Nakaiskedyul na idaos sa kalagitnaan ng susunod na buwan ang ika-17 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa. Ang pulong ng CPC ay gaganapin isang taon bago ang ika-30 anibersaryo ng pagsimula ng pagbubukas at reporma ng Tsina. Ipinalalagay ng mga dalubhasang Tsino na sa gaganaping pulong, lalagumin ng CPC ang mga natamong karanasan nitong halos 30 taong nakalipas at ibayo pang pasusulungin din nito ang pagpapatupad ng siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran at ideolohiya ng pagtatatag ng may-harmonyang lipunan.
Idinaraos ang Pambansang Kongreso ng CPC tuwing limang taon. Kaugnay ng mga posibleng tampok sa gaganaping pulong, ipinalalagay ni Propesor Dai Yanjun, na:
"Idaraos ang pulong sa okasyong halos 30 taon na isinasagawang pagbubukas at reporma ng Tsina. Tiyak na maraming natamong makabuluhang karanasan ang bansa at dapat naming lagumin ang mga ito. Bukod dito, nitong limang taong nakalipas sapul nang idaos ang ika-16 na Pambansang Kongreso ng CPC, ang bagong liderato ay nagharap ng isang serye ng mga estratehikong idea at gumaganap ang mga ito ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng konstruksyon ng CPC at gayundin sa pagpapaunlad ng lipunan. Dapat din naming lagumin ang hinggil dito."
Kung babalik-tanawin ang pag-unlad ng pambansang kabuhayan at lipunan sapul noong ika-16 na Pambansang Kongreso ng CPC sa taong 2002, kasabay ng walang-humpay na pag-unlad ng kabuhayan, lampas na sa 1000 dolyares ang per capita GDP ng Tsina at masasabing pumapasok na sa ginintuang panahon ang pagbubukas sa labas at reporma na pinamumunuan ng CPC. Pero, hindi naipagkakaila ang katotohanang umiiral pa rin ang mga problema na gaya ng di-balanseng pag-unlad sa pagitan ng kalunsuran at kanayunan, kontradiksyon sa pagitan ng pagpapaunlad ng kabuhayan at pangangalaga sa kapaligiran at lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.
Upang malutas ang nasabing mga problema, iniharap ng CPC ang siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran noong taong 2003 at batay rito, ipinauuna ang mga tao at nananangan sa komprehensibo, koordinado at sustenableng pag-unlad. Noong taong 2004 naman, itinakda ng CPC ang estratehikong misyon ng pagtatatag ng may-harmonyang sosyalistang lipunan at sa taong 2006, iniharap ang pakay na itatag ang may-harmonyang sosyalistang lipunan sa taong 2020.
Noong ika-7 ng nagdaang Marso, binigyang-diin ni Hu Jintao, Pangkalahatang Kalihim ng CPC at pangulo ng Tsina, na upang itatag ang may-harmonyang lipunan, dapat manangan sa prinsipyo ng magkakasamang pagtatamasa ng mga mamamayan ng may-harmonyang lipunan sa pamamagitan ng magkakasamang konstruksyon nito at magkakasamang pagtatatag ng may-hamonyang lipunan sa proseso ng pagtatamasa nito. Sinabi niya na:
"Dapat igalang ang katayuan ng madla bilang panginoon ng bansa at kanilang diwa ng inisyatiba at dapat ding pangalagaan, sa abot ng makakaya, ang kanilang saligang interes."
Sa ilalim ng siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran at ideolohiya ng pagtatatag ng may-harmonyang lipunan, bumubuti ang pamumuhay ng mga mamamayang Tsino. Halimbawa, nitong ilang taong nakalipas, halos umabot sa 10 milyon ang bilang ng mga bagong empleyado sa mga lunsod at bayan ng bansa bawat taon. Nakansela na ang matrikula at iba pang mga bayarin ng mga estudyante sa kanayunan sa yugto ng kompulsaryong edukasyon.
Ipinalalagay ng mga dalubhasa na ang nasabing dalawang ideolohiya ay nagsisilbing pundasyong teoretikal sa pagbubukas at reporma. Kaugnay nito, sinabi ni Propesor Wu Zhongfa mula sa Party School of CPC Central Committee, na:
"Ang reporma ng Tsina ay pumapasok na sa yugto ng inobasyon at idaraos nga ang ika-17 Pambansang Kongreso sa ganitong kalagayan. Paano lutasin ang isyu ng inobasyon? Sa tingin ko, ang nabanggit na dalawang ideolohiya ay naglatag ng matibay na pundasyong teoretikal hinggil dito."
|