Kinapanayam kahapon ng delegasyon ng Bihayeng Pangkooperasyon ng Tsina't Asean ang embahador ng Tsina sa Malaysiya na si Cheng Yonghua.
Sinabi ni Embahador Cheng na pumapasok na ang relasyong Sino-Malay sa magandang yugto ng komprehensibong pag-unlad at malaki ang potensyal ng ibayo pang pagpapaunlad ng relasyong ito.
Isinalaysay pa ni Cheng na ang Malaysiya ang unang bansang Asean na nagkaroon ng relasyong diplomatiko sa Tsina. Nitong 33 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong ito, komprehensibo ang pag-unlad nito sa iba't ibang larangan.
Kaugnay ng relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan, inilahad ni Embahador Cheng na:
"Noong taong 2006, umabot sa 37.1 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakal ng Tsina't Malaysiya. Lampas sa 20% ang bahagdan ng taunang paglaki ng kalakalang ito nitong ilang taong nakalipas. Kung magkakagayon ang pag-unlad ng kalakal, sa taong 2008, maagang maisasakatuparan na ang target na umabot sa 50 bilyong dolyares ang kalakalan ng dalawang bansa sa 2010."
Sinabi ni Cheng na nagkokompliment sa isa't isa ang Tsina't Malaysiya sa aspektong pangkalakalan at kaugnay ng larangan ng pamumuhunan, malaki rin ang potensyal. Sinabi niya na:
"Hanggang sa kasalukuyan, umabot sa 4.2 bilyong dolyares ang puhunan ng Malaysiya sa Tsina, pangunahin na, sa larangan ng industriya, industriya ng pagpoproseso at real estate. Pagdating sa pamumuhunan ng Tsina sa Malaysiya, umabot lamang ito sa 160 milyong dolyares, pero, mas maraming mangangalakal na Tsino ang nagsisimula nang magbuhos ng puhunan sa Malaysay."
Isinalaysay pa ni Cheng na nitong nagdaang Enero, lumagda ang Tsina't Asean sa Kasunduan ng Kalakalan sa Serbisyo at ito ay isa pang mahalagang progreso sa relasyong Sino-Asean at gayundin sa pagtatatag ng China-Asean Free Trade Area o CAFTA kasunod ng paglagda sa Kasunduan ng Kalakalan sa Paninda. Kasabay nito, nagpupunyagi ngayon ang Malaysiya para mahanay ito sa mga maunlad na bansa sa taong 2020 at para rito, aktibong pinabubuti nito ang kapaligirang pampamumuhunan ng bansa, bagay na nagkakaloob ng pagkakataon para sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Malaysiya. Sinabi niya na:
"Kung gustong magsimula ng negosyo sa Malaysiya ang mga bahay-kalakal na Tsino, magtatamasa sila ng mga kinauukulang paborableng hakbangin at malawak ang espasyo ng pag-unlad nila sa larangan ng bioscience, IT, industriya ng pagtatanim, tabla at mga kinauukulang industriya."
Bilang panapos, binigyan ni Embahador Cheng ng mataas na pagtasa ang Biyaheng Pangkooperasyon ng Tsina't Asean na nasa magkakasamang pagtataguyod ng China Radio International o CRI, Guangxi People's Radio Station, Guangxi Television at HongKong Phoenix Television. Sinabi niya na:
"Sa pamamagitan ng biyaheng ito, naihahatid sa mga mamamayang Malay at mga mamamayang Asean ang pagkakaibigan ng bayang Tsino samantalang nalalaman ng mga mamamayang Tsino ang hinggil sa iba't ibang aspekto ng Malaysiya at iba pang bansang Asean. Kaya, masasabing nagsisilbing tulay ang aktibidad na ito para sa pagpapahigpit ng pag-uunawaan ng mga mamamayang Tsino't Asean."
Napag-alamang ang Pilipinas ang huling hinto ng biyaheng ito. Nakatakdang dumating doon ang delegasyon sa ika-6 ng susunod na buwan at mamalagi hanggang ika-9 nang buwan ding iyon.
|