Kayo ay nasa Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina. Ito si Ramon Jr. at welcome sa Dear Seksiyong Filipino 2007.
Ang ika-4 na CAEXPO na ginanap noong Oktubre 28 hanggang 31 sa Nanning ng Guangxi, Tsina ay nag-iwan ng hindi mabuburang impresyon sa ilang masusugid na tagapakinig ng Serbisyo Filipino. Ang isa sa Filipino Service loyalists na ito ay si Butch Pangilinan ng Bajac-Bajac, Olongapo City.
Si Butch na nagtatrabaho bilang security officer sa Subic Bay Port ay nakikinig sa pagsasahimpapawid ng CRI Filipino Service mula Lunes hanggang Linggo at tatlong ulit bawat gabi, kaya nasundan niya ang engrandeng pagtatanghal mula sa pagbubukas hanggang pagtatapos.
Sabi ni Butch, tulad din naman ng mga naunang CAEXPO, naging matagumpay din ang ikaapat na pagtatanghal lalo't isasaalang-alang ang pagpapakita ng interes ng mga dayuhan na dumagsa sa mga booth ng mga kalahok na bansa. Lahat ng mga tagumpay na ito anya ay hindi maipagkakailang resulta ng mahigpit na pagtutulungan ng Tsina at ng lahat ng mga bansang miyembro ng ASEAN at ng mahigpit at walang-humpay na pagsisikap ng dalawang panig at ito ay palatandaan ng muling pagsulong ng ugnayan ng Tsina at sampung bansang ASEAN.
Kung noong nakaraang CAEXPO ang tampok sa pagtatanghal ay "charming cities" ng Tsina"t ASEAN, ngayong ikaapat na expo mga harbor cities naman ng Tsina't ASEAN ang binigyan ng exposure at sa panig ng Pilipinas, siyempre, Subic Bay Port ang napili. Ikinatuwa ito ni Butch dahil alam niya na maraming kaakit-akit na katangian ang dating base militar ng Amerika. Naroon ang magagandang tax incentives, makabagong pasilidad, maalwang atmospera ng trabaho, 100 na seguridad, "service with a smile" ng mga tao, sharp-edged technology at marami pang iba. Malaki anya ang laban ng SubicBay Port at buti na lamang at may CAEXPO ang Tsina dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang mga bansang ASEAN na maipamalas ang kanilang husay.
Ang Nanning na kapital na lunsod ng Guangxi Zhuang Autonomous Region ng Tsina ang host city ng CAEXPO kaya ito ang unang unang nakapagtatamasa ng mga produkto mula sa sampung bansang ASEAN. Sabi ni Butch, kung kinagigiliwan ng mga taga-Nanning at katanggap-tanggap sa Nanning ang mga produktong ASEANO, posible rin anyang tanggapin ang mga ito ng iba pang lunsod ng Tsina at magandang balita ito para sa mga Pinoy na tulad niya.
Sabi ni Butch, naniniwala siyang marami pang biyayang matatamo ang Tsina at ASEAN sa mga susunod na CAEXPO at salamat sa ideyang ito ng Tsina.
Ngayon, tunghayan naman natin ang mga mensahe ng ating textmates.
Mula sa 919 651 1659: "Hihintayin ko ang pagbubukas ng susunod na CAEXPO!"
Mula sa 917 401 3194: "China-ASEAN Expo, biyayang hulog ng langit!"
Mula sa 915 807 5859: "Ang ideya ng pagdaraos ng CAEXPO ay isang perfect idea!"
Tingnan naman natin ang laman ng liham, snail mail, ni Pablo Cruz ng San Juan, Cabangn, Zambales. Sabi ng liham:
Dear Kuya Ramon,
Kaunti lang ang alam ko sa China-Asean Expo na idinaraos sa Nanning taun-taon pero hindi kakaunti ang aking paniwala na ito ay malaking factor sa tuluy-tuloy na paghigpit ng relasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN--natural kasama ang Pilipinas diyan. Sa ganitong malakihang trade exposition, nagkakaroon ang mga bansang gustong mapabilis ang pag-unlad na maipakita sa mundo ang mga ipinagmamalaki nilang produkto, serbisyo at lugar na panturismo. Pagkakataon din ito para sa pagpapalitang pangkultura ng mga sangkot na bansa. Sa nalalaman ko, noong itanghal ang Cebu bilang "charming city" pati ang Davao ay naambunan din ng biyayang turista at nahigtan pa nito ang bilang nang i-promote ang Davao sa China ng Department of Tourism of the Phils. Ngayong taon, ang Subic Bay naman ang binigyan ng promotion at tiyak din na may mahahakot itong investors dahil ang Subic ay hindi lang ideal place to invest; ito ay ideal place to live din. Abangan natin ang mga susunod na CAEXPO.
Gusto ko ring batiin ang Serbisyo Filipino sa matagumpay na coverage nito ng 4th CAEXPO. Sana ipagpatuloy nito ang paghahatid ng ganitong mga balita dahil sa tingin ko, kapakipakinabang ito sa lahat ng mga Pilipino.
Salamat din, Kuya Ramon, sa iyong walang-kapagurang paglilingkod sa amin.
God bless...
Pablo Cruz San Juan, Cabangan Zambales, Phils.
Salamat din sa iyo, Pablo. Napakaganda ng sulat mo. Ipadala mo sa akin ang telephone no. mo, ha?
At hanggang diyan na lang ang oras natin para sa gabing ito. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Itong muli si Ramon Jr. na nagpapaalam at nagpapaalalang ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik.
|