Noong taong 2006, sa kauna-unahang pagkakataon, iniharap ng panig ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog-kanluran ng Tsina, ang proposal ng pagtutulungang pangkabuhayan ng Pan-Beibu Gulf.
Ang Beibu Gulf ay matatagpuan sa dakong hilaga ng South China Sea. Kabilang sa pagtutulungang pangkabuhayan ng Pan-Beibu Gulf ang Tsina, Biyetnam, Malaysiya, Singapore, Indonesiya, Pilipinas at Brunei.
Sapul nang iharap ang nasabing proposal, pinahahalagahan na ito ng iba't ibang kinauukulang panig. Kapuwa ipinahayag nina Pangulong Hu Jintao at Premyer Wen Jiabao ng Tsina ang kani-kanilang pagkatig dito. Kasabay nito, inilakip din ng mga lider ng Asean ang proposal na ito sa kanilang pambansang patakarang pangkaunlaran.
Nitong nagdaang linggo, sa ikalawang Porum ng Pagtutulungan ng Pan-Beibu Gulf, sa ilalim ng balangkas ng pagtutulungang Sino-Asean, nagtalakayan ang mga kalahok na kinatawan hinggil sa mekanismong pangkooperasyon ng Pan-Beibu Gulf na may kinalaman sa transportasyon, puwerto, lipat-bahay, turismo at pinansya.
Sa kanyang talumpati sa porum, sinabi ni Mario C. Feranil, dalubhasa mula sa Philippine Institute for Development Studies, na sa hangaring maitatag ang economic partnership sa iba't ibang antas sa rehiyon ng Silangang Asya, maraming growth area configuration ang itinatag na para matugunan ang pangangailangan ng mga kasapi at kabilang dito ang mekanismong pangkooperasyon ng Greater Mekong Sub-region at pagtutulungang pangkabuhayan ng Pan-Beibu Gulf. Pagdating sa papel ng pagtutulungang pangkabuhayan ng Pan-Beibu Gulf, sinabi ni Feranil na:
"Inaasahang itong pagtutulungang pangkabuhayan ng Pan-Beibu Gulf ay makakaganap ng papel bilang daang pandagat para mapahigpit ang pagtutulungan ng mga daungan, mapabilis ang pagtutulungang industriyal, mapasulong ang kalakalan at pamumuhunan ng mga kinauukulang bansa, mapahalagahan ang pagpapaunlad ng mga industriya sa baybay-dagat, magkakasamang magalugad ang mga yamang-dagat at mapaunlad ang mga lunsod sa baybay-dagat. Sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, mapapahigpit ang pag-uugnayan ng mga kinauukulang lunsod, industriya at puwerto at mapapalalim din ang ugnayang Sino-Asean."
|