Idinaraos sa Beijing ang Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa. Bilang isang pulong na idinaraos sa panahon kung kailan pumapasok na sa masusing yugto ang reporma't pagbubukas sa labas ng bansa, ang ginaganap na kongreso ay nakatawag ng pansin mula sa iba't ibang saray.
Tingnan natin kung paano nagkokoment dito ang mga karaniwang mamamayang Tsino.
Si Gng. Du Wenfang ay isang halos 80-taong gulang na residente sa dakong timog ng Beijing. Bago pa mang sinimulan ang seremonya ng pagbubukas ng nasabing pulong alas-9 kahapon ng umaga, binuksan na niya ang TV para mapanood ang live telecast.
Nang marinig ang hinggil sa mga natamong bunga ng bansa sapul nang isagawa ang reporma't pagbubukas sa labas sa ulat ni Pangulong Hu Jintao, madamdaming sinabi ni Gng. Du na:
"Noong taong 1974, 40 Yuan RMB o mahigit 5 dolyares lamang ang aking suweldo. Nitong halos 30 taong nakalipas sapul nang isagawa ang reporma't pagbubukas sa labas, walang-humay na tumataas ang aking sahod at sa kasalukuyan, lampas na sa 1000 Yuan RMB o 130 dolyares ang aking pensyon. Tingnan mo kung gaano kabilis ang pagtaas ng bilang na ito."
Gayunpaman, hindi masasabing mataas ang pensyon ni Gng. Du sa isang malaking munisipalidad na tulad ng Beijing na kung saan pataas nang pataas ang konsumo. Pero, walang ikinababalisa si Du kaugnay ng kanyang pamumuhay. Sinabi niya na:
"Kahit hindi gaano kahusay ang aking kalusugan, salamat sa social security system, meron akong nakukuhang medical reimbursement at nasisiyahan ako sa aking pamumuhay."
Nabasa naman ni Ni Juan, apong babae ni Gng. Du, ang ulat ni Hu sa internet. Bilang isang estudyante ng pamantasan, napansin niyang may itinatadhanang nilalaman ang ulat kaugnay ng isyu ng paghahanap-buhay ng mga graduweyt--kanyang pinaka-pinahahalagahang isyu. Sinabi niya na:
"Nahihirapan ang mga graduweyt ng pamantasan sa paghahanap-buhay. Sa kanyang ulat, sinabi ni Pangulong Hu na buong-husay na hahawakan ng Pamahalaan ang isyng ito. Patuloy ako sa pagbibigay-pansin sa mga isasagawang konkretong hakbangin."
Ang kung papaanong pabubutihin pa ang pamumuhay ng mga madla ay isa sa mga mahalagang paksa ng ulat ni Hu. Sa kanyang ulat, nangako si Hu na buong-sikap na pabubutihin pa ng Pamahalaang Tsino ang pamumuhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapasulong ng edukasyon, hanap-buhay, serbisyong medikal, social security at iba pa.
Ang isyu ng pamumuhay ng mga mamamayan ay nakatawag din ng pansin ng mga kalahok sa idinaraos na pambansang kongreso. Si G. Song Xuantao ay isa sa mga ito. Sinabi niya na:
"Sa ulat ni Hu, inulit niya ang patakaran ng CPC at Pamahalaang Tsino na ipauna ang mga mamamayan at tiyak na ibayo pang makikinabang dito ang sambayanang Tsino."
Sang-ayon sa paninindigan ni Song si G. Tan Li, isa pang kalahok. Sinabi niya na:
"Ang pinakamahalagang paninindigang mababasa sa ulat ni Hu ay dapat makinabang sa biyaya ng reporma't pagbubukas sa labas ang mga karaniwang mamamayang Tsino. Nananalig akong sa susunod na limang taon, makapagtatamasa ang mga mamamayan ng higit pang maraming benepisyo."
|