Idinaos dito sa Beijing ngayong umaga ang unang sesyong plenaryo ng ika-17 Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina o CPC na kung saan nahalal ang bagong literado ng partido. Ang bagong halal na pirmihang kagawad ng Pulitburo ng CPC ay kinabibilangan nina Hu Jintao, Wu Bangguo, Wen Jiabao, Jia Qinglin, Li Changchun, Xi Jinping, Li Keqiang, He Guoqiang at Zhou Yongkang. Nahalal si Hu Jintao bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at puno ng Central Military Commission ng CPC.
Nahalal din ang mga bagong miyembro at mga panghaliling miyembro ng Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC, mga miyembro ng Sekretaryat ng Komite Sentral ng CPC at gayundin ang mga miyembro ng Central Military Commission ng CPC.
Pagkaraan ng nasabing sesyong plenaryo, nakipagtagpo sa mga mamamayag mula sa loob at labas ng Tsina ang nabanggit na siyam na bagong halal na pirmihang kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC at bumigkas ng talumpati si Hu.
Sa kanyang talumpati, sa ngalan ng bagong liderato, ipinahayag ni Hu na mananangan pa sila sa teoriya ni dating lider Deng Xiaoping at mahalagang ideolohiyang "three representatives" at malalimang tutupdin ang siyentipikong pananaw sa pag-unlad o scientific outlook on development para makalikha ng higit pang malawak na prospek ng sosyalismong may katangiang-Tsino. Sinabi niya na:
"Dapat buong-sikap na manangan tayo sa kaunlaran, pinakapangunahing tungkulin ng CPC bilang naghaharing partido ng bansa. Dapat ding nating buong-sikap na pasulungin ang pag-unlad ng socialist market economy, sosyalistang demokratikong pulitika, sosyalistang sulong na kultura at gayundin ng sosyalistang may-harmonyang lipunan para maisakatuparan ang komprehensibo, koordinado, sustenable at siyentipikong pag-unlad na nagtatampok sa pagpapauna ng mga tao."
Nangako siyang patuloy na igigiit ng bagong liderato ng partido ang prinsipyo ng taos-pusong paglilingkod sa mga mamamayan. Sinabi niya na:
"Sa ilalim ng prinsipyo na nangangasiwa ang CPC para sa kapakanan ng sambayanang Tsino, buong-sikap at patuloy na lulutasin ng partido ang mga isyung pinaka-pinahahalagahan ng madla para mapasulong ang pagkakapantay at katarungan ng bansa."
Nangako rin siyang patuloy na patataasin ng CPC ang lebel ng pangangasiwa nito sa pamamagitan ng siyentipiko at demokratikong paraan batay sa mga batas at regulasyon.
Kaugnay ng patakarang diplomatiko ng Tsina, sinabi ni Hu na:
"Buong-tatag at patuloy na mananangan ang Tsina sa nagsasariling mapayapang patakarang panlabas at gayundin sa landas ng mapayapang pag-unlad, patuloy na paiiralin ang bukas na estratehiyang may mutuwal na kapakinabangan at makikipagtulungan sa mga bansang dayuhan batay sa limang simulain ng mapayapang pakikipamuhayan at nang sa gayon, mapapasulong ang pagtatatag ng may-harmonyang daigdig."
Nagpulong din ngayong umaga ang mga bagong halal na miyembro ng Central Commission for Discipline Inspection ng CPC at nahalal si He Guoqiang bilang puno ng komisyong ito.
Kumpara sa mga pirmihang miyembro ng mga nakaraang Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC, mas bata ang mga bagong halal na pirmihang miyembro.
Si 64-na-taong-gulang na Hu Jintao ay taga-Anhui, lalawigan sa dakong silangan ng Tsina at nagtapos siya sa Tsinghua University. Sina Wu Bangguo, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC ng Tsina, Premyer Wen Jiabao, Jia Qinglin, Tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino o CPPCC, at Li Changchun ay dating mga pirmihang kagawad ng ika-16 na Komite Sentral ng CPC. Pagdating sa iba pang apat na bagong mukha, ang 54-na-taong-gulang na si Xi Jinping ay nanunungkulan ngayon bilang CPC leader sa Shanghai, ang 51-taong-gulang na si Li Keqiang ay kasalukuyang CPC leader sa Liaoning, lalawigan sa dakong hilaga-silangan ng bansa, ang 63- taong-gulang na si He Guoqiang ay kasalukuyang puno ng Organization Department ng Komite Sentral ng CPC at ang 64-na taong-gulang na si Zhou Yongkan ay kasalukuyang kasangguni ng estado at ministro ng seguridad na pampubliko.
|