Nakipagtagpo noong Huwebes sa Beijing si Premyer Wen Jiabao ng Tsina kay Syed Hamid, dumalaw na Ministrong Panlabas ng Malaysia. Nauna rito, kinausap si Syed ni Yang Jiechi, Ministrong Panlabas ng Tsina. Sa pag-uusap, ipinahayag ni Yang na nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng Malaysia, para mapasulong ang kanilang estratehikong pagtutulungan. Sinabi ni Yang na nitong 33 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, walang humpay na lumalakas ang kanilang pagtitiwalaan at kapansin-pansin ang bunga ng kanilang pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan. Hinahangaan din niya ang paggigiit ng Pamahalaan ng Malaysia sa patakarang isang Tsina. Ipinahayag naman ni Syed na nakahanda ang kaniyang Pamahalaan na pasulungin ang pagpapalitan at pagtutulungan nila ng Tsina sa iba't ibang larangang kinabibilangan ng pulitika, kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, turismo at iba pa.
Kinatagpo noong Martes sa Singapore si dumadalaw na pangalawang premiyer Wu Yi ng Tsina ni punong ministrong Lee Hsien Loong ng Singapore. Ipinahayag ni Lee Hsien Loong na nitong ilang taong nakalipas, mabilis ang pag-unlad ng relasyon ng Singapore at Tsina. Nakahanda anya ang Singapore na ibayo pang palawakin ang larangang pangkooperasyon ng dalawang panig at aktibong lumahok sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng Hilangang Silangang Tsina, Kanlurang Tsina at iba pang rehiyon. Sinabi naman ni Wu na nakahanda ang Tsina na walang humpay na palalimin ang pangkaibigang kooperasyon nila ng Singapore na may mutuwal na kapakinabangan batay sa paggagalangan at pagkakapantay-pantay.
Idinaos noong Miyerkules sa Singapore ang ika-4 na pulong ng magkasanib na lupon sa bilateral na kooperasyon ng Tsina at Singapore na pinanguluhan nina Wu Yi at pangalawang punong ministro Wong Kan Seng ng Singapore. Nagpalitan ng palagay ang 2 panig hinggil sa pagpapalalim ng kanilang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba't ibang larangan at natamo ng pulong ang mahalagang bunga. Binigyan ni Wu ng positibong pagtasa ang bilateral na relasyon ng Tsina at Singapore. Hinahangaan din niya ang pamahalaan ng Singapore sa maraming beses na hayagang pag-uulit na iginigiiit ang patakarang isang Tsina at tinututulan ang pagsasarili ng Taiwan at ito anya ay nagbibigay ng mahalagang garantiya sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng 2 bansa. Sinabi naman ni Wong na ang may-bitalidad na paglaki ng kabuhayan ng Tsina ay nakakabuti sa Singapore at iba't ibang bansa sa rehiyong ito. Anya, iginigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad at pinatitingkad nito ang pahalaga nang pahalagang papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Idinaos noong Biyernes sa Kuala Lumpur, kabisera ng Malaysia, ang ika-8 pulong ng magkasanib na lupon sa kabuhayan at kalakalan ng Tsina at Malaysia. Magkasamang nangulo sa pulong sina Bo Xilai, ministro ng komersyo ng Tsina at Rafidah Aziz, ministro ng pandaigdigang kalakalan at industriya ng Malaysia at nagpalitan ang dalawang panig ng palagay hinggil sa pagpapalawak at pagpapalalim ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Malaysia at iba pang isyung kapuwa nila pinahahalagahan. Sinabi ni Bo na may pag-asang maagang maisasakatuparan ang narating na target ng mga lider ng dalawang bansa na ang halaga ng bilateral na kalakalan ay aabot sa 50 bilyong dolyares sa taong 2010. Ipinahayag din niyang walang humpay na patataasin ng Tsina, kasama ng Malaysia, ang lebel ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa para mapasulong ang komong kasaganaan ng kabuhayan. Sinabi naman ni Rafidah na ang Tsina ay mahalagang trade partner ng Malaysia at nakinabang na ang mga bansa na kinabibilangan ng Malaysia sa mabilis na pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina. Nang araw ring iyon, nilagdaan sa Putrajaya, Malaysia, ng China Harbour Engineering Company Ltd. at may kinalamang panig ng Malaysia ang kontrata hinggil sa magkasanib na konstruksyon ng dalawang panig ng ika-2 sea-cross bridge sa Lunsod ng Pinang ng Lalawigan ng Pulau Pinang sa dakong hilaga ng Malaysia. Napag-alamang ipagkakaloob naman ng Export-Import Bank of China ang 800 milyong Dolyares na preferential buyer's credit sa proyektong ito. Lumahok sa seremonya ng paglalagda sina Bo Xilai at Nor Mohamed Yakcop, ika-2 ministro ng pananalapi ng Malaysia. Kapwa nilang binigyan ng mataas na pagtasa ang naturang proyekto at ipinalalagay na ito ay isa pang muhon sa kasaysayan ng pangkaibigang kooperasyon ng dalawang bansa.
Ipinatalastas noong Miyerkules sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ni Chen Ruixian, pangalawang puno ng tanggapan ng sonang pangkabuhayan ng Beibu Bay ng Guangxi ng Tsina na mula ika-26 hanggang ika-27 ng kasalukuyang buwan, idaraos sa Nanning ang porum ng kooperasyong pangkabuhayan ng Pan-Beibu Bay. Sinabi ni Chen Ruixian na ibayo pang palalakasin ng porum na ito ang pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at mga bansa ng Pan-Beibu Bay sa mga larangang kinabibilangan ng komunikasyon, paghahatid ng kalakal, turismo, pananalapi at iba pa, at aktibong hahanapin at pasusulungin ang subrehiyonal na mekanismong pangkooperasyon ng Pan-Beibu Bay sa ilalim ng balangkas ng pagtutulungan ng Tsina at ASEAN. Dadalo sa porum ang mga opisyal, mangangalakal, kilalang eksperto at sugong diplomatiko ng mga bansang gaya ng Biyetnam at Malaysia.
Idinaos noong Huwebes sa Nanning ang seremonya ng paglalatag ng pundasyon ng commercial liaison base ng Myanmar at sumasagisag ito na opisyal na nakatalaga sa Nanning ang naturang base. Kasunod ng patuloy na pagpapabilis ng proseso ng pagtatatag ng China-ASEAN Free Trade Zone, walang humpay na lumalalim ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Myanmar. Ipinahayag ni embahador U Thein Lwin ng Myanmar sa Tsina na bilang isang mahalagang tulay ng pagpapalitang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at ASEAN, ang pagtatalaga ng commercial liaison base ng Myanmar sa Nanning ay gaganap ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng kooperasyon ng Myanmer at Tsina sa kalakalan, pamumuhunan at iba pang larangan.
|