tsino na makaangat sa buhay, pinagaan ng Pamahalaang Tsino ang paraan ng pagpasok ng mga institusyong pinansyal sa kanayunan at salamat dito, marami na ngayong makikitang bagong institusyong pinansyal sa kanayunan.
Noong unang dako ng nagdaang Marso, 3 bagong institusyong pinansyal na tinatawag na Village Bank ang binuksan sa kanayunan ng Tsina. Kaugnay nito, isinalaysay ni Ding Xiaobo, Presidente ng isa sa naturang 3 bangko, na:
"Ang lahat ng mga kliyente ng aming bangko ay mga magsasakang lokal. Ang aming pangunahing serbisyo ay ang pagkakaloob ng pautang sa mga magsasaka para may magamit silang pondo sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop o poltri."
Kumpara sa iba pang bangkong komersyal, ipinagmamalaki rin ng naturang village bank ang higit na mabilis na pag-aapruba at pagkakaloob ng loan at mababang interes.
Bukod sa village bank, ang isa pang bagong institusyong pinansyal na tinatawag na microfinance company ay lumitaw na rin sa Tsina. Ang kanilang mga pangunahing kliyente ay mga residente at bahay-kalakal sa kanayunan. Kumpara sa mga bangko, ang trabaho lamang ng microfinance company ay magkaloob ng pautang at hindi tumanggap ng deposito. Sa Pingyao County sa Lalawigang Shanxi sa dakong hilaga ng Tsina, may ganitong bagong-bukas na kompanya. Salamat dito, maraming magsasakang lokal ang mas pinipiling mangutang sa nasabing mga kompanya. Ang mga magsasakang nag-a-aplay ng loan ay maaring gumamit ng ari-arian bilang kolateral o kung hindi naman maari silang kumuha ng tatayong tagapanagot. Inaasahang makakakuha sila ng pautang sa loob ng 3 araw lamang. Isang magsasakang lokal na si Wang Zhongqing ang humiram ng 50 libong Yuan o mahigit 6.2 libong dolyares na pautang mula sa isang microfinance company para sa kaniyang manukan.
|