Sa kahabaan ng expressway mula sa paliparang Wu Xu ng Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, kung patutungo sa kalunsuran nito, makikita ang pambansang bandila ng 10 kasaping Asean.
Ipinakikita nitong kasabay ng pagtatatag ng CAFTA, China-Asean Free Trade Area, sa pagsasamantala sa bentaheng heograpikal ng Nanning, nangunguna ang lunsod na ito sa pagtutulungang Sino-Asean. Kung mamamasyal kayo sa Nanning, mararamdaman at makikita ninyo ang mga elementong Asean.
Sa loob ng Wal-Mart supermarket, si Gng. Liu ay abala sa pamimili ng mga prutas na tropikal. Bilang isang dalagang naninirahan sa lokalidad, sinabi niya na noong araw, dahil sa mataas na presyo, bihira siyang bumili ng mga inaangkat na prutas mula sa Asean, pero, iba na aniya ang situwasyon sa ngayon. Sinabi niya na:
"Sapul nang pairalin ang serong taripa sa mga inaangkat na prutas mula sa Asean, pamura na nang pamura ang ganitong mga prutas at anumang oras na magustuhan kong kumain ng mga ito, nagpupunta lang ako sa supermarket."
Bukod sa mga prutas na tropikal, matatagpuan din sa Nanning ang mga restawran na nagtatampok sa mga lutuing Asean. Samantalang pinananatili ang orihinal na lasa, nagagawa din namang iakma sa kagustuhan ng mga mamamayang lokal ang isinisilbing ulam.
Bilang isang gourmand, ganito ang pagtasa sa mga lutuing Asean ng isang residenteng lokal na si G. Yan Bing.
"May isang kalye sa Nanning na kung saan matitikman ang iba't ibang lutuin ng mga bansang Asean. Maraming tao ang pumaparoon araw-araw."
|