Ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng Asean. Bilang pagdiriwang sa okasyong ito, kinapanayam kamakailan ng Serbisyo Filipino si Jaime Victor Ledda, Consul-General ng Pilipinas sa Tsina at naisahimpapawid na rin namin ang panayam sa kanya sa nakaraang episode ng "Tsina't Asean". Ngayon, tugaygayin natin ang pag-unlad ng 40 taong-gulang na Asean at tunghayan natin ang relasyong Sino-Asean sa mata ng iba pang mga sugo ng Asean.
Nitong 40 taong nakalipas, ang Asean ay nagsisilbing plataporma para sa pagpapalitan at pagtutulungan ng mga kasapi nito sa larangan ng kabuhayan, pulitika at seguridad. Buong tatag na tumatahak ito ngayon sa landas tungo sa integrasyon. Kaugnay ng 40 taong pag-unlad ng Asean, ipinalalagay ni Rathakit Manathat, embahador ng Thailand, na:
"Sa tingin ko, ang nukleo ng Asean ay sumasaklaw sa tatlong aspekto: seguridad, pagtutulungang pangkabuhayan at pagtutulungang panlipunan."
Sa proseso ng pagpapasulong ng integrasyong pangkabuhayan ng organisasyon, sinimulan na ng mga kasapi ang proseso ng pagtatatag ng Asean Free Trade Area o AFTA at ang pakay nito ay isakatuparan ang serong taripa sa loob ng organisasyon.
Sa ilalim naman ng balangkas ng kasunduan ng pagtatatag ng Asean Investment Area, dinaragdagan ng mga kasapi ang kanilang pamumuhunan sa loob ng rehiyon at nagpupunyagi rin sila para makaakit ng higit pang maraming direktang pamumuhunang dayuhan o FDI sa rehiyon. Ipinasiya rin ng mga kalahok sa katatapos na Asean Ministerial Meeting na matatapos ang pagtatatag ng Asean Economic Community sa taong 2015.
Mabunga rin ang pagtutulungang panlipunan at pangkultura ng mga kasapi ng Asean. Halimbawa, lumagda ang mga kasapi sa Asean Declaration on Cultural Heritage.
|