Ang paghahanda at pagdaraos ng Beijing Olympic Games ay hindi maihihiwalay sa masiglang pagsangkot ng mga tagalunsod ng Beijing at mga karaniwang mamamayang Tsino. Kamakailan lamang, ang Beijing Hotel at ang Grand Hotel Beijing ay opisyal na naging miyembro ng Headquarter Hotel ng Malaking Pamilya ng Olympic.
Sa panahon ng paligsahan ng 2008 Beijing Olympic Games, ang Headquarter Hotel ang siyang lugar na katatalagahan sa Beijing ng mga opisyal ng International Olympic Committee at siya ring headquarter at Command Center ng International Olympic Committee sa panahon ng paligsahan. Magsasabalikad ito ng mahalagang tungkulin. Kausapin natin ang dalawang karaniwang empleyado ng Grand Hotel Beijing. Tingnan natin kung paano sila nag-aabala para sa pagdatal ng Olympic Games.
Ang 30 taong gulang na si Zhong Xin ay nagtapos sa Qianmen High School noong 1986. Sapul noon ay nagtatrabaho siya sa Grand Hotel Beijing bilang isang taga-gawa ng pasteleriya. Dapat banggitin na noong taong 2006, nagtamo ng unang premyo sa paligsahan ng pagpapakita ng galing ng mga kawani ng Grand Hotel Beijing ang gawa niyang pasteleriyang tinatawag na "Namumukadkad na Bulaklak sa Maaliwalas na Tagsibol".
Ang naturang paligsahan ay itinaguyod ng Headquarter Hotel ng Beijing Olympic Games na siyang paurong na bumibilang sa oras ng pagdaraos ng Olympic Games. Tungkol sa Beijing Olympic Games, sinabi ni Zhong Xin na talagang niyang ipinagmamalaki ang pagiging isang tagalunsod ng Beijing. Anya:
"Noong 2001, nang magtagumpay ang Beijing sa pag-aplay sa pagdaraos ng Olympic Games, naniniwala akong bawat Tsino sa sandaling iyon ay labis na nalulunod sa katuwaan at nalilipos ng mapagmayabang na damdamin. Nang itinakda ang aming hotel bilang headquarter hotel ng 2008 Olympic Games, ang pakiramdam ko'y kagaya noong may 6 na taon na ang nakararaan. Ipinagkakapuri at ipinagmamayabang ko ang aking sarili sa pagiging isang empleado ng aming hotel. Kasabay nito'y nadarama ko rin ang mabigat na responsibilidad na nakapasan sa akin. Sapagkat isang mahalagang kawing ng gawain sa pagtanggap sa Olympic Games ang gawain sa paghahanda ng mga pagkain. at inumin. Tiyak na magsusumikap ako para mapataas ang pamantayang teknikal. Nang sa gayo'y makagawa ng mga masasarap na putahe para sa mga panauhin sa taong 2008."
Taos pusong inaasahan ni Zhong Xin na makaparito sa Beijing ang mga kaibigan sa iba't ibang sulok ng mundo para mapanood ang Olympic Games at gagawan niya ang mga panauhin ng mga masasarap na pagkain sa pamamagitan ng kanyang mahusay na kagalingan. Sinabi niya na,
"Habang papalapit na ang Olympic Games, gusto kong sabihin sa mga kaibigan mula sa iba't ibang lugar ng daigdig na hinihintay namin ang kanilang pagdating. At ipapakita ko sa kanila ang kultura ng pagkaingTsino sa pamamagitan ng mga putaheng buong ingat na gawa ko at taos pusong paglilingkuran sila."
|