Nakipagtagpo noong Miyerkules sa Beijing sina Wu Bangguo, tagapangulo ng pirmihang lupon ng Pambansang Kongresong Bayan at Cao Gangchuan, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina, kay Yuwono Sudarsono, dumalaw na Ministro ng Tanggulang Bansa ng Indonesiya.
Sa pagtatagpo, ipinahayag ni Wu na lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang relasyon ng dalawang bansa at nakahandang magsikap, kasama ng panig Indones, para mapasulong ang estratehikong partnership ng dalawang bansa. Sinabi ni Wu na nitong ilang taong nakalipas, natamo ng dalawang panig ang malaking progreso sa pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangan ng pulitika, kabuhayan, kultura, siyensiya, teknolohiya, turismo at iba pa at pinananatili ang pagsasanggunian at pagkokoordina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Tinukoy rin niyang bilang mahalagang bahagi ng estratehikong partnership, ang kooperasyon ng tropa ng dalawang bansa ay nagbigay ng bagong lakas sa relasyon ng dalawang bansa at gumaganap ng positibong papel sa pagpapasulong ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Ipinahayag naman ni Yowono na iginigiit ng Indonesya ang patakarang isang Tsina. Sinabi niyang napakahalaga ng pag-unlad ng Tsina sa Timog Silangang Asya, Asya at maging sa daigdig. Nakahanda anya ang panig Indones na pahigpitin ang estratehikong kooperasyon nila ng Tsina sa iba't ibang larangan na kinabibilangan ng suliraning pandepensa at kinakatigan ang Tsina na magpatingkad ng mas malaking papel sa mga suliraning pandepensa ng rehiyon at daigdig. Nang araw ring iyon, kinausap din si Yowono ni Cao Gangchuan, ministro ng tanggulang bansa ng Tsina. Pagkatapos ng pag-uusap, nilagdaan nila ang kasunduan sa kooperasyong pandepensa ng Tsina at Indonesya.
Ipinahayag ni Cao na nakahanda ang kanyang bansa na magsikap kasama ng panig Indones para komprehensibong mapasulong ang relasyon ng dalawang bansa at ng kanilang hukbo. Sinabi ni Cao na nitong ilang taong nakalipas, walang humpay na umuunlad ang relasyong pangkaibigan ng Tsina at Indonesiya sa pulitika, kabuhayan, militar, kultura at iba pang larangan. Sa bagong panahong historikal, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng panig Indones para mapalakas ang kanilang kooperasyon at makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa batay sa target na itinakda ng mga lider ng dalawang bansa. Sinabi naman ni Yowono na mataas na pinahahalagahan ng Indonesiya ang estratehikong partnership nila ng Tsina, at umaasa siyang komprehesibong mapapalalim ang kanilang kooperasyon sa iba't ibang larangan at ang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga suliraning pandaigdig.
Mula noong Miyerkules hanggang Huwebes, idinaos sa Nanning, isang lunsod ng Guangxi ng Tsina, ang Porum ng Tsina at ASEAN sa Kooperasyon sa Pagdedebelop ng Yamang-tao. Sinabi ni Wang Xiaochu, Pangalawang Ministro ng Personnel ng Tsina na sa kasalukuyan, pumasok na sa yugtong substansiyal ang konstruksyon ng malayang sonang pangkalakalan ng Tsina at ASEAN, at kasunod ng malalimang pag-unlad ng pagtutulungan sa iba't ibang mahalagang larangan, kailangang kailangan hubugin ang iba't ibang uri ng talentong propesyonal sa mga aspektong gaya ng agrikultura, kalakalan at pamumuhunan. Sinabi rin niyang kailangan palakasin ng Tsina at ASEAN ang pagtutulungan sa aspekto ng pagdedebelop ng yamang-tao para mapasulong ang kasaganaang pangkabuhayan at mapaliit ang agwat ng pag-unlad at maisakatuparan ang komong pag-unlad. Dumalo sa porum ang mahigit 60 kinatawan na kinabibilangan ng mga opisyal ng personnel department, dalubhasa at iskolar ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN at mga kinatawan ng ilang kilalang bahay-kalakal sa daigdig. Isiniwalat din ni Wang na hanggang sa kasalukuyan, sinanay na ng Tsina ang mahigit 6 na libong iba't ibang uri ng propesyonal na talento para sa mga bansang ASEAN. Ayon sa salaysay, sa ilalim ng pagkatig ng pondong pangkooperasyon ng Tsina't ASEAN na ipinagkaloob ng panig Tsino, sinanay na ng Tsina ang mahigit 6 na libong propesyonal na talento para sa mga bansang ASEAN na may kinalaman sa mahigit 10 larangang gaya ng kabuhaya't kalakalan, telekomunikasyon, pinansya, paghuhula ng lindol, bio-agrikultura at siyensiya't teknolohiyang pandagat.
Ang Guangxi International Youth Exchange Institute ng Tsina ay ginawaran noong isang linggo ng kauna-unahang Asian Youth Award ng Asian Youth Council. Napag-alamang itinatag ang naturang instituto noong Marso ng taong 2002. Sapul nang itatag, aktibo nitong isinasagawa ang aktibidad ng pagpapalitan ng mga kabataan ng iba't ibang bansa, ini-organisa ang mga training workshop at sinanay ang halos 400 kabataang opisyal mula sa mga bansang ASEAN at sa gayo'y napasulong ang pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga kabataan ng Asya.
|