Ang Pilipinas na siyang bansang Tagapangulo ng ASEAN Standing Committee ay nagsilbing punong-abala ng 40th ASEAN Ministerial Conference at 14th ASEAN Regional Forum na ginanap mula Ika-29 ng Hulyo hanggang Ika-2 ng Agosto sa PICC, Pasay City.
Kalahok sa mga pagpupulong ang 10 bansang ASEAN; 10 Dialogue Partners na kinabibilangan ng China at E. U.; at ng mga bansang miyembro ng ARF. Naroon din ang Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, Pangkalahatang Kalihim ng U.N. at iba pang mga opisyal ng mga organo ng U.N.
Ang AMM ay isang taunang pulong ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN at ang pagiging punong-abala ay pinaghahalinhinan ng mga bansang ASEAN ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang mga pangalan sa alpabeto at kasunod ng paghahalinhinan ng pagiging punong-abala ng ASEAN Summit. Sa mga pagpupulong na ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Ministrong Panlabas na matasa ang mga isyung panrehiyon at pandaigdig na direktang nakakaapekto sa rehiyon.
Sa AMM na ginanap noong Ika-30 ng Hulyo, maraming isyung natalakay ang mga kalahok pero sa pananaw ng mga ordinaryong mamamayan, ang mga pagtalakay na ito ay wala ring magandang kauuwian dahil hindi naman daw makakaapekto sa mahihirap na mamamayan ng rehiyon.
Sinabi ni Pritz Mejia, tagapakinig mula sa Maynila, na ang dapat tutukan ng AMM ay ang isyu ng kahirapan dahil aniya ang kalutasan ng problemang ito ang susi sa kalutasan ng iba pang nakakabagabag na mga problema na kanilang tinalakay sa pulong.
Halos ganito rin ang tinuran ni Vince Guerrero ng Olongapo City. Mahirap aniya kung masyadong high-level ang pag-uusap tapos hindi naman tatagos sa pinakamahihirap na mamamayang ASEAN ang kanilang mapapagkayarian. Lalabas aniya na puro drowing lang ang lahat Sinabi rin niya na dapat mas praktikal na bagay ang kanilang pag-uusapan para madaling maipatupad at menos gastos pa.
Sa AMM noong Ika-30 ng Hulyo, hiniling ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ARF na isulong nito ang "preventive diplomacy" para malutas ang suliranin ng seguridad sa Rehiyong Asya-Pasipiko. Sinabi niya na ang pag-angat ng China at India bilang global economic power ay nagbukas ng maraming pagkakataon at hamon. Kung ang mga bansa aniya ay nagpapalawak ng saklaw ng kanilang kooperasyon sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-unlad, dapat maging kaagapay din nito ang pagpapasulong ng Regional Security Framework na siyang magiging tuntungan nito para isulong ang Regional Economic Agenda.
Sa kaniya namang sariling pananaw, sinabi ni Weng Alonzo ng Maynila na tama raw iyong sinasabi nilang regional security pero mahirap makamtan ito kung ang mga bansa sa rehiyon ay watak-watak. Dapat aniyang siguruhin muna nila ang mahigpit na pagkakaisa.
Ang AMM at ARF ay nagtapos kahapon, Ika-2 ng Agosto.
Maraming salamat sa inyo, Pritz, Vince at Weng.
Ngayon, tunghayan naman natin ang ilang mensaheng SMS mula sa ating textmates.
Mula sa 0049 242 188 210: "Greetings sa AMM! Umaasa kami ng magandang tugon sa aming problema!"
Mula sa 0041 787 882 084: "Kahit hindi pagtuunan ng pansin ang terrorism, basta mahango lang sa kahirapan ang mga tao, pati terrorism damay na."
At mula naman sa 917 401 3194: "Sana matapos nang walang sagabal ang meetings ng mga bisita mula ASEAN."
Tingnan naman natin kung ano ang sinasabi ng Written remarks nina Jun Villanueva ng Bohol at Angel Tenorio ng Cebu City hinggil sa AMM at ARF.
Sabi ni Jun: "Malayo na rin ang narating ng ASEAN. Kung liliimin, marami na silang nagawa sa kani-kanilang bansa at sa rehiyon. Pero patuloy pa rin ang paglitaw ng ganito at ganung problema. Sa tingin ko, ang pinakapangunahin ay kahirapan at ito ay kinabibilangan ng kahirapan sa pagkain, trabaho at matitirahan. Habang dumarami ang tao, nababawasan din ang pagkakataon sa trabaho at umuunti rin ang suplay ng pagkain at lumiliit din ang space. Dapat unahin nilang i-address ang problem na ito."
Sabi naman ni Angel: "Hindi makakatulong sa mahihirap na bansa at mamamayan ng ASEAN ang theories at rhetorics ng mayayamang bansa. Sana napakinggan nila ang hinaing ng ASEAN at pagkalooban nila ito ng kinakailangang tulong na pondo at itigil na nila ang paggamit sa maliliit at mahihinang bansa para sa kanilang sariling agenda.
Maraming salamat sa inyo, Jun, Angel.
At hanggang diyan na lang ang oras natin para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|