Binuksan ngayong araw sa Nanning, lunsod sa timog kanlurang Tsina, ang ika-4 na China ASEAN Expo o CAEXPO at ika-4 na Summit sa Negosyo at Pamumuhunan ng Tsina at ASEAN o CABIS.
Ang CAEXPO ay isang konkretong hakbangin bilang pagpapasulong ng pagtatatag ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN o CAFTA. Nitong 3 taong nakalipas, ipinagkaloob ng ekspong ito sa mga bahay-kalakal ng Tsina at sampung bansang ASEAN ang plataporma ng pagtatanghal at transaksyon ng kanilang mga produkto at tulay ng pamumuhunan sa isa't isa at pinasulong nito ang kooperasyon ng dalawang panig sa mga larangan ng turismo, siyensiya, teknolohiya at iba pa.
Sa kasalukuyang ekspo, sinimulang itakda ang partner country ng ekspo at idaraos ang isang serye ng promosyon na may kinalaman sa bansang ito. Ang partner country sa ekspong ito ay ang Brunei. Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng ekspo, positibo si Al-Muhtadee Billah, crown prince ng Brunei, sa tunay na kapakanan sa Tsina at mga bansang ASEAN na dulot ng CAEXPO. Anya,
"Sapul nang idaos ang kauna-unahang CAEXPO noong taong 2004, walang humpay itong umuunlad at ipinagkakaloob nito ang plataporma ng pagtatanghal sa mga pinakamabuting kompanya sa ASEAN at Tsina at ang pagkakataon para sa pag-uusapan at pagpapalitan ng aming mga mangangalakal. Nananalig akong maging isang pinakamainam na plataporma ang CAEXPO at tulungan nito kami sa paglikha ng isang maganda at masaganang kinabukasan para sa aming mga mamamayan."
Bumigkas ng keynote speech si pangalawang premyer Zeng Peiyan ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng CABIS. Tinukoy niyang dapat patuloy na palakasin ng Tsina at ASEAN ang diyalogo hinggil sa patakaran sa pamumuhunan para matapos sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa kasunduan sa pamumuhunan ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN. Ipinahayag niyang dapat palakasin ng mga may kinalamang organo ng dalawang panig ang pag-uugnayan at pagsasanggunian para ibayo pang pabutihin ang kapaligiran para sa pamumuhunan, aktibong itatag ang platapormang panserbisyo at katigan ang mga maliliit at katam-tamang bahay-kalakal sa pamumuhunan. Sinabi niyang,
"Bilang pangunahing destinasyon ng pamumuhunan sa labas ng mga bahay-kalakal na Tsino, isasagawa ng Tsina ang mga hakbangin para dagdagan ang pamumuhunan sa mga bansang ASEAN na gaya ng pagtatatag ng ilang sona ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan at pagpapasulong ng lokalisasyon ng mga bahay-kalakal na Tsino sa mga bansang ito."
Ang tema ng kasalukuyang CABIS ay "inobasyon at kooperasyon para mapabilis ang pag-unlad ng kabuhayang panrehiyon". Kaugnay ng temang ito, sinabi ni Zeng na noong isang taon, iniharap ng Tsina at ilang bansang ASEAN ang ideya hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyong pangkabuhayan sa rehiyon ng Pan Beibu Gulf at ito ay makakabuti sa pagbuo ng isang bagong punto ng pag-unlad ng kabuhayan sa rehiyon. Anya,
"Dapat malalimang talakayin ng dalawang panig ang mga isyung may kinalaman sa pagsasagawa ng kooperasyong pangkabuhayan sa rehiyon ng Pan Beibu Gulf, itatag ang mekanismong pangkoordinasyon sa pagitan ng mga pamahalaan at grupo ng mga eksperto, palakasin ang konstruksyon ng imprastruktura at pabutihin ang mga sistema at kapaligiran ng pagpasok-labas, inspeksyon, bisang pangnegosyo at iba pa para ang subrehiyonal na kooperasyong ito ay maging isang bagong tampok ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at ASEAN."
|