• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2007-05-09 18:21:17    
Kambodya, pinalalakas ang pangangalaga sa Angkor

CRI

Bilang isang kilalang makasaysayang lugar, ang Angkor historic site sa Siem Reap sa Kambodya ay nahahanay sa listahan ng pandaigdig na pamanang pangkultura ng UNESCO, United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization.

Sa kanilang pamamalagi sa Kambodya, bumisita sa naturang relikya ang mga miyembro ng Biyaheng Pangkooperasyon ng Tsina't Asean at naramdaman nila ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Kambodyano at komunidad ng daigdig sa pangangalaga sa pamanang pangkulturang ito.

Sa kanyang salaysay hinggil sa turismo sa Angkor at renobasyon nito, sinabi ni Koy Sang, Puno ng Kawanihang Panturista ng Siem Reap, na:

"Umaabot sa 30% hanggang 35% ang taunang paglaki ng bilang ng mga turista sa Angkor at nitong nagdaang kuwarter, 530 libong turista na kinabibilangan ng mga dayuhan ang bumisita rito."

Kaugnay ng pangangalaga at renobasyon ng pamanang pangkultura, sinabi ni Koy Sang na sa isang banda, buong-sikap na kinukumpleto ng Pamahalaang Kambodyano ang sistemang panturista at sa kabilang banda naman, hiniling nito ang pagtulong ng mga bansang dayuhan. Ang Tsina, kasama ng Pransiya, India, Alemanya, Italya ,Hapon at iba pa, ang nangunguna sa renobasyon ng Angkor.

Noong 1990s, sa kahilingan ng UNESCO, naglaan ng espesyal na pondo ang Pamahalaang Tsino at nagpadala ng mga dalubhasa para makilahok sa renobasyon ng Angkor historic site. Sa unang yugto ng proyektong ito, namahala ang panig Tsino sa pagkukumpuni sa Chau Say Tevoda Temple, isa sa mga pamanang pinakamalubhang nasira. Ito ang kauna-unahang malaking proyekto ng pagtulong ng Tsina para kumpunihin ang isang pamanang pandaigdig.

Hindi magkapareho ang ginagamit na material sa arkitektura ng Tsina at Kambodya. Kahoy ang gamit na pangunahing material sa konstruksyon noong sinaunang Tsina, pero, sa Kambodya naman na tulad ng sa nasabing templo, mga dambuhalang bato ang gamit. Dahil malubha ang pagkasira nito, mahirap na kumpunihin ang templo. Pagkaraan ng isang taong paghahanda, nagsimulang kumpunihin ng mga dalubhasang Tsino ang Chau Say Tevoda Temple noong taong 1999. Kaugnay nito, isinalaysay ni Jiang Huaiying, puno ng grupong Tsino at enhinyero mula sa China National Institute of Cultural Property, na:

"Bago namin kumpunihin ang templo, giba-giba na ito. Sabug-sabog ang mahigit 4000 bagsak na piraso mula sa mga edipisyo. Wala kaming anumang materyal hinggil sa templong ito na tulad ng kuhang-larawan, kaya, bago namin simulan ang renobasyon, dapat kaming manaliksik hinggil sa estruktura ng templo. Ang pinakamalaking hirap ay ang pagsasauli ng naturang 4000 piraso."

Pagkaraan ng halos 10 taong pagsisikap, matatapos na ang renobasyon ng Chau Say Tevoda Temple. Kapuwa nagpugay sa pambihirang kahusayan ng mga dalubhasang Tsino ang UNESCO at Pamahalaang Kambodyano. Ginawaran din ng Pamahalaang Kambodyano ng pambansang insigniya ang puno at pangalawang puno ng grupong Tsino na sina Jiang Huaiying at Liu Jiang. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naggawad ang Pamahalaang Kambodyano ng ganitong insigniya sa mga dayuhan.

Napag-alamang sisimulan na ng panig Tsino ang pagkukumpuni sa isa pang relikya sa Angkor.