Isiniwalat noong Huwebes sa Beijing ni tagapagsalita Wang Xinpei ng ministri ng komersyo ng Tsina na nitong nakalipas na 2 taon, binawas na ng Tsina ang taripa sa 5735 uri ng mga produkto mula sa iba't ibang bansang Asean, at bumaba sa 5.8% ang karaniwang lebel ng taripa mula noong 9.9%. Mula noong Hunyo ng 2005, sinimulang isagawa ng Tsina at ASEAN ang kasunduan sa kalakalan ng paninda sa malayang sonang pangkalakalan. Isinagawa naman ng mga bansang ASEAN ang iba't ibang digri ng pagbaba ng karaniwang taripa sa mga produktong Tsino. Ito ang kauna-unahang kasunduang nilagdaan ng Tsina at bansang dayuhan na naglalayong isakatuparan ang serong taripa. Ayon sa plano, hanggang taong 2010, pawawalang-bisa ng kapuwa panig ang taripa sa karamihan ng mga produkto ng isa't isa. Nitong nakalipas na 2 taon sapul nang isagawa ang naturang kasunduan, bumilis ang paglaki ng bilateral na kalakalan ng Tsina at Asean, at sa kasalukuyan, sila ay naging ika-4 na trade partner ng isa't isa.
Ipinatalastas noong Martes sa Nanning ni Zheng Junjian, pangalawang pangkalahatang kalihim ng sekretaryat ng China ASEAN Expo o CAExpo na ang ika-4 na CAExpo na itinakdang idaos mula ika-20 hanggang ika-23 ng Oktubre ng taong ito ay ipinagpaliban nang isang linggo at idaraos mula ika-28 hanggang ika-31 ng buwang iyon. Sinabi ni Zheng na ang pagpapaliban ng pagdaraos ng kasalukuyang CAExpo ay naglalayong gawin ang mas maraming paghahanda para sa mga aktibidad na idaraos sa panahon ng ekspo at koordinahin ang ekspong ito at mga iba pang mahalagang aktibidad sa rehiyon.
Ipinatalastas noong Biyernes ni tagapagsalita Jiang Yu ng ministring panlabas ng Tsina na sa paanyaya ni premyer Wen Jiabao ng Tsina, opisyal na dadalaw sa Tsina mula ika-22 hanggang ika-28 ng buwang ito si punong ministro Bouasone Bouphavanh ng Laos.
Sa kanyang pakikipagtagpo noong Martes sa Urumchi kay tagapangulong Ismail Tiliwaldi ng rehiyong autonomo ng Xinjiang ng Tsina, ipinahayag ni ministrong Krirkkrai Jeerapath ng komersyo ng Thailand na umaasa ang kanyang bansa na magkakaroon ng mainam na pakikipagtulungan sa gawing kanluran ng Tsina para sa komong pag-unlad. Isinalaysay ni Tiliwaldi kay Krirkkrai ang mga natamong bunga ng pagbubukas sa labas ng Xinjiang nitong nakalipas na ilang taon at ipinahayag niya na umaasa ang Xinjiang na mapapasulong ang pakikipagtulungan sa mga bahay-kalakal ng Thailand.
Binuksan noong Lunes sa Kunming, isang lunsod sa katimugang Tsina ang ika-3 training class ng Great Mekong Subregion hinggil sa reporma't pangangasiwa ng estado. Napag-alamang ang 2 linggong klaseng ito ay nilalahukan ng 23 opisyal sa panggitnang antas ng mga pamahalaan ng mga bansa sa rehiyong ito na gaya ng Tsina, Biyetnam, Laos, Myanmar, Thailand at Kambodya. Ang mga nilalaman nito ay kinabibilangan ng repormang pangkabuhayan, papel ng pamahalaan sa reporma, reporma sa public ownership economy, reporma sa mga bahay-kalakal na ari ng estado, pamumuno sa reporma at pangangasiwa ng estado at iba pa.
Napag-alaman noong Lunes ng mamamahayag mula sa General Administration of Quality Supervision, Inspection and Quarantine ng Tsina na ayon sa ulat ng kawanihan sa pagkaing-butil at agrikultura ng Singapore, napasa na sa pesticide residues detection nito ang lahat ng mga gulay na iniluwas ng Tsina sa Singapore noong isang buwan at walang natuklasang di-kuwalipikadong produkto.
|