Sa paanyaya ni Gilbert Teodoro, kalihim ng tanggulan ng Pilipinas, magsasagawa sa unang linggo ng susunod na buwan si Cao Gangchuan, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, ng opisyal na pagdalaw sa naturang bansa. Ang layon ng pagdalaw ay isakatuparan ang komong palagay na narating ng mga lider ng Tsina at Pilipinas, pahigpitin ang kanilang pag-uunawaan at paunlarin ang pagkakaibigan.
Sa paanyaya ni Wu Bangguo, Tagapangulo ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, mula kahapon hanggang ika-30 ng buwang ito, magsasagawa si Heng Samrin, Pangulo ng pambansang asembleya ng Cambodia ng opisyal na pagdalaw sa Tsina.
Sinabi noong Lunes sa Kuala Lumpur ni Wang Yingfan, kagawad ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina at Pangalawang Puno ng Lupon ng Suliraning Panlabas ng NPC na nitong 10 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyon ng NPC at ASEAN Inter-parliament Organization o AIPO, walang humpay na lumalakas ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan. Dumalo nang araw ring iyon sa ika-28 pulong ng AIPO na kasalukuyang idinaraos sa Kuala Lumpur ang delegasyon ng mga tagamasid ng NPC na pinamumunuan ni Wang. Sa kaniyang talumpati, sinabi niyang nitong isang taong nakalipas, mas aktibong nakikilahok ang ASEAN sa pagtutulungang panrehiyon at suliraning pandaigdig, at nakapagbigay aniya ito ng mahalagang ambag para sa pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyon. Ipinahayag din niyang nakahanda ang panig Tsino na walang humpay na palakasin ang pagtutulungan ng magkabilang panig at palakasin ang kanilang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Ipinahayag noong isang linggo ni Joao Manuel Costa Antunes, direktor ng tanggapan sa turismo ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Macao na noong unang 6 na buwan ng taong ito, lumaki nang 70% ang bilang ng mga turista sa Macao mula sa Timog Silangang Asya. Ayon sa estadistika, noong unang hati ng taong ito, lumampas sa 12 milyong person-time ang kabuuang bilang ng mga turista sa Macao na lumaki nang mahigit 20%. Kasabay nito, lumaki nang malaki ang bilang ng mga turista mula sa Timog Silangang Asya. Kabilang dito, lumampas sa 2 ulit ang paglaki ng mga turista mula sa Malaysia at lumaki naman nang 40% hanggang 60% ang bilang ng mga turista mula sa Thailand, Singapore at Pilipinas.
Kinatagpo noong Araw ng Linggo sa Beijing ni puno Liang Guanglie ng pangkalahatang estado mayor ng People's Liberation Army ng Tsina si dumadalaw na ministro Phung Quang Thanh ng tanggulang bansa ng Biyetnam. Sinabi ni Liang na mabuti ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Biyetnam at lalo pang lumalim ang pagpapalitan ng mga hukbo ng dalawang bansa. Anya, nakahanda ang panig Tsino, kasama ng Biyetnma, na patuloy na palakasin ang pagtitiwalaan sa isa't isa at palalimin ang kooperasyon para mapaunlad ang relasyon ng mga hukbo ng dalawang bansa sa mas mataas na lebel. Lubos na pinapurihan naman ni Phung Quang Thanh ang mga natamong bunga ng pagtutulungan ng dalawang hukbo nitong nakalipas na ilang taon. Sinabi niya na lubos na pinahahalagahan ng Biyetnam ang relasyon mga hukbo ng dalawang bansa at umaasang lalo pang mapapalakas at mapapaunlad ng kanyang pagdalaw ang relasyong ito.
Pormal na sinimulan noong isang linggo ang proyektong pang-eksperimento ng magkakasamang pagpigil at pagkontrol sa malarya sa purok-hanggahan ng Tsina at Myanmar. Sa magkasanib na pagtataguyod ng Ministri ng kalusugan ng Tsina at Health Unlimited ng Britanya, tatagal nang isang taon ang proyektong ito na isinasagawa sa tatlong bayan sa Lalawigan ng Yunnan sa timog Tsina at rehiyon ng Myanmar na malapit sa tatlong bayang ito. Ang pangunahing nilalaman ng proyektong ito ay pagpapasulong ng pagpapalitan at pag-uugnayan ng mga medical staff sa purok-hanggahan ng dalawang bansa, pagtatatag ng mekanismo ng pagpapalitan ng impormasyon hinggil sa epidemiya ng malarya at pagpapadala ng mga eksperto sa mga ospital at klinika ng Myanmar para ipagkaloob ang tulong na teknikal.
|