Ang Zhongguancun Science Park na tinaguriang Silicon Valley ng Tsina ay nagsisilbi ngayong pinakamalaking parkeng pansiyensiya't panteknolohiya ng bansa. Salamat sa mga isinasagawang preperensyal na hakbangin ng Lupong Admimistratibo ng parkeng ito, mas marami ngayong bahay-kalakal ang nagsisimulang mamuhunan sa mga kompanyang nakabase sa parke at sa gayon, naisasakatuparan ng mga kompanyang ito ang mabilis at malusog na pag-unlad.
Noong katapusan ng nagdaang taon, pagkaraang magtapos sa Estados Unidos, nagtayo si Liu Qiang ng isang hay-tek na bahay-kalakal sa Zhongguancun. Lipos siya ng pananalig sa hinaharap ng kompanya, pero, kulang pa rin ang kanyang kompanya sa pondong pangkaunlaran. Pagdating sa kanyang pinananabikang tulong na ibibigay ng pamahalaan, sinabi ni Liu na:
"Kinakailangan namin ang tulong na salapi ng pamahalaan. Bukod dito, sa pamamagitan ng patnubay at koordinasyon ng pamahalaan, magiging maalwan ang pagtutulungan namin ng mga bahay-kalakal na gustong mamuhunan sa aming kompanya."
Napag-alamang ang karamihan sa 18 libong bahay-kalakal sa loob ng Zhongguancun ay mga maliit at katatamang-laking bahay-kalakal o SMEs at marami sa mga ito ay kulang sa pondo na tulad ng kompanya ni Liu.
Upang matulungan ang mga SME sa loob ng parke, maraming isinasagawang paborableng hakbangin ang Lupong Administratibo ng parke. Halimbawa, upang makaakit ng mga venture capital, naglaan ito ng espesyal na pondo; namumuhunan din ito sa mga bahay-kalakal na pinamumuhunanan na ng venture capital; nakahanda rin itong magkaloob ng subsidy para sa mga venture capital kung mamumuhunan sila sa mga bahay-kalakal sa parke na nasa panimulang yugto pa lamang.
Hanggang katapusan ng nagdaang taon, nakapagkaloob na ang nasabing lupon ng subsidy para sa 25 proyekto na pinamumuhunanan ng 10 venture capital firms. Bilang partner ng pamumuhunan, nagbuhos ito ng halos 50 milyong Yuan RMB o mahigit 6 milyong dolyares na puhunan sa 25 bahay-kalakal sa loob ng parke.
|