• Hinggil sa CRI• Hinggil sa Serbisyo Filipino
More>>
China Radio International
Balita sa Tsina
Balita sa daigdig
Pulitika
Kabuhayan
Lipunan
Kultura
Isports
• Pakinggan ninyo ang pinakahuling programa natin

Tsinaistik

Lipunan

Tsina at ASEAN

Olimpiyada

Musika

Dear Seksiyong Filipino
(GMT+08:00) 2007-10-15 18:32:26    
CPC, buong-sikap na magpapatupad pa ng siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran

CRI

Binuksan ngayong araw sa Beijing ang ika-17 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa. Sa ngalan ng ika-16 na Komite Sentral ng CPC, bumigkas ng ulat si Hu Jintao, Pangkalahatang Kalihim ng nasabing partido. Sa ulat na pinamagatang "Itaas ang Dakilang Bandila ng Sosiyalismong May-Katangiang Tsino at Magpunyagi para Makapagtamo ng Bagong Tagumpay sa Komprehensibong Pagtatatag ng May-Kagihawahang Lipunan sa Mataas na Antas", nilagom ni Hu ang kasaysayan nitong halos 30 taong nakalipas sapul nang isagawa ng bansa ang reporma at pagbubukas, inilahad ang nilalaman at katuturan ng siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran sa pambansang pag-unlad at pinlano rin niya ang pag-unlad ng bansa sa hinaharap sa aspekto ng kabuhayan, pulitika, kultura, lipunan, depensa, diplomasiya, pambansang reunipikasyon at pag-unlad ng CPC.

Unang-una na, binalik-tanaw ni Hu ang hinggil sa mga natamong bunga nitong 5 taong nakalipas sapul noong ika-16 na Pambansang Kongreso ng CPC. Sinabi niya na:

"Nitong limang taong nakalipas, natamo ng Tsina ang malaking progreso kaugnay ng reporma't pagbubukas sa labas at pagtatatag ng may-kaginhawahang lipunan sa mataas na antaas. Lumalakas ang ekonomikong puwersa ng bansa at kahangang-hangang bumubuti ang pamumuhay ng sambayanang Tsino. Kasabay nito, higit pang maraming trabaho ang nilikha sa bansa, ibayo pang nakumpleto ang social security system at bumubuti rin ang pambansang sistemang pangkalusugan at serbisyong medikal. Bukod dito, naisakatuparan na sa kanayunan ang walang-bayad na 9 na taong kompulsaryong edukasyon."

Sinabi ni Hu na dapat ibayo pang patuparin ng CPC ang siyentipikong ideolohiyang pangkaunlaran. Aniya, ang kaunlaran ay ang pangunahining nilalaman ng ideolohiyang ito at ang nukleo nito ay ang pagpapauna ng mga mamamayan. Dapat gawing sustenable ang kaunlaran at upang maisakatuparan ito, dapat pahalagahan ang koordinadong pag-unlad sa pagitan ng kalunsuran at kanayunan, pag-unlad ng iba't ibang lugar, pag-unlad ng kabuhayan at lipunan at pag-unlad ng mga tao at kalikasan. At dapat ding isaayos ang pambansang pag-unlad at pagbubukas sa labas.

Itinakda rin ng ulat na sa taong 2020, pag-aapatin ang per capita GDP ng Tsina kumpara sa taong 2000, maitatatag sa kabuuan ang pambansang social security system, masusugpo na sa kabuuan ang absolutong karalitaan, makapagtatamasa ang lahat ng mga mamamayan ng saligang serbisyong medikal at maitatatag na ang estrukturang industriyal, pamamaraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan at modelo ng konsumo na nagtatampok sa pagtitipid sa likas na yaman at pangangalaga sa kapaligiran.

Binigyang-diin din ni Hu na dapat dagdagan ang laang-gugulin ng Pamahalaang Tsino para mabigyan ang sambayanang Tsino ng pantay na serbisyong pampubliko.

Sinabi ni Hu na daragdagan pa ng Pamahalaang Tsino ang laang-gugulin para makapagtamasa ang mga mamamayan ng makulay na pamumuhay sa kanilang libreng oras, lalung lalo na ang mga mamamayan sa liblib na rehiyon at mga magsasakang nagtatrabaho sa mga lunsod. Kasabay nito, dapat ding maigarantiyang makatanggap ng edukasyon ang mga anak mula sa mahihirap na pamilya at anak ng mga magsasakang nagtatrabaho sa lunsod. Idinugtong pa niyang dapat ding kumpletuhin ang sistema ng pagbibigay-tulong sa paghahanap-buhay ng lahat ng mahirap na populasyon.

Kaugnay ng demokrasya ng bansa, binigyang-diin ni Hu na:

"Ang mga mamamayan ay nagsisilbing panginoon ng bansa at ito ay buhay ng sosyalismo. Dapat palawakin ang maayos na pakikilahok ng mga mamamayan sa mga suliraning pampulitika at italaga ang higit pang maraming di-CPC na tauhan sa mga namumunong puwesto ng bansa."

Inulit din ni Hu ang paninindigan ng Pamahalaang Tsino sa isyu ng Taiwan at solemnang nanawagan siyang sa ilalim ng prinsipyong isang Tsina, wakasan ang ostilong kalagayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits sa pamamagitan ng pagsasanggunian at marating ang kasunduang pangkapayapaan.

Tungkol naman sa ugnayang panlabas, sinabi ni Hu na:

"Patuloy na mananangan ang Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad at patuloy na paiiralin nito ang estratehiya ng pagbubukas sa labas na naglalayong isakatuparan ang komong pag-unlad. Kasabay ng pagpapaunlad ng sariling bansa, patuloy na pahahalagahan din ng Tsina ang pagkabahala ng iba pang mga bansa, lalung lalo na ang mga umuunlad na bansa."

Kaugnay ng pag-unlad ng CPC, binigyang-diin ni Hu na anumang kasong may kinalaman sa paglabag sa disiplina ng partido at batas ng bansa ay dapat puspusang imbestigahan at parusahan at hindi dapat kaawaan ang sinumang tiwaling miyembro ng partido.

Tatagal nang 7 araw ang idinaraos na Pambansang Kongreso ng CPC. Ayon sa agenda, susuriin ng mga kalahok ang nasabing ulat ni Hu, susuriin at pagtitibayin din ang Saligang Batas ng CPC, susuriin ang work report ng ika-16 na Central Commission for Discipline Inspection ng CPC at ihahalal din ang mga bagong miyembro ng Komite Sentral at nasabing komisyon.