Ang Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ay matatagpuan sa dakong timog-kanluran ng Tsina at kalapit ng mga bansang Asean. Upang mapatingkad ang papel nito bilang tulay ng pagtutulungang panturista ng Tsina at mga bansang Asean, buong-sikap na pinabubuti ng Guangxi ang kanilang transportasyon ng mga bansang Asean sa lupa, dagat at himpapawid.
"Ikinasisiya naming pagkaraan ng limang taon, mabubuksan na rin sa wakas ang mga direktang linya ng abyasyon sa pagitan ng Guilin at lahat ng mga bansang Asean."
Ang narinig ninyong boses ay si G. Zhang Xiulong, Alkalde ng Guilin ng Guangxi. Ayon sa salaysay, ilang daang libong turista mula sa mga bansang Asean ang bumibisita sa Guangxi bawat taon at marami sa kanila ang talagang naaakit ng Guilin.
Sa kasalukuyan, ang Guilin ay meron lamang dalawang direktang linya ng abyasyon patungo sa mga bansang Asean--ang isa ay papuntang Bangkok at ang isa pa ay patungo sa Kuala Lumpur. Upang mabuksan ang mga bagong linya ng abyasyon, naglaan dito ang Pamahalaang Munisipal ng Guilin ng 7 milyong Yuan RMB o 880,000 dolyares para sa kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, isinalaysay ni G. Xu, isang namamahalang tauhan mula sa Guilin Liangjiang International Airport, na:
"Kasabay ng pagtatatag ng China-Asean Free Trade Area o CAFTA, nakahanda kaming magbukas ng mga linya patungo sa Jakarta, Angkor Wat at Ho Chi Minh City. Bukod dito, magsasagawa rin kami ng di-regular na chartered flights papunta sa iba't ibang lunsod ng Asean. Mapapaginhawa ng mga ito ang paglalakbay ng mga turistang Tsino't Asean."
|