Kinatagpo noong Miyerkules sa Hanoi si Liu Yunshan, dumadalaw na kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina o CPC at puno ng Ministri ng Publisidad ng CPC ni Nong Duc Manh, pangkalahatang kalihim ng Partido Komunista ng Biyetnam. Sinabi ni Liu na sa kasalukuyan, mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng pangkapitbansaang pagkakaibigan at komprehensibong relasyong pangkooperasyon ng Tsina at Biyetnam. Madalas ang pagdadalawan sa mataas na antas ng dalawang panig, tuluy-tuloy na humihigpit ang pagtitiwalaang pulitikal, mabilis na umuunlad ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, lumalalim ang pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan, lalung-lalo na ng mga kabataan ng dalawang bansa, mabunga ang kanilang kooperasyon sa larangan ng kultura, teknolohiya, edukasyon at iba pa at lumalakas ang kanilang koordinasyon at kooperasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Ipinahayag din ni Liu na lubos na pinahahalagahan ng partido at pamahalaan ng Tsina ang pagpapaunlad ng relasyon ng Tsina at Biyetnam at ang lalo pang pagpapalakas ng pangkapitbansaang pagkakaibigan at komprehensibong relasyong pangkooperasyon ng dalawang panig ay konsistenteng patakaran ng panig Tsino. Sinabi naman ni Nong Duc Manh na ang humihigpit na pagpapalagayan sa mataas na antas ng mga partido ng Biyetnam at Tsina ay hindi lamang simbolo, kundi rin garantiya sa maalwang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda anya ang partido at pamahalaan ng Biyetnam, katulad ng dati, na magsikap para mapasulong ang relasyong pangkaibigan nila ng Tsina, patuloy na mapalakas ang pagpapalitan at pagtutulungang pangkaibigan sa iba't ibang larangan at mapahigpit ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan nila sa isa't isa.
Kinatagpo noong Biyernes sa Vientiane si Liu Yunshan, dumadalaw na kagawad ng pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina at ministro ng Departmento ng Publisidad ng partido ni Choummaly Sayasone, Pangulo ng Laos. Sinabi ni Liu na ang ibayo pang pagpapalakas ng Tsina at Laos ng komprehensibong pagpapalitan at pagtutulungan ay angkop sa pundamental na kapakanan ng 2 panig at magsisikap ang bagong Komite Sentral, tulad ng dati, para mapaunlad ang tradisyonal na pagkakaibigan at komprehensibong kooperasyon ng Tsina at Laos. Sinabi ni Choummaly na malalim na umuunlad ang kooperasyong pangkaibigan ng Laos at Tsina. Anya, buong tatag na kumakatig ang Laos sa usapin ng sosyalismong may katangiang Tsino at pagsasakatuparan sa lalong madaling panahon ng Tsina ng reunipikasyon ng bansa at buong lakas na pasusulungin ng Laos, kasama ng Tsina, ang tradisyonal na relasyong pangkaibigan ng 2 bansa.
Nakipagtagpo noong Huwebes sa Beijing si Wang Gang, kagawad ng pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, sa delegasyon ng State Archives Administration ng Biyetnam at dumalo sa seremonya ng pagbubukas ng isang archives exhibition na may pamagat na "Si Ho Chi Minh at ang Tsina" na magkasamang itinataguyod ng mga State Archives Administration ng Tsina at Biyetnam. Sa eksibisyong ito, itinatanghal ang mahigit 260 dokumento at kuhang-larawan hinggil sa kasaysayan ng pagpapalagayan ni yumaong pangulong Ho Chi Minh ng Biyetnam at ng mga mamamayang Tsino.
Sa ika-6 na pulong ng mga ministro ng komunikasyon ng Tsina at ASEAN na idinaos noong Biyernes sa Singapore, nilagdaan ng Tsina at ASEAN ang kasunduan sa transportasyong pandagat na naglalayong lalo pang palakasin ang kooperasyon ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN sa mga suliraning pandagat na tulad ng paghahatid ng pasahero at paninda at sa gayo'y palawakin ang bilateral na pagpapalagayang pangkabuhayan at pangkalakalan. Ipinahayag ni Li Shenglin, kalahok na ministro ng komunikasyon ng Tsina, na nagsasagawa ngayon ang Tsina at iba't ibang bansang ASEAN ng komprehensibong kooperasyon sa larangan ng komunikasyon at gumaganap ito ng mahalagang papel ng paggarantiya sa pag-unlad ng kabuhayan at pagpapalitan ng kalakalan ng dalawang panig. Ipinahayag niyang sa hinaharap, lalo pang mapapaunlad ang kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa larangan ng komunikasyon. Bukod dito, ipinasiya rin sa naturang pulong ng Tsina at ASEAN na magtulungan sa ilalim ng ASEAN-China Aviation Cooperation Framework at makakabuti ito sa pag-unlad ng serbisyong pang-abiyasyon ng dalawang panig.
Idinaos noong Biyernes sa Lalawigang Yunnan ng Tsina ang ikalawang porum ng media ng Tsina at ASEAN. Lumahok sa porum ang mga kinatawan mula sa halos 40 media ng Tsina at ASEAN at tinalakay nila ang mga isyu ng pagpapalalim ng pagpapalitan at pagtutulungan ng mga media, pagtatatag ng plataporma ng network ng pagbabahagi ng impormasyon at iba pa. Ipinalalagay ng mga kalahok na ang pagpapalalim ng pagpapalitan at pagtutulungan ng mga media ng Tsina at ASEAN ay makakabuti sa pagbabahagi ng impormasyong panrehiyon, pagpapalakas ng pagkakaunawaan at pagtitiwalaan ng Tsina at mga bansang ASEAN at paglilingkod nang mas mabuti sa konstruksyon ng malayang sonang pangkalakalan ng dalawang panig.
|