Nag-usap noong Huwebes sa Beijing sina pangulong Hu Jintao ng Tsina at pangulong Nguyen Minh Triet ng Biyetnam. Sa pag-uusap, buong pagkaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na patuloy na palawakin at palalimin ang relasyon ng dalawang bansa at binigyan nila ng mataas na pagtasa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Iniharap din ni Hu ang 5 mungkahi hinggil sa ibayo pang pagpapasulong ng relasyong Sino-Biyetnames. Sinabi naman ni Nguyen na nakahanda ang Biyetnam na magsikap, kamasa ng Tsina, para mapahigpit ang relasyon ng mga lalawigan ng hanggahan ng dalawang bansa, maisakatuparan ayon sa iskedyul ang demarkasyon sa lupa ng dalawang bansa at mapalakas ang kanilang kooperasyon sa rehiyon ng Pan Beibu Bay.
Si Nguyen ay dumating noong Martes ng Tsina para pasimulan ang kanyang 4 na araw na dalaw-pang-estado doon. Sa kanyang pananatili sa Beijing, kinatagpo rin siya nina tagapangulo Wu Bangguo ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, premyer Wen Jiabao ng bansa at tagapangulo Jia Qinglin ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino. Idinaos din noong Biyernes sa Beijing ang porum ng mga bahay-kalakal ng Tsina at Biyetnam. Sa porum na ito, lumagda ang mga bahay-kalakal ng dalawang bansa sa siyam na dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang gaya ng pagbibigay ng koryente, tele-komunikasyon at imprastruktura na nagkakahalaga ng mahigit 2 bilyong dolyares. Ayon sa salaysay, noong nagdaang taon, umabot sa 9.95 bilyong dolyares ang halaga ng kalakalan ng Tsina at Biyetnam.
Kinatagpo noong Sabado sa Maynila si Liu Qibao, dumalaw na kalihim ng lupong panrehiyong awtonomo ng Guangxi ng Partido Komunista ng Tsina, ni pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng Pilipinas. Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Arroyo na sinasang-ayunan ng Pilipinas ang pagsasagawa ng kooperasyon sa Pan Beibu Bay at kinakatigan ang pagbuo ng isang transnasyonal na grupo ng mga eksperto para mapasulong ang kooperasyon sa rehiyong ito. Isinalaysay naman ni Liu ang 6 na proyekto ng kooperasyong pang-agrikultura na isinasagawa ng Guangxi at Pilipinas at isiniwalat din niya na sa ika-4 na China-ASEAN Expo na idaraos sa taong ito, ang mga kalahok na bahay-kalakal na Pilipino ay bibigyan ng mga patakarang preperensyal.
Si Liu ay dumalaw sa Pilipinas mula Huwebes hanggang Araw ng Linggo. Bago pumunta sa Pilipinas, dumalaw rin siya sa Indonesia.
Kinatagpo noong Martes sa Jakarta si Liu ni pangulong Susilo Bambang Yudhoyono ng Indonesia. Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Susilo na umaasa ang kanyang bansa na pauunlarin ang mas mahigpit na partnership sa Tsina. Nagpahayag din si Susilo ng pagkatig at pagsasang-ayon sa mungkahi hinggil sa pagsasagawa ng kooperasyon ng Pan Beibu Bay. Sinabi naman ni Liu na sa kalagayan ng patuloy na pagpapalalim ng relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon ng dalawang bansa, natamo ang bagong pag-unlad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Guangxi at Indonesia, tumaas nang malaki ang halaga ng bilateral na kalakalan at umaasa ang Guangxi, kasama ng Indonesia, na pasusulungin ang kooperasyon ng Pan Beibu Bay.
Sa kaniyang pakikipagtagpo noong Araw ng Linggo sa Bangkok kay Zhang Jiuhuan, embahador ng Tsina sa Thailand, ipinahayag ni punong ministro Surayud Chulanont ng Thailand na ibayo pang pauunlarin ng kaniyang bansa ang relasyong pangkaibigan sa Tsina at pahihigpitin ang kanilang pagtutulungan at pagpapalagayan sa kabuhayan, kalakalan at iba pa. Isiniwalat din ni Surayud na dadalaw siya sa Tsina sa malapit na hinaharap at sasamantalahin niya ang pagkakataong ito para ibayo pang mapasulong ang relasyong pangkaibigan ng dalawang bansa. Sinabi naman ni Zhang na nitong 32 taong nakalipas sapul nang itatag ng Tsina at Thailand ang relasyong diplomatiko, natamo ng dalawang bansa ang mainam na pag-unlad sa kanilang kooperasyon sa pulitika, kabuhayan, kultura, teknolohiya at mga iba pang larangan. Mataas ding pinahahalagahan niya ang mahalagang ambag ni Surayud sa pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Noong unang 4 na buwan ng taong ito, mabilis ang paglaki ng kalakalan ng Tsina at Biyetnam, Indonesya, Singapore, Malaysia, Pilipinas at Brunei ng pangkooperasyong zonang pangkabuhayan ng Pan Beibu Bay. Ayon sa estadistika ng adwana ng Lunsod Nanning ng rehiyong autonomong Guangxi ng Tsina, mula noong Enero hanggang Abril ng taong ito, ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng Guangxi at 6 na bansa ng zonang pangkabuhayan ng Pan Beibu Bay ay umabot sa 620 milyong dolyares na lumaki ng halos 26% kumpara sa gayong din panahon ng tinalikdang taon.
|