Noong 2004, iniharap ng Partido Komunista ng Tsina o CPC, naghaharing partido ng bansa, ang konsepto ng pagtatatag ng may-harmonyang lipunan. Nitong mahigit tatlong taong nakalipas, nagsisilbi itong pangunahing tungkulin ng mga pamahalaan ng Tsina sa iba't ibang antas. Sa idinaraos na ika-17 pambansang kongreso ng CPC naman, ang isyung ito ay pinag-uukulan din ng pansin ng mga kalahok na miyembro.
Si G. Zhao Yuzhong, isang kalahok mula sa Chao Hu, isang lunsod ng lalawigang Anhui sa sentral Tsina, ay isang abogado sa legal aid center ng lokalidad. Ang mga legal aid center ay iyong mga espesyal na organo na nagsasagawa ng tungkulin ng legal aid sa ngalan ng Pamahalaang Tsino at nagbibigay ng walang-bayad na tulong sa mahihirap na mamamayan. Sinabi niya na:
"Ang pinapasukan kong legal aid center ay itinatag noong taong 1996. Kumpara sa panahon nang itatag ito, sa kasalukuyan naman, malaki ang laang-gugulin dito mula sa pamahalaan. Ipinakikita nitong binibigyan ngayon ng pamahalaan ng higit pang malaking pagpapahalaga ang pamumuhay ng mga mamamayan. Sa tulong ng legal aid, nabibigyan ng pagkakapantay at katarungan ang mga mamamayan at nang sa gayon, napapasulong din ang harmonya ng lipunan."
Ang layunin ng pagtatatag ng may-harmonyang lipunan ay pasulungin ang koordinadong pag-unlad sa pagitan ng kalunsuran at kanayunan at gayundin sa pagitan ng iba't ibang lugar, lumikha ng higit pang maraming trabaho, pasulungin ang edukasyon sa kanayunan, kumpletuhin ang social security system at iba pang mga isyung may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayang Tsino.
Maraming isinasagawang mabibisang hakbangin ang mga pamahalaang lokal para malutas ang nasabing mga problema.
Kaugnay ng pagpapasulong ng koordinadong pag-unlad ng iba't ibang lugar, mayaman sa karanasan dito ang Mudanjiang, isang lunsod sa dakong hilagang-silangan ng bansa. Sinabi ni Xu Guangguo, kalahok na CPC leader mula sa nasabing lunsod na ang Suifenhe ang pinakamaunlad na county ng rehiyon dahil isang pantalan ito na nagbubukas sa Rusya samantalang ang Muling, isang county na kalapit sa Suifenhe ay isa sa mga di-maunlad na county ng rehiyon. Aniya, upang matulungan ang pag-ulad ng Muling, hinihikayat ito ng pamahalaang lokal na magsagawa ng industriya ng pagpoproseso ng mga inaangkat at iniluluwas na paninda sa pagsasamantala ng bentahe ng kalapit na Suifenhe bilang daungan. Sinabi pa ni Xu na:
"Nitong ilang taong nakalipas, mabilis na umuunlad na ang Muling County. Noong taong 2006, umabot na sa 13,500 Yuan RMB o 1700 dolyares ang taunang per capita GDP nito na halos doble kumpara sa taong 2002."
Kaugnay ng isyu ng hanap-buhay, tingnan natin kung ano ang sinabi ni Zhang Jiehui, kalahok na CPC leader mula sa Anshan, lunsod ng Lalawigang Liaoning sa dakong hilaga-silangan ng bansa.
"Nitong ilang taong nakalipas, buong-sikap na nilulutas ng Anshan ang isyu ng hanap-buhay. Hanggang sa kasalukuyan, mahigit 13,600 pamilya ang nabigyan ng tulong dito. Ang isyu ng hanap-buhay ay hindi na pangunahing problema sa pag-unlad ng Anshan."
Kaugnay naman ng isyu ng edukasyon, sinabi ni Zhou Ji, kalahok na Ministro ng Edukasyon, na:
"Nitong limang taong nakalipas, upang mapasulong ang pantay na edukasyon, mahigpit na pinasulong ng Pamahalaang Tsino ang edukasyong bokasyonal, higher education at iba pa."
Kaugnay ng pagtatatag ng may-harmonyang lipunan sa hinaharap, sa kanyang ulat sa seremonya ng pagbubukas ng idinaraos na pambansang kongreso ng CPC, hiniling ni Pangkalahatang Kalihim Hu Jintao ng partido na:
"Ang pagtatatag ng may-harmonyang lipunan ay isang pangmalayuang tungkulin ng pamahalaan. At ang pakay nito ay para malutas ang mga isyung pinaka-pinahahalagahan ng mga mamamayang Tsino."
|