Sa katatapos na biyahe ng delegasyon ng China ASEAN Cooperation Tour sa Pilipinas, kinapayam nito si Jose De Venecia, ispiker ng mababang kapulungan ng Pilipinas, hinggil sa relasyon ng Tsina at Pilipinas, pagpapalitan ng mga parliamento ng dalawang bansa, kooperasyon ng buong rehiyon, pagbabawas ng kahirapan, paglaban sa korupsyon at mga iba pang isyu.
Nitong ilang taong nakalipas, mabilis na lumalaki ang halaga ng kalakalan ng Tsina at Pilipinas, pati ng Tsina at mga iba pang bansa ng ASEAN at pawang nagkakaroon din ang mga bansang ASEAN ng favourable balance sa kalakalan nila ng Tsina. Kaugnay nito, hinahangaan ni De Venecia ang Tsina bilang isang mainam na trade partner na nagdudulot ng kapakinabangan sa mga bansang ASEAN na kinabibilangan ng Pilipinas. Anya,
"Nakikita natin na napakabilis na lumalaki ang kooperasyong pangkabuhayan ng ASEAN at Tsina at napakalaki rin ng paglaki ng pagluluwas ng Pilipinas sa Tsina. Kaya, ipinagmamapuri namin ang aming partnership na pangkabuhayan sa Tsina. Nananalig din akong pagkaraang maitatag ang malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN sa 2010, makikita natin ang isa pang napakalaking pagsulong ng relasyong pangkabuhayan ng Tsina at ASEAN, pati ng Tsina at Pilipinas."
Binigyan din ni De Venecia ng mataas na pagtasa ang malawak na kooperasyong pangkabuhayan ng Pilipinas at Tsina sa iba't ibang larangan, lalung-lalo na ang pamumuhunan ng Tsina sa Pilipinas. Espesyal niyang binanggit ang tulong na pinansyal ng Tsina sa Pilipinas sa konstruksyon ng daambakal. Sinabi niyang,
"Ang pinakamalaking pamumuhunan ng Tsina sa Pilipinas ay pumunta sa railway system. Hanggang sa kasalukuyan, umabot sa isang bilyong Dolyares ang pamumuhunang ito para sa konstruksyon ng dalawang daambakal na kinabibilangan ng North Railway, mula Maynila patungong Clark at South Railway, mula Maynila patungong Bicol Peninsula. Sa palagay ko, magdudulot ito ng malaking positibo sa paghahatid ng mga tauhan, karga at panindang iniluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa at makakabuti rin sa pag-unlad ng mga bayan sa kahabaan ng daambakal."
Binanggit din ni De Venecia ang mga pangunahing pamumuhunan ng Tsina sa pagmimina, konstruksyon ng pasilidad na panturismo, remote education at agrikultura ng Pilipinas at sinabi rin niya na mahalaga ang mga ito para sa kanyang bansa.
Nang mabanggit ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga parliamento ng Pilipinas at Tsina, ginamit ni De Venecia ang salitang "excellent". Sinabi niyang,
"Nagkakaroon ng primera klaseng relasyon ang parliamento ng Pilipinas at Tsina. Madalas at pragmatiko ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang panig sa iba't ibang antas at napapasulong nito ang relasyong pampulitika at pangkabuhayan ng dalawang bansa."
Bilang panghuli, hinahangaan ni De Venecia ang katatapos na China ASEAN Cooperation Tour. Anya,
"Ito ay isang mahalagang karanasan ng mga mamamahayag na Tsino na bumisita sa lahat ng sampung bansa ng ASEAN. Mapapasulong ng biyaheng ito ang pag-uugnayan, pagkakaunawaan at interaction ng mga mamamayan ng Tsina at mga bansang ASEAN. Mahalaga ito para sa sistema ng 'ASEAN plus Tsina', 'ASEAN plus Tsina, Hapon at Timog Korea" at maging sa integrasyong pampulitika at pangkabuhayan ng Silangang Asya."
|