Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa espesyal na edisyon ng Dear Seksiyong Filipino 2007.
Ang mga liham na bibigyang-daan natin ngayong gabi ay padala nina Mary Rose Tejada ng UST at Menchu Pajarillo ng Antipolo City.
Sabi ni Mary Rose sa kaniyang liham:
Dear Kuya Ramon,
Alam ko na busy kang lagi pero sana magkaroon ka ng kahit a few minutes para sa letter na ito.
Kumusta pala, Kuya and everybody?
Ipinagdiwang ang 58th anniversary ng China sa ipinagmamalaki nating historic landmark na Manila Hotel. Dumalo sa pagtitipon si Ambassador Song Tao at ang kaniyang maybahay na si Madame Guo Jian Li. Naroon din si Speaker Jose de Venecia at iba pang opisyal ng gobyerno. Ang eksaktong date ay September 29, 2007. Siguro naman mai-imagine mo na ang celebration na ginanap sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Noong sumunod na araw, ang Federation of Filipino-Chinese Associations of the Philippines ay nagdaos ng fellowship sa hotel ding iyon bilang pagdiriwang din sa National Day ng P.R.O.C. Ang pagdiriwang na ito naman ay nagbibigay-tanda o nagpapahalaga sa mahaba, makasaysayan, at benepisyal- sa- kapuwa- panig na relasyon ng Pilipinas at China at sa higit pang malalim na relasyon ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Matatandaang ang mga Pilipino at Chinese ay mayroon nang interaksiyon noon pa mang marami nang siglo ang nagdaan na pinatutunayan ng mga nakuhang pottery at coins sa Butuan, Cebu at Tondo. Ang mga bagay na natagpuan ay nagmumula pa noong 10th century. Ganun kaluma. Ganun katanda. Ang Chinese culture ay maraming naiwang indelible mark sa ating lipunang Pilipino kaya kabilang ako doon sa mga naniniwalang "baligtarin mo man ang mundo, ang
relasyon ng Pilipinas at China ay mananatiling nakatindig".
Babatiin ko naman kayo ngayon ng happy Mid-Autumn Festival.
Always, Mary Rose Tejada College of Architecture University of Santo Tomas Espana. Manila
Thank you so much, Mary Rose. Napakaganda ng iyong sulat. Napakaganda talaga sa totoo lang. Sana makapagpadala ka uli ng ganitong sulat sa susunod. Kailangan namin ito. Salamat uli at God love you.
Tingnan naman natin kung ano ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 928 601 3479: "Kuyang, enjoy your moon cake sa Mid-Autumn Fest.! Itikim mo kami ng pinakamasarap na flavor!
Mula naman sa 001 971 634 6895: "Double happiness ang wish ko sa inyo sa National Day at Moon Cake Festival. May you have more joyful days to come!"
At mula naman sa 917 351 9951: "Kuya, hello sa iyo at sa lahat ng tauhan ng Serbisyo Filipino. Lagi akong nakaabang sa inyong mga programa. Salamat sa SMS replies."
Tingnan naman natin kung ano ang sinasabi ng liham ni Menchu, Menchu Pajarillo:
Dear Kuya Ramon,
Hindi ko alam kung ngayong taon ay magkakaroon ng Mid-Autumn celebration dito sa Manila. Nag-iba kasi ang mayor. Dati, taun-taon ay may malaking celebration sa Binondo at gumagawa sila ng malaking moon cake na pinipira-piraso at ipinamamahagi sa publiko. Ganun din ba diyan sa inyo?
Alam mo, sa mga SMS lang ng listeners mo busog na busog na ako sa aral sa buhay. Marami kasing lessons ang mga natatanggap mong SMS at naglalaman din ng values. Nabasa mo na rin pala ang ipinadala kong SMS.
Noong masira ang short-wave radio ko, bumili kaagad ako ng kapalit na bago kasi ayokong ma-miss ang inyong mga programa lalo na ang boses mo. Nabubuhayan kasi ako ng loob pag naririnig ko ang boses mo. Madalas kasi nag-iisa lang ako sa gabi. Natutuwa rin ako dahil mabilis ang reply mo sa mga text messages ko. Marami ka pang matatanggap na mga text messages kasi ipinamigay ko sa mga kliyente ko ang number mo. Sales agent ako ng mga beauty products kaya nakakarating ako kung saan-saan. Ipino-promote ko na rin ang inyong programs para mas lalong lumaganap.
Hinahanap-hanap ko ang inyong Cooking Show. Dati kasi madalas iyon. Ngayon parang dumalang. Mahilig kasi akong magluto at preferable sa akin ang Chinese foods. Marami na rin nga akong naitagong recipe na galing sa inyo at may autograph mo pa.
Naniniwala ako na darami pa ang mga kaibigan ninyong Pilipino dahil sa ganda ng inyong pakikisama.
Hanggang dito na lang at God bless you all.
Lots of love, Menchu Pajarillo Circumferential Road Antipolo City, Phils.
Maraming-maraming salamat, Menchu, sa iyong liham at iyong malasakit sa aming lahat dito. Huwag kang magsasawa, ha? Thank you uli at God bless you rin.
Hanggang diyan na lang ang oras natin para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|