Idinaraos sa Beijing ang ika-17 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa. Sa kanyang ulat sa seremonya ng pagbubukas, detalyadong inilahad ni Pangkalahatang Kalihim Hu Jintao ng partido ang nilalaman at katuturan ng siyentipikong pananaw sa pag-unlad o scientific outlook on development at iniharap niyang dapat buong-sikap na patutuparin pa ng CPC ang pananaw na ito para ibayo pang makinabang ang mga mamamayang Tsino sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Masigla ang koment at palagay rito ng mga kalahok sa ginaganap na kongreso.
Kaugnay nito, sinabi ni Tan Li, isang kalahok na mula sa Lalawigang Sichuan sa dakong timog-kanluran ng bansa, na:
"Sa proseso ng mabilis na pag-unlad ng kabuhayan, nagiging kapansin-pansin din ang isyu ng pagtitipid sa likas na yaman at pangangalaga sa kapaligiran. Makabuluhan na iniharap ng CPC ang siyentipikong pananaw sa pag-unlad sa ilalim ng nasabing situwasyon. Nagsisilbi itong garantiya para sa sustenableng pag-unlad ng bansa."
Ang pananaw na ito ay nagtatampok sa komprehensibo, koordinado at sustenableng pag-unlad. Ang pinakapangunahing nilalaman nito ang kaunlaran at ang nukleo nito ay pagpapauna ng mga tao.
Ipinalalagay ng mga kalahok na ang pakay sa hinaharap ay kung papaanong matutupad ang nasabing pananaw. Tungkol dito, sinabi ni Fu Chengyu, Punong Tagapangasiwa ng China National Offshore Oil Corp. o CNOOC, na:
"Kung magpupunyagi ang mga malaking bahay-kalakal na ari ng estado na tulad ng CNOOC para makapagtipid ng likas na yaman, makakatulong ito sa sustenableng pag-unlad ng bansa. Sa susunod na limang taon, maglalaan ang aking kompanya ng malaking pondo sa aspektong ito."
Ang Shanxi ay isang malaking lalawigan ng Tsina na nagpoprodyus ng karbon. Sinabi ni Meng Xuenong, CPC lider sa nasabing lalawigan, na nailakip na sa agenda ng pag-unlad ng probinsya ang pangangalaga sa kapaligiran. Sinabi niya na:
"Batay sa patakaran ng sustenableng pag-unlad at recycling economy at gayundin sa aktuwal na kalagayan ng Shanxi, namumuno ako sa 33 milyong residenteng lokal para mapabuti ang kanilang pamumuhay at mapangalagaan din ang kapaligiran."
Ipinalalagay rin ng mga kalahok na kasabay ng pagpapatupad ng siyentipikong pananaw sa pag-unlad, makapagtatamasa ng higit pang maraming benepisyo ang mga karaniwang mamamayang Tsino.
Si Liu Changfu ay isang kalahok mula sa isang autonomous region ng pambansang minorya sa Chongqing sa dakong timog-kanluran ng bansa. Kaugnay ng mga natamong benepisyo ng kaniyang lupang-tinubuan, sinabi niya na:
"Kumpara sa 10 taon na ang nakaraan, meron na ngayon kaming koryente, tubig, lansangan at paaralan. Tuwang-tuwa rito ang mga residenteng lokal."
Ang pagbabago ng lupang-tinubuan ni Liu ay bunga ng pagdaragdag ng Pamahalaang Tsino ng laan-gugulin sa kanayunan. Sa kasalukuyang taon lamang, umaabot na sa 400 bilyong Yuan RMB o mahigit 50 bilyong dolyares ang laang-gugulin ng pamahalaan na may kinalaman sa agrikultura, kanayunan at mga magsasaka.
Kaugnay ng pagpapatupad sa nasabing pananaw, sinabi naman ni Xi Jinping, kalahok mula sa Shanghai na:
"Kaugnay ng laang-gugulin at serbisyong pampubliko, bibigyan namin ng priyoridad ang mahihirap na rehiyon at tao. May isasagawang hakbangin kami sa serbisyong medikal, hanap-buhay at edukasyon na siyang mga larangang nakatawag ng pinakamalaking pansin ng madla."
|