Kaugnay ng mga dinanas na hirap, sinabi ng puno ng delegasyong Tsino na si Jiang Huaiying na:
"Bukod sa pamumuhay, hirap din kami sa teknolohiya, dahil hindi magkapareho ang ginagamit na materyal sa edipisyo ng Tsina at Kambodya. Madalas kahoy ang gamit na pangunahing materyal sa konstruksyon noong sinaunang Tsina, pero, sa Kambodya naman na tulad ng sa nasabing templo, mga dambuhalang bato ang gamit. Sa pag-aanalisa sa katangian ng templo at sa pag-aaplay ng tradisyonal na paraang Tsino, masasabing labis na kasiya-siya ang aming pagkukumpuni."
Talagang saludung-saludo ang UNESCO at Pamahalaan ng Kambodya sa mga dalubhasang Tsino sa kanilang kagalingan. Ginawaran rin ng Pamahalaang Kambodiyano ng pambansang insigniya ang puno at pangalawang puno ng grupong Tsino na sina Jiang Huaiying at Liu Jiang. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naggawad ang Pamahalaang Kambodyano ng ganitong insigniya sa mga dayuhan.
Sinabi ni Dong Baohua, Pangalawang Puno ng State Administration of Cultural Heritage o SACH ng Tsina, na ipinakita nito ang pagtanggap ng panig Kambodyano sa tulong ng Pamahalaang Tsino. Sinabi niya na:
"Kamakailan lamang, nagpadala ang SACH ng isang 5-miyembrong grupo sa Kambodya para lubusang suriin ang resulta ng renobasyon sa Chau Say Tevoda Temple. Kapuwa nasisiyahan sa renobasyong ito ang panig Tsino at UNESCO pagkaraang suriin nila ang kalidad ng pagkukumpuni."
Sinabi pa ni Dong na aktibo ngayon ang Tsina sa pakikipagpalitan sa UNESCO at mga bansang dayuhan sa larangan ng pangangalaga sa mga pamanang pandaigdig at ang proyekto ng nasabing templo ay isa sa mga kooperatibong proyekto lamang.
Napag-alamang pagkatapos ng renobasyon sa templong ito, tutulong ang Tsina sa Kambodya sa pagkukumpuni sa Ta Keo Temple, isa pa ring relikya sa Angkor. Mas malaki ang saklaw ng Ta Keo kaysa sa Chau Say Tevoda, kaya, mahaharap ang mga dalubhasang Tsino sa higit pang malaking hamon.
|