Bilang punong-abala, handang handa na ngayon sa gaganaping ika-apat na China-Asean Expo o CAEXPO ang panig ng Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi.
Kaugnay ng itatampok na aspekto ng gaganaping ekspo, ganito ang tinuran ni Li Jinzao, Pangalawang Puno ng Guangxi.
"Ang tema ng gaganaping ika-4 na CAEXPO ay pagtutulungan ng mga pantalan. Nasa magkasamang pagtataguyod ng Guangxi at Ministri ng Komunikasyon, idaraos ang Porum ng Pagpapaunlad at Pagtutulungan ng mga Daungan ng Tsina't Asean."
Sinabi pa niyang ang mga aanyayahang lumahok sa nasabing porum ay kinabibilangan ng mga alkalde mula sa mga pangunahing daungan, mga multinasyonal na bahay-kalakal na may kinalaman sa paglalagay ng kargamento sa bapor, mga bahay-kalakal na gumagawa ng port equipments at mga bahay-kalakal ng paglilipat.
Noong Oktubre, taong 2003, sa ika-7 10+1 Summit, iminungkahi ni Premyer Wen Jiabao ng Tsina ang pagsisimula ng pagdaraos ng taunang CAEXPO sa Nanning noong 2004 bilang isa sa mga konkretong hakbangin ng pagpapasulong ng ugnayang pangkabuhaya't pangkalakalan sa pagitan ng Tsina't Asean. Mainit na tinanggap naman ito ng 10 bansang Asean.
Masasabing matagumpay at mabunga ang 3 nakaraang CAEXPO. Kaugnay ng kadahilanan ng tagumpay na ito, sinabi ni Wang Lei, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng Sekretaryat ng CAEXPO, na:
"Una, ito ay bunga ng pagpapapahalaga at kolaborasyon ng Tsina at 10 bansang Asean. Ikalawa, ito ay dapat ipagpasalamat sa mainam na pag-unlad ng relasyong pangkabuhaya't pampulitika ng dalawang panig na nagtatampok sa pagtatatag ng China-Asean Free Trade Area o CAFTA."
Salamat sa komong pagsisikap ng magkabilang panig, kapansin-pansin ang paglaki ng kalakalang Sino-Asean. Inisa-isa ni Gao Hucheng, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, ang mga kinauukulang datos. Tingnan natin.
"Sa kasalukuyan, ang Tsina at Asean ay ika-4 na pinakamalaking trade partner ng isa't isa. Sa taong ito, may pag-asang umabot sa 190 bilyong dolyares ang kalakalang Sino-Asean at sa taong 2008 naman, may pag-asang lumampas sa 200 bilyong dolyares."
Sinabi pa niyang aktibo rin ang Tsina at mga bansang Asean sa pagbubukas ng pamilihan sa isa't isa para mapasulong ang pamumuhunan ng magkabilang panig.
Upang lubusang maikober ang gaganaping ika-4 na CAEXPO, sa buong panahon ng pagtatanghal, magsasahimpapawid ang Serbisyo Filipino ng limang-minutong espesyal na palatuntunan hinggil dito araw-araw at kasabay nito, maari rin ninyong bisitahin ang aming website na Filipino.cri.cn na kung saan nagbukas kami ng espesyal na kolum na nagtatampok sa gaganaping CAEXPO.
|