Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa special edition ng Dear Seksiyong Filipino 2007.
Ang mga liham na bibigyang-daan natin ngayong gabi ay padala nina Marivic Lim ng Bajac-Bajac, Olongapo City at David Bautista ng San Ildefonso, Bulacan.
Sabi ni Marivic:
Dear Kuya Ramon,
Harinawa, sa pagtanggap mo nito, ikaw ay nasa pinagpalang kalagayan. Iyan naman din ang asam at dasal ko. Pihado din na ganyan ang dasal ng lahat ng nakikinig sa iyo.
Sa tuwing makakatanggap ako ng sulat mula sa iyo, hindi ko maiwasan ang pagluha. Ito ay luha ng kaligayahan. Labis ang pagbibigay mo ng importansiya sa akin. Ganito sigurado ang nararamdaman ng lahat ng sinusulatan mo.
Unang-una na akong natutuwa kapag nagbabasa ka ng mga SMS mula sa Denmark, Finland, Switzerland at Germany. Ito kasi ay palatandaan ng pagtanggap ng Filipino community sa Europe sa inyong broadcast. Sinyalis din ito ng paglakas ng inyong programa.
Mula't sapul, mahilig na ako sa Chinese language and culture kaya palagi kong pinakikinggan ang lahat ng inyong mga programa mula Balita hanggang Mag-aral ng Chinese Language. Mga Chinese ang roots ko. Taga-Xiamen ang mga nuno ko. Maski sa bahay nami-maintain namin ang kaugaliang Tsino. Nasubok ko na ring lutuin ang mga recipe na inintrodyus mo sa iyong nakakatuwang programang Cooking Show. Marahil sakit lang ang makapipigil sa akin na makinig sa inyong mga programa.
Kung magkakaroon ng pagkakataon, gusto ko sanang mabisita ang Beijing at inyong istasyon. Nakabisita na ako sa Xiamen at Kunming. Gusto ko rin kayong makita nang personal. Marami pa akong gustong isulat pero baka humaba nang humaba itong sulat ko.
Marivic Lim Bajac-Bajac Olongapo City Philippines
Maraming salamat, Marivic, sa iyong liham at sa patuloy mong pagtangkilik sa aming mga programa. Sana matuloy ang balak mong pagpunta sa Beijing. Pananabikan namin ito.Thank you uli at God Love You.
Bago ang liham ni David Evangelista, bigyang-daan muna natin ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 919 651 1659: "Cooking Show ng Serbisyo Filipino, dapat tangkilikin ng bawat Pilipino!"
Mula sa 921 378 1478: "Ugaliin ang pakikinig sa mga programa ng CRI! Hindi ka magsisisi!"
At mula naman sa 917 401 3194: "Filipino Service, patuloy na lumalakas at di na mapipigilan ang paglakas! Anung say niyo?"
Tingnan naman natin kung ano ang sinasabi ng liham ni David Evangelista. Sabi niya:
Dear Kuya Ramon,
May isang himpilan sa may kalayuan na di mapigilang aking pakinggan. Ito ay sa short-wave ng talapihitan CRI Filipino Service dito ang turan. Pasensiya ka na, kuyang. Hindi ako talagang makata. Trying hard lang. Iyan ay isang bahagi lang ng tulang sinulat ko para sa inyong Serbisyo. Medyo kailangan pa ng konting revision.
Hindi ko maipaliwanag sa inyo kung paano ako nahumaling sa mga programa ninyo. Basta alam ko, mula nang turuan ako ng isang kaibigan kung paano mag-DX, ang CRI na ang isa sa mga tina-track ko. May mga nakakasabay kayong malakas na istasyon sa Amerika pero religious program naman ang sa kanila.
Gusto ko ang style ninyo kasi walang halong komentaryo at walang mga kritisismo. Ang sa inyo ay programang konstruktibo at may paggalang.
Nakakasiyang makinig sa iyong Gabi ng Musika kasi bukod sa mga awiting gustung-gusto ng isang katulad ko, lagi pang may bagong text messages at e-mails. Iba-iba ang porma ng mga SMS at sulat at iba-iba ang mood. May nagpapahayag ng kasiyahan, kalungkutan, pasasalamat at papuri. Mayroon ding simpleng bumabati at mayroon ding nagbibigay ng magagandang suggestions.
Kahit hindi ako mahilig sa pangungusina, pinakikinggan ko rin ang iyong Cooking Show--just for fun. Nakakatuwa, eh.
Sana magkaroon ng puwang ang sulat na ito sa himpapawid at salamat sa mga reply mo sa mga SMS ko.
Ingat lang palagi at kumusta sa lahat.
David Evangelista San Ildefonso, Bulacan Philippines
Thank you sa iyong liham, David. Kumusta ka na? Matagal kang nawala sa sirkulasyon, ah. Balita ko malakas daw ang negosyo mo diyan sa Bulacan. Dumami na nang dumami ang mga alaga mo, ha? Pagbutihin mo. Sana, kahit busy ka sa negosyo, hindi ka pa rin nawawalan ng oras para sa aming mga programa.Hihintayin naming ang mga susunod mong sulat. Good luck sa iyo, David, and God Bless.
At diyan nagtatapos ang ating pagtatanghal ngayong gabi. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|